Posted: 17 Jul 2013 01:05 AM PDT
Bunsod ng pinakahuling pagtaas sa presyo ng produktong langis, hiling ng Piston na magkaroon ng fuel subsidy na direktang ibibgay sa mga drayber di-tulad ng Pantawid Pasada ng gobyerno. (Macky Macaspac)
Naglunsad ng malawakang kilos-protesta ang iba’t ibang sektor para kondenahin ang walang habas na taas-presyo ng batayang mga bilihin at serbisyo, gayundin ang demolisyon sa mga maralitang komunidad.Tampok sa protesta ang paglusob ng mga drayber sa tanggapan ng Shell sa Makati para banatan ang panibagong pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo na sinundan ng noise barrage sa Cubao bandang hapon. Pinangunahan ang protesta ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Koalisyon ng Progresibong Manggagawa at Mamamayan (KPMM), Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan).
Ganap na alas-sais ng umaga, bago ang protestang bayan, itinaas ng mga kompanya ng langis ang presyo ng gasolina sa P1.60 at 75 sentimos naman sa diesel.
Ayon kay George San Mateo, tagapangulo ng Piston, ang taas-presyong ito ang ikawalo at ikasiyam na beses na magkasunod na pagtaas sa presyo ng gasoline at diesel (sa magkasunod) simula noong Mayo 14, pagkatapos lamang ng mid-term election.
“’Magmula nang matapos ang eleksiyon ay P4.75 na ang itinaas sa diesel at P5.65 sa gasolina na lalong nagpapahirap sa buhay ng mga drayber at mamamayan,” aniya.
“Sa ngayon, umabot na ang diesel sa P43.20 at P54 sa gasolina,” sabi ni San Mateo, batay sa kanilang pagbibilang sa itinaas ng mga produktong petrolyo, ngayong 2013, umabot na sa 16 beses at 15 beses ang kabuuang itinaas sa gasolina at diesel na nagkakahalaga ng P11.15 sa gasolina at P9.20 sa diesel.
Inilinaw naman ni Elmer Labog, tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na nakatuon ang pagkilos ng iba’t ibang sektor sa aktuwal at planong pagtaas ng mga batayang bilihin at serbisyo-publiko.
Binigyang diin ng lider-manggagawa ang kahilingan ng mga kompanya ng tubig na magtaas ng singil. Kinondena rin ni Labog ang pagpasa ng mga buwis sa mga konsiyumer na ginagawa ng mga kompanyang Manila Water at Maynilad.
“Malinaw na isang halimbawa ang profiteering schemes ng Maynilad at Manila Water kung paano magkamal ng super-tubo ang mga malalaking kapitalista, sinasamantala nila ang pagbibigay ng gobyerno ng kontrol sa mga mahahalagang serbisyo at produkto,” sabi ni Labog.
Maliban sa naka-ambang taas presyo sa singil ng tubig at panibagong pagtaas sa mga produktong petrolyo, tinutulan din ng iba’t ibang grupo ang nakaambang pagtaas sa pamasahe sa Light Rail Transil at Metro Rail Transit, gayundin din ang mga nagaganap na demolisyon sa mga komunidad ng mga maralita.
“Sawang-sawa na ang mga manggagawa at sambayanan at nagpoprotesta sa patuloy na pagtaas ng mga presyo, na sinasabayan pa ng mga demolisyon sa kanilang mga komunidad. Samantalang sadsad naman ang sahod at malalang kawalang trabaho,” dagdag ni Labog.
Bahagi ng protestang bayan ang pagtutol sa pribatisasyon ng pampublikong mga ospital. Kuha ang larawan sa harapan ng tanggapan ng Department of Health sa Manila. (Jane Balleta/Contribution)
“Tutol din ang mga drayber sa mga nagaganap na demolisyon, dahil maralita rin ang mga drayber. Dobleng pahirap ang ginagawa sa amin ng gobyernong ito,” sabi naman ni Steve Ranjo ng Piston na nagsabing lalahok ang mga drayber sa protesta sa Hulyo 22. araw ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino.Samantala, sa umaga noong Hulyo 16, nagprotesta ang Bayan-NCR sa oil depot sa Pandacan, Manila para iprotesta ang mga pagtaas ng presyo ng langis. Tanghali ng araw na iyon, lumabas naman ang mga kawani ng gobyerno na mula sa iba’t ibang unyon ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees o Courage sa tapat ng kanilang tanggapan sa may Quezon City Memorial Circle para makiisa sa protestang bayan.
Noong umaga rin iyon, nagpiket naman sa tanggapan ng Department of Health (DOH) ang alyansang pangkababaihan na Gabriela para ipakita ang pagtutol sa pribatisasyon sa pampublikong mga ospital. Ayon sa grupo, tinututulan nila ang pagsasapribado ng Philippine Orthopedic Center, kung saan hinihintay nang igawad ang kontrata sa nag-iisang bidder, ang Megawide Corp. na kapartner ang World Citi Hospital.
Kasama din sa tinutulan nila ang napapabalitang planong integrasyon sa iisang pasilidad ng tatlong malalaking pampublikong ospital, kasama na ang Fabella Memorial Hospital na nag-iisang national maternal hospital sa Pilipinas.
“Walang malasakit o pakialam man lang ang gobyerno ni Aquino sa mahihirap. Winawalis na nga sa kanilang mga komunidad, papatayin pa sa kawalan ng serbisyo,” ani Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela.
Bahagi ng protestang bayan ang pagtutol sa pagsasapribado ng mga ari-arian ng gobyerno. “Pribatisasyon ang laging sagot para diumano’y pagandahin ang serbisyong pangkalusugan ng mga ospital. Pero paano naman makakabenepisyo sa serbisyong may bayad kung walang trabaho o maliit ang suweldo?
Mayayaman lang ba ang may karapatang maging malusog?, sabi ni Salvador.
Nagkaroon din ng kahalintulad na protesta sa Southern Tagalog, Bicol, Panay, Laguna, Iloilo, Bacolod, Dumaguete, Cagayan de Oro at Butuan at Southern Mindanao.
Sinabi ng KMU na patikim lang ang protestang bayan at mas malaking kilos-protesta ang isasagawa nila sa Commonwealth Avenue, Quezon City sa Hulyo 22.
##
No comments:
Post a Comment