Pinoy Weekly
Posted: 13 Jul 2013 11:55 AM PDT
Napakaingay ng lungsod.
Kaliwa’t kanang busina mula sa mga kalawanging makina. Palipad sa hangin, na puno ng singaw ng usok at sangsang ng pawisang lansangan, ang sigaw ng mga tindero ng kung anu-anong katiting ng produktong binebenta. Anyaya ng mga barker at bugso ng kumukutob na damdamin sa loob ng dyip na naka-full blast ang tugtugang banyaga.
Dito nakatingin si Ervie, sa paligid ng kaniyang pinagpasyahang tahaking syudad, sa gitna ng puso ng mga ahensya ng gobyerno’t kampo ng militar na nagtulak sa kanilang likasin ang kanilang mga tahanan mula sa nayon.
Kalong ni Ervie ang kaniyang bunsong kapatid na babae, halos magdadalawang taong gulang pa lamang na kapwa naaaliw sa mga nagsindihang mga ilaw ng restawrant ng fastfood at billboard sa EDSA. Pinunasan niya ang uhog ng kaniyang nakababatang kapatid gamit ang kaniyang pink na t-shirt.
Inalala ni Ervie ang maghapong paglilibot niya sa isang tanyag na unibersidad, kasama ang kaniyang mga magulang at ang mga kuya’t ate na sumalubong sa kanilang pagdating mula sa halos kalahating araw ng pagbyahe galing Catanauan, Quezon.
“Anong school po ito?” tanong ni Ervie sa katabi niyang kuya habang saglit silang nagpapahinga kanina sa hagdanang kulay pula ang pintura. “Nasa U.P. tayo ngayon,” ang sagot sa kaniya. “Kitam, sabi sayo eh!” Bulong sabay tabig ni Ervie sa kaniyang nakatatandang kapatid.
Inisip ni Ervie na masaya sigurong makapag-aral sa nabanggit na pamantasan, kung sakaling siya man ay makapagtapos ng hayskul. Namangha siya sa mga kumpulan ng mga taong nakikipagdiskusyon sa kani-kanilang mga tinatambayan. Hindi pa man niya maunawaan kung ano ang kanilang mga pinag-uusapan, ramdam niya ang pag-aatubili ng lahat, ang paggalaw ng mundo sa iisang kumpas ng relo.
Ngunit saglit lang ang pagninilay sa pangarap na ito, dahil maiisip ni Ervie na Grade 8 pa lamang siya. May ilang taon pang kailangang palipasin at bunuin sa pag-iipon ng kakarampot na kinikita ng kaniyang pamilya mula sa pana-panahong pagbebenta ng mga kamay ng saging at ilang sako ng mga kopras – at nang masagi ng kaniyang gising na pananaginip ang reyalidad na tumigil siya sa pag-aaral ngayong taon dahil sa nangyaring lagim sa kanilang pamayanan, ganap na niyang pinakawalan ang pagmumuni-muni at ipinagpatuloy ang paglalakad papunta sa kanilang mga nakatakdang maging katalakayan.
Hindi man nakilala ni Ervie ang mga pangalan ng mahigit isandaang estudyanteng nakwentuhan niya ng hapong iyon, tila naging palagay ang kaniyang loob dahil alam niyang marami ang nakinig sa kaniyang mga munting salita. Nakaramdam siya ng kaunting katahimikan kahit habang humaharurot ang sasakyang patungo sa kung saanman nila napakiusapang tumuloy sa papalalim na gabi.
Subalit muling nabulabog ang ilusyon ng kapayapaan sa isipan ni Ervie, nang nakita niya ang isang security guard na nakatayo sa harap ng isang saradong bangko. Kahit mabilis ang eksena, naaninag niya ang isang mamang tuwid ang tindig, may kalakihan ang mga braso at may hawak na baril na nakasabit ang strap sa kanang balikat.
Agad niyang naalala ang umagang labis niyang kinatatakutan.
***
Biyernes iyon, huling araw ng Mayo.
Kagabi, pinasalubungan ng kanilang lola silang anim na magkakapatid ng isang bugkos ng bagong pitas na saging. Gumising nang maaga si Ervie. Sinuot ang kaniyang pudpod na tsinelas. Sumalok ng tubig mula sa balon at inihanda ang kalderong pagpapakuluan ng kanilang almusal na saba. Naglagay siya ng uling sa lutuan. Nagsimula ng apoy mula sa paubos na posporo at maya’t maya pa ay matagumpay na nakapagbaga sa pag-ihip at pagpaypay mula sa pinilas na karton. Muntik na siyang mapaluha sa pag-sayaw ng usok sa direksyon papunta sa kaniyang mga mata.
Sa mga huling araw ng bakasyon, gusto ni Ervie na sorpresahin ang kaniyang natutulog pang mga kapatid lalo na ang kanilang bunso, habang ang kaniyang nanay at lola ay nauna nang lumakad sa kani-kanilang hanapbuhay bago mamulat ang araw.
May mga hakbang na narinig si Ervie sa labas ng kanilang bahay. Saka niya nakitang pauwi ang kaniyang nanay nang tanggalin niya ang takip ng kalderong kumulo at sumingaw ng matamis na halimuyak. Kumuha si Ervie ng tinidor at idiniin ito sa isang piraso, saka ibinalik ang takip nang malaman na matigas pa ang laman nito. Sumipol siya at umupo sa sulok habang hinihintay makumpleto ang niluluto, habang kinukuyakoy niya ang kaniyang mga paa sa saliw ng musmos na pagkanta.
Dito nakarinig si Ervie ng isang kakaibang pitik. Pitik na tila ngayon niya lamang narinig. Pitik na tila bumali ng isang malutong na sanga. At bago niya pa man maisipan kung ano nga ba iyon talaga, sumunod na ang paglukob ng kaba sa kaniyang dibdib nang magsunuran ang mga malalakas na pitik at nabuo ang isang butas sa gilid ng kanilang pintuang gawa sa kawayan.
Dito na nagpasyang tumakbo si Ervie palabas. Iyon na lamang ang kaniyang tanging naisip na gawin sa pagliwanag ng kaniyang paningin sa mga sandaling pinuno ng nabubuhay na dugo mula sa kaniyang musmos na mga ugat at dumadagundong na puso: Ang tumakbo. Ang kumaripas papalayo sa pinanggagalingan ng mga ingay. Ingay na ayaw niyang marinig. Nakahakbang siya ng ilang mga dipa. Ngunit sa bawat segundong ratrat ang tanging laman ng hangin, yumuko si Ervie na nakatakip ang tenga at sa pagtigil niya naalala ang kaniyang mga kapatid. Kung nasaan sila, hindi niya alam. Naroon pa ba sila sa bahay? Hindi niya alam. Hindi niya alam ang gagawin sa gitna ng panganib na sumanib sa putikang mga parang.
Takbo! Takbo! Mamamatay ka diyan! Yuko! Gapang! Hindi na mapagtanto ni Ervie kung narinig niya ang kaniyang sarili o isa itong boses sa paahon na sapa. Sinundan niya ito. Naramdaman niya ang kaniyang paghinga nang muntikan na siyang matalisod ng isang matulis na bato. Naramdaman niya ang kaniyang mga binti at braso na pinupunit ng mga patalim na damo – at ang tumatakas na mga ibon sa katabing mga punongkahoy na kahit malayo ay patuloy na tinataga ng mga nilalang na nakita niyang nakasuot ng uniporme.
Saka niya nakita ang dumadaloy na tubig. Saka niya namukhaan ang kaniyang lola na nakadapa at sumisigaw habang inuunat ang mga kamay at sinesenyasan siyang pumaroon. Saka niya nakita ang kaniyang nanay na yakap ang kanilang bunso, at ang kaniyang mga kapatid na kapwa nakatuwad sa gilid ng mga nilulumot na bato.
Sa pagtigil ng maingay na pagpinta ng itim na lagim sa umagang iyon, saka lamang napansin ni Ervie ang mga luha na pumahid sa kaniyang mga pisngi. Sa labis na takot, hindi na niya namalayan ang kaniyang sariling nanginginig sa pag-iyak, kasabay ng kirot ng mga galos sa balat hanggang sa kaniyang mga paa.
At saka lamang napagtanto ni Ervie na iisa na lamang ang tsinelas na suot niya.
***
Napakaingay ng lungsod, ngunit nakamamatay ang ingay ng kanayunan.
Sa pagbalik sa hinagap ni Ervie ng mga sariwang alaala ng umiiral na mga halimaw at humahabol na bangungot na kaniyang nasaksikhan, niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang kinakalong na bunsong kapatid.
At habang pumaparada ang inarkila nilang dyip sa tapat ng kanilang pansamantalang tirahan sa Kamaynilaan, inisip ni Ervie ang niluluto niyang agahang saging nang umagang iyon. “Sayang, pwede pa sana hanggang merienda ‘yung niluluto mo no?” Pabirong tanong ng isang ate na kaharap niya. Saka siya napangiti at napatawa sa ideyang ang mga saging ay kasing pait na ng uling sa pagkakasunog.
Nagsibabaan sa dyip ang kaniyang mga kapatid, sumunod ang kaniyang nanay at lola na dala-dala ang mga bagaheng kinaya na lamang nilang i-empake noong huli nilang binalikan ang kanilang bahay bago tuluyan nang lumikas sa probinsya.
Sa pagtapak ni Ervie sa aspalto ng humuhupang ingay ng kapaligiran sa lungsod, napansin niya ang kaniyang suot na bagong pares ng tsinelas. At sa pagngiti at pagyakap sa leeg ng kaniyang magdadalawang taong gulang na kapatid, nakita ni Ervie ang bagong bukas na naghihintay para sa kanilang magpapamilya.
Mga bagong bakas ng pag-asa na dadalhin niya sa pagyapak sa mga protesta sa lansangan at pagsumbong sa sambayanang may ganap na malasakit sa kaniyang kinabukasan bilang bata. Para sa mga tulad niyang musmos na nararapat lamang matikman ang tamis ng kapayapaang nagmumula sa kawalan ng takot at pangamba.
Para sa isang lipunang matatawag ng lahat, bata man o matanda, na isang tunay na tahanang nag-aaruga ng sinumang nangangailangang kapwa.
Dahil alam ni Ervie, alam niya maging ng kanyang mga kapatid, ng kanyang pamilya at ng buong komunidad sa Quezon, na walong batalyon man ng militar ang nakapakat sa kanilang pamayanan, hindi nito matatapatan at magagapi kailanman ang lakas ng nagkakaisa at nakikibakang sambayanan.
###
No comments:
Post a Comment