Sunday, July 21, 2013

Pinoy Weekly - PPP: Planong Pagpapahirap ni PNoy

Posted: 21 Jul 2013 06:32 AM PDT


Kartun ni Romel MendezDibuho ni Romel Mendez


Dahil lalong naghirap ang taumbayan sa ilalim ng tatlong taon ni Pang. Benigno Aquino III, walang dahilan para asahan na magdudulot ng kaunlaran ang mga planong ibabandera ng pangulo pa ra sa nalalabing niyang termino.


Sa darating na State of the Nation Address (SONA), siyempre’t susubukan ni Pnoy na kumbinsihin ang madla na bumuti ang ating kalagayan. Maaari niya itong gawin gamit ang piniling mga case study na hindi naman sumasalamin sa karanasan ng nakararami, o piniling mga estadistika sa ekonomiya na wala namang kinalaman sa tunay na pag-unlad ng bansa.


Halimbawa, dulot lamang ng napakalaking gastos at panunuhol ng mga pulitiko noong kampanya sa eleksiyon ang ipinagmamalaki ni Pnoy na 7.8% porsiyentong growth rate noong unang kuwarto ng taon. Samantalang sa parehong panahon, lumago ang bilang ng mga walang trabaho–sumirit ang unemployment rate sa 7.5% ngayong Abril, ang pinakamataas sa ilalim ng administrasyon.


Kung anu-ano ang paliwanag ng mga ekonomista ni PNoy para sabihing pansamantala lamang ang kawalang trabaho at kahirapang nararanasan ng napakarami, na para bang aberya lamang ito ng panahon. At iyon na nga ang sinisi nila nitong huli: dahil daw sa tagtuyot (El Niño), maraming manggagawang-bukid sa kanayunan ang nawalan ng trabaho. Kasing-absurdo ito ng pagsabing kapag tag-ulan, bumabaha rin ang trabaho para sa mga mamamayan.


Gaya ng naunang mga administrasyon, ayaw kilalanin ni PNoy ang tunay na sanhi ng kawalang trabaho: ang kawalan ng tunay na reporma sa lupa, ang kawalan ng mga pambansang industriya, ang kawalan ng pang-ekonomiyang pagpaplano na nakatugon sa pangangailangan ng mga mamamayan. Ayaw kilalanin dahil ayaw naman talagang solusyunan.


Sa halip, pilit niyang ipinatatanggap na mayroon lamang pag-unlad kapag nakasandig ang bansa sa malalaking lokal at dayuhang kapitalista. Mga kapitalista na lumikha at nagsamantala sa mura at disposable na lakas-paggawa, sumira at dumambong sa likas-yaman ng bansa, at ginawang negosyo ang dapat ay libreng mga serbisyo ng gobyerno: kuryente, tubig, pabahay, edukasyon, at kalusugan. Mga kapitalista na paglago ng tubo ang tanging habol, at hindi ang tunay na pag-unlad ng bansa.


Ang malalaking lokal at dayuhang kapitalistang ito ang kinakatawan at pinanggalingan ng marami sa economic team ni Pnoy. Sila rin ang nagpondo sa kampanya, kundi man galing sa hanay nila, ang mga pulitiko na nanalo noong eleksiyon at magiging katambal ng pangulo.


Sa darating na SONA, inaasahang ihahayag ng pangulo ang mas marami pang mga Public-Private Partnership (PPP). Hindi niya babanggitin na makikinabang ang mga kaanak niya at iba pang nakaupo sa puwesto, gaya ng MRT-7 na nakopo ng tiyuhing si Danding Cojuangco at mga Araneta, pamilya ni Mar Roxas. Hindi niya babanggitin na mapapalayas ang mga magsasaka. Hindi niya babanggitin na tataas ang singil sa mga serbisyo, halimbawa sa mga ospital na isasapribado. Hindi niya babanggitin na uutang muli sa mga dayuhan. Hindi niya babanggitin na ang mga trabahong lilikhain ay kontraktuwal lamang. Sa halip, kukumbinsihin niya tayong magdudulot ang mga PPP ng kaunlaran.


Pero hangga’t patuloy na nangingibang-bansa ang libu-libong manggagawang Pilipino dahil sa kawalan ng trabaho, hangga’t pataas nang pataas ang presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo, at sa kanayuna’y walang sariling lupa ang mga magsasaka, mahihirapan ang taumbayan na paniwalaan siya.


Mas kapani-paniwala na ang ibabanderang mga PPP ay mga Planong Pagpapahirap ni PNoy, na dapat labanan at pigilan.






















No comments:

Post a Comment