Monday, July 15, 2013

Pinoy Weekly - Sine sa labas ng sinehan

Posted: 15 Jul 2013 10:05 AM PDT


Mas mahirap ang panahon ngayon para sa mga pangkaraniwang manonood ang maglaan ng panahon at bahagi ng sweldo sa panonood ng pelikula. Halos kalahati na ng minimum na pasahod ang halaga ng sine ngayon. Dahil dito, mas nakararami ang nagtitiyaga sa mga piniratang DVD. Taliwas sa sinasabi ng pamahalaan na ang pamimirata ang pumapatay sa lokal na industriya ng pelikula, ang kahirapan ang siyang nagtataboy sa mga manonood palayo sa mga sinehan.


Gayunpaman, maraming alternatibong mapapanooran ang mga masusugid na tagasubaybay ng Sineng Pinoy na kulang sa budget. Nariyan ang mga “ligal” na mga lugar na pinagdadausan ng mga libreng pagpapalabas ng pelikula tulad ng mga videotheque at cinematheque. Kung may aklatan o library para sa mga mahihilig magbasa, ang videotheque ocinematheque ay para naman sa mga masugid na manood ng pelikula. Karaniwang maliit lamang na sinehan ang mgacinematheque na kayang maglaman lang ng hindi hihigit sa 50 katao. Madalas mga klasikong pelikulang Pilipino, art atexperimental films at mga banyagang pelikula ang ipinapalabas dito.


UPFI Film Center sa UP Diliman (PW File Photo)UPFI Film Center sa UP Diliman (PW File Photo)


Ang University of the Philippines Film Institute (UPFI) ang isa sa mga naunang nagpatakbo ng videotheque sa bansa. Nagtatayo at nagpapatakbo naman ang Film Development Council of the Philippines (FDCP) ng mga cinematheque sa ilang rehiyon sa bansa na may layon na pagpapaunlad ng kultura ng panonood ng pelikula. Mayroon nangcinematheque ang FDCP sa mga syudad ng Baguio, Davao, Iloilo at Marawi.


Para naman sa mga may access sa internet, bukod sa pagda-download ng mga digital na kopya ng pelikula, madali na rin humanap ng mga website na nagtatampok at nagpapalabas ng pelikulang Pilipino gamit ang teknolohiya ngstreaming videos (hal. Youtube, Dailymotion at Vimeo). May walong milyong views o hits na ang isa sa pinakapopular na website na nagpapalabas ng pelikulang Pinoy. Hindi katakatakang ang pinakapinapanood na pelikula sa mgawebsite ay ang mga pelikula ng yumaong hari ng pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. Batay naman sa mga nagkokomento, marami sa tumatangkilik ng mga website na ito ay mga OFW na nasasabik nang muling makapanood ng pelikulang Pilipino.


Dahil itinuturing na paglabag ito sa batas hinggil sa copyright o karapatang ari, madalas na nairereport at ipinatatanggal ang mga kopyang ito sa internet. Ngunit kabilib-bilib ang pagiging masigasig ng mga nag-a-upload ng mga kopya ng pelikulang ito sa internet. Ilang beses mang mai-report at mapatanggal ang mga kopya ng pelikula, nakakahanap pa rin sila ng paraan para maibalik sa internet ang mga kopya at muling mapanood ng madla.


Hindi matatawaran ang lawak at dami ng koleksyon ng mga pelikulang ipinapalabas sa mga website na ito. Wala pang orihinal na kopya sa digital format ang karamihan sa mga pelikulang itinatampok sa mga ito. Sa kabila ng kawalan ng matinong arkibo ng pelikulang Pilipino, nagsisilbing mga gerilyang arkibista ang mga indibidwal o grupong nag-a-upload ng mga klasikong Sineng Pinoy. Ang ilan sa mga arkibistang ito ay matagal na ipinundar ang mayaman nilang koleksyon ng pelikulang Pilipino ngunit ibinabahagi nila sa mga manonood ng libre.


Kung ang walang kapalit na pagbabahaging ito ang sukatan ng pagmamahal sa pelikulang Pilipino, ang mga gerilyang arkibistang ito na siguro ang pinakamasugid at pinakamatapat na manonood ng Sineng Pinoy.



###

No comments:

Post a Comment