Saturday, July 13, 2013

Pinoy Weekly Ang kakaibang peryodismo ni Christine Puche

Pinoy Weekly
Posted: 12 Jul 2013 10:08 PM PDT




Mahirap para sa isang peryodistang magsulat tungkol sa mga tinaguriang komunista. Sa panahon ng matinding opensiba ng militar laban sa mga diumanong kaaway, kahit ang ilang miyembro ng midya ay napagbibintangang kasangkot sa rebolusyonaryong gawain.

Para sa maraming peryodista, may agam-agam sa pag-uulat tungkol sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP), New People’s Army (NPA) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Sa kabila ng kalayaan sa pamamahayag, nariyan kasi ang posibilidad na susubaybayan sila ng awtoridad dahil sa piniling paksa. Baka nga ipatawag pa sila ng pulis o militar kapag napansing may positibong anggulo o malaking espasyong ibinibigay sa mga binansagang terorista’t salot ng lipunan.

Kung ang awtoridad ay may alam sa midya’t komunikasyon, sigurado akong pati ang pagpili ng mga salita ay sinusuri nila. Sa perspektiba ng mga nasa kapangyarihan, ang pagkamatay sa isang engkuwentro ng mga miyembro ng CPP-NPA-NDFP ay hindi puwedeng tawaging masaker. At lalong hindi puwedeng tawaging martir ang mga rebelde. Kung paniniwalaan ang argumento ng gobyerno, hindi kailanman matatawag na bayani ang mga diumanong kriminal at terorista.

Sa kontekstong ito, ang nangyari raw sa Barangay Calomayon, Juban, Sorsogon noong Hulyo 4 ay, kung gagamit ng wikang Ingles, “severe setback with the death of its eight members including at least two ranking party officers.” Ito ang nakasaad sa website ng Philippine National Police (PNP).

Pero ano naman ang sinasabi ng kabilang panig?  Sa isang pahayag ng NDFP-Bicol Chapter noong Hulyo 7, binanggit ang isang “depensibang labanan kontra sa 31st Infantry Battalion” (IB) ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Pansinin ang tono ng pahayag ng CPP sa pagtukoy sa walong namatay: “Labis na ipinagdadalamhati ng mamamayan ang pagkakamartir nina Ka Greg Bañares (Frankie Joe Soriano), Ka Miloy (Pehing Hipa), Ka Nel (Christine Puche), Ka Gary (Ted Palacio), Ka Rey (David Llunar), Ka Nene (Romero Añonuevo), Ka Jay (William Villanueva, Jr.), at Ka Kevin (Ailyn Calma). Inialay ng mga kasamang namartir ang kanilang husay at talino para makipagkaisa sa rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan na makamit ang isang lipunang tunay na malaya, makatarungan, at maunlad.” Mainam ding suriin ang akusasyon ng paglabag sa karapatang pantao: “Walang pagkilala sa mga batas ng digma ang 31st IB nang pagbabarilin nila ang walang kakayahang manlaban na sina Ka Greg, Ka Nel, at Ka Gary. Gayundin, bawat nalugmok na kasama ay binaril pa sa ulo ng mga pasista.”

Ang dapat na disposisyon ng militar ay huwag ipagwalang-bahala ang ganitong akusasyon at imbestigahan kung ano talaga ang nangyari. Totoo bang nasa depensiba ang grupo ng NPA? Higit sa lahat, totoo bang walang kakayahang manlaban ng tatlo sa mga namatay? At ang nakagagambala sa aking isipan, totoo bang may binaril sa ulo? Sa isang artikulo sa PhilStar.com, sinabi ni Col. Joselito Kakilala na commander ng 31st IB na hindi raw totoo ang paratang ng NDFP-Bicol. “In fact, Bañares and his men were heavily armed and were engaging our soldiers in fierce gun battle when they were neutralized,” sabi ni Kakilala sa wikang Ingles.

Dahil seryoso ang mga paratang, hindi lang dapat pahayag ni Kakilala ang mapagpasya. Kailangang siguraduhing may imbestigasyong mangyayari lalo na’t inamin mismo ng AFP na mula Enero hanggang Hunyo ng taong ito, may pitong kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang ilang sundalo nito. Mula noong 2010, sinabi ni Lt. Col. Ramon Zagala, hepe ng public affairs office ng AFP, na may 164 na kaso ng paglabag sa karapatang pantao, kasama ang mga kasong tinagurian niyang “personal in nature.”

Kung iuugnay sa pagkamatay ng walo noong Hulyo 4, hindi maiwasang maghinalang isa na naman itong kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Kahit na sabihin kasing may armado sa kanila, wala pa ring lugar ang walang pakundangang pagpatay. At habang walang masusing imbestigasyong ginagawa ang AFP, magkakaroon at magkakaroon ng dahilan ang CPP-NPA-NDFP na sabihing “minasaker ang walong martir.”
Aaminin kong nang mabalitaan ko ang nangyari sa Barangay Calomayon, Juban, Sorsogon, ang una kong napansin ay ang pamilyar na pangalan: Christine Puche. Sa aking paghahalungkat ng mga luma kong rekord, nakumpirma kong naging estudyante ko siya sa Journalism 199 (Research in Journalism) noong unang semestre ng Academic Year 1996-1997. Sa aking pagkakaalala, tahimik lang siya noon sa klase at responsable niyang ginampanan ang responsibilidad bilang estudyante.

Kahit lecturer lang ako sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman noong dekada ’90, sa palagay ko’y alam na ng mga estudyante ang aking politikal na disposisyon lalo na’t full-time akong nagtatrabaho noon sa IBON Foundation na kilala sa mga progresibo nitong paninindigan sa mga isyung panlipunan. Hindi tulad ng mangilan-ngilang estudyanteng nagkukunwaring aktibista na humihingi ng pabor sa progresibong propesor, kahit kailan ay hindi ipinangalandakan ni Christine ang pagkakapareho ng aming paninindigan para makakuha ng mataas na grado. Lumalabas lang ang kanyang “tunay na kulay” kapag ang diskusyon sa klase ay napupunta sa mga problemang kinakaharap ng lipunan.

Gaya ng inaasahan sa isang kurso sa peryodismo, partikular ang paghahanda ng thesis proposal (na siyang layunin ng Journalism 199), ang buong lipunan ay nagsisilbing malaking laboratoryo para sa aming pananaliksik. Hindi ko na babanggitin ang piniling paksa ni Christine dahil hindi na mahalaga ito. Ang tanging mahalaga lamang sa puntong ito ay ang kontekstong panlipunang ginagalawan natin noong dekada 90.
Mainit na isyu ang globalisasyon lalo na’t inaprubahan ang General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) and nabuo ang World Trade Organization (WTO) kung saan naging miyembro ang Pilipinas. Ang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon ay kitang kita sa nangyari sa mga sektor tulad ng telekomunikasyon, downstream oil at serbisyong patubig – ang dapat ay serbisyong panlipunan ay lalo pang pinagkakitaan. Ang mga aktibistang tulad ni Christine ay malinaw na nanindigan para labanan hindi lang ang mga kontra-mamamayang patakaran kundi ang pangkalahatang kalakaran sa lipunan.

Naaalala ko ang partisipasyon ni Christine sa klase tuwing pag-uusapan ang kinakailangang panlipunang pagsisiyasat para malaman ang pambansang sitwasyon. Aktibo siyang lumahok sa mga diskusyon at nagbahagi ng kanyang personal na karanasan sa pakikisalamuha sa iba’t ibang sektor ng lipunan. Matiyaga rin niyang pinag-aralan ang maraming sanggunian, lalo na ang mga publikasyon ng IBON, na ipinamigay ko sa mga estudyante.

Sa pagtatapos ng semestre, aaminin kong may mangilan-ngilang estudyanteng nagbigay ng obserbasyong masyado raw akong lumihis sa paksa ng paggawa ng thesis proposal tuwing pinag-uusapan ang mga isyung panlipunan. Dahil hindi ko alam kung sinu-sino ang nagsulat ng ganoong ebalwasyon (anonymous kasi ang pagsusulat ng student evaluation of teacher o SET sa UP Diliman), gusto kong isiping si Christine ay hindi kabilang sa mga estudyanteng walang interes na malaman ang nangyayari sa lipunan.

Hindi ko na naramdaman ang pag-alis ni Christine sa UP Diliman para pumunta sa ibang larangan. Sa katunayan, hindi na mahalaga sa puntong ito kung siya ba ay nagtapos o hindi sa kanyang kursong Peryodismo. Ang larangang pinili niya ay hindi naman nangangailangan ng diploma o rekomendasyon mula sa propesor. Ang desisyon niyang humawak ng armas para mas bigyang-kahulugan ang kanyang buhay ay masasabing pinakamatapang na paninindigang kayang gawin ng kabataan.

Sa mga nag-iisip na ang pagsapi sa rebolusyon ay pag-aaksaya lang ng oras at pagtatapon lang ng kinabukasan, kailangan nating intindihin ang konteksto ng pakikibaka. Sa mga nagdaang dekada at siglo, kapansin-pansing hindi naging sapat ang paghingi ng reporma mula sa pamahalaan. Malinaw sa kasaysayan na maraming armadong pagkilos na nangyari sa iba’t ibang lugar ng Pilipinas mula nang sakupin tayo ng mga dayuhan. At dahil walang naging makabuluhang pagbabago sa paglipas ng panahon, ang desisyon ng mga katulad ni Christine ay lubos na naiintindihan.

Christine Sarza Puche, student number 93-36439. Isang estudyante ng UP Diliman na naging estudyante’t guro doon sa kabundukan. Isang nanay na humawak ng armas para bigyan ng makabuluhang bukas hindi lang ang pamilya kundi ang iba pa. Isang nag-aral ng peryodismo na ginamit ang kaalaman para mapahusay ang gawaing propaganda sa kanyang sona.

Tanong sa isang public service announcement (PSA) ng pamahalaan kaugnay ng papalapit na state of the nation address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo 22, “Ano ang SONA mo?” Malinaw ang sonang pinili ni Christine. Bilang tugon sa tanong ng gobyerno, hindi nakakagulat kung may iba pang handang maniwala hindi sa retorika ng daang matuwid kundi sa pangako ng makabuluhang pagbabago sa daan papuntang kanayunan, hanggang sa kabundukan.



Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.


###

No comments:

Post a Comment