Saturday, July 27, 2013

Pinoy Weekly - Aktibista at dominanteng midya

Posted: 26 Jul 2013 07:24 PM PDT


Sa mata ng dominanteng midya, masama ang mga aktibista. Bigyan man sila ng espasyo, asahan mo ang negatibong anggulo.


Sa pagitan ng mga awtoridad at ng mga aktibista, kapansin-pansin sa mga ulat ang pagkiling sa una. Kung may masaktang pulis sa gitna ng rally, strike o picket, may papuri sa diumanong epektibong paggampan sa gawain. Para naman sa nasugatang aktibista, walang masyadong simpatya dahil hindi naman lubusang ipinapaliwanag ang konteksto ng ipinaglalaban. At dahil walang konteksto, malinaw ang paghusga sa pulis na ginagawa lang ang kanyang trabaho at sa aktibistang hindi raw maintindihan kung ano ang gusto.


Kadalasang natatali sa teknikal na legalidad (legal technicality) ang diskurso. Kung walang permit to rally, tila ipinapalabas na may karapatan ang mga pulis na gamitin ang dahas para mapaalis sa kalye ang mga aktibista. Para sa mga nag-aaklas na manggagawa, kailangan na nilang bumalik sa trabaho oras na magdesisyon ang korteng walang legal na batayan ang pananatili nila sa picket line. Gayundin ang kaso ng informal settlers na pinapaalis sa mga lugar na bagama’t hindi naman kanila ay tinirhan na nila nang ilang dekada. Kinakailangan naman ng mga magsasakang maging sunud-sunuran sa mga panginoong maylupa kahit na nangangahulugan ito ng hindi pamamahagi ng lupaing ilang dekada na nilang sinasaka. At kung ipagtabuyan man ang mga katutubo sa binansagan nilang ancestral domain,katanggap-tanggap ito diumano sa ngalan ng pambansang kaunlaran.


Kung may martsa sa lansangan, pinagbabangga ang isyu ng freedom of assembly sa nagreresultang mabigat na trapiko. Kahit malinaw na nalalabag ang karapatang pantao ng mga aktibista sa sitwasyong sila ay sinasaktan o inaaresto nang walang malinaw na batayan, naisasantabi ito dahil mas tinututukan ng midya ang mga pulis na nasaktan dahil sa kaguluhan. Oo, tama namang iulat ang mga nasaktan sa magkabilang panig pero hindi ba’t mas mahalagang malaman ng publiko ang malalim na dahilan ng isang kilos-protesta?


Dito nagkakaproblema ang dominanteng midya. Ang anumang paglaban ay tinitingnan lang kasi bilang hindi paggalang sa batas at sa mga awtoridad na nagpapatupad nito. Sa pamantayan ng dominanteng midya, ang nasa tama lang ay ang mga nasa kapangyarihan. Kahit na sabihing nakasaad sa Konstitusyon ang freedom of speech at freedom of assembly,lumalabas na nawawalan ng karapatan ang mga aktibista kapag ito ang argumento ng mga nasa kapangyarihan. Kung hindi sumunod ang mga nagpoprotesta, may batayan ang paggamit ng dahas. At kung may komprontasyon, maaasahan ang dominanteng midyang tutukan ang mainit na aksyon o drama. Ito raw kasi ang istorya.


Sa ganitong konteksto dapat suriin ang nilalaman ng mga balita ng dominanteng midya tungkol sa mga aktibista. Ang anumang pag-uulat kasi ng ugat ng ipinaglalaban ay nangangahulugan ng mahabang paliwanag. Walang oras ang dominanteng midya para sa mahabang diskurso na nakakatamad diumano para sa publiko. Sapat na ang pahapyaw na pagbanggit sa ipinaglalaban dahil mas mahalaga raw maiulat kung ilan ang nasaktan.


Sa unang tingin, obhetibo ang balita ng dominanteng midya. Sa isang pagkilos ng mga aktibista, kinukuha naman ang panig nila, gayundin ng mga pulis. Pero dahil hindi malalim na sinusuri ang anumang ipinaglalaban, nagkakaroon ng pagkiling sa mga awtoridad. Sa pagkalunod sa legal na teknikalidad, nagiging mababaw ang pagsusuri at hindi epektibong nahuhubog ang opinyong pampubliko. Malinaw ang kakulangan ng dominanteng midya sa paglalahad ng makabuluhang impormasyon. Kahit na may mahalagang mensahe ang mga aktibista, mas natututukan lang ang triviatungkol sa kanila. Kung may masugatan man o maaresto sa hanay nila, tila ang nagiging mensahe ay “buti nga sa kanila.”


Sa tingin mo, tama ba ito? Suriin mo sana hindi sa usapin ng ideolohiya kundi sa konteksto ng pagiging tunay na obhetibo. Hindi kasi katanggap-tanggap ang pagpili ng sound bites ng dominanteng midya batay sa kung ano ang makulay na pahayag ng mga aktibista. Kadalasan, ang pasigaw na sinasabi nila ay hindi epektibong naisasakonteksto kaya iba ang nagiging mensahe sa publiko. Tila sila ay matitigas ang ulo, tila sila ay galit lang sa mundo.


Oo, may mga pagkakataong nabibigyan ng espasyo ang mga aktibista sa dominanteng midya. Oo, nakukuha rin naman ang panig nila at paminsan-minsan nga’y mahaba-haba pa ang interbyu nila. Pero ito ba ay indikasyon ng obhetibong pag-uulat? Ang mabilis kong sagot ay hindi. Susi sa pagiging tunay na obhetibo ang konteksto, na sa kaso ng pagkilos ng mga aktibista ay ang malalim na pagsusuri sa anumang ipinaglalaban nila.



Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com

















.

No comments:

Post a Comment