Monday, July 15, 2013

Pinoy Weekly ‘Waterways cleanup’, di para sa kaligtasan ng maralita

Posted: 15 Jul 2013 11:32 AM PDT


PIket-diyalogo ng mga residente ng Brgy. Bagong Silangan at San Roque sa pangunguna ng Gabriela sa QC Hall. (Gregorio Dantes Jr.)Piket-diyalogo ng mga residente ng Brgy. Bagong Silangan at San Roque sa pangunguna ng Gabriela sa QC Hall. (Gregorio Dantes Jr.)


Hindi dahil gusto ng pambansang gobyerno, partikular ng lokal na pamahalaan ng Quezon City (QC), na ilayo ang mga maralita sa danger zones kung kaya gusto nitong idemolis ang mga bahay nila pagsapit ng Hulyo 30.


Ito ang nahinuha ng mga lider-maralita at kababaihan sa pakikipag-usap sa mga opisyal ng lokal na gobyerno ng Quezon City, kasabay ng pagpiket nila sa QC Hall para labanan ang banta ng demolisyon sa kanilang mga lugar.


Nakipagdiyalogo ang lider-kababaihan ng Gabriela mula sa Brgy. Bagong Silangan, QC, kasama ang mga lider-maralita ng Sitio San Roque sa mga kinatawan ng lokal na gobyerno ng QC., Sa diyalogong ito, inihayag ni Tadeo Palma,secretary to the mayor at hepe ng QC Task Force on Waterways, na may development plan ang lungsod at pambansang gobyerno sa lahat ng lugar malapit ng lagusan ng tubig sa Kamaynilaan. Pinaka-unang adyenda ng planong ito ang pagpapalikas sa mga maralitang lungsod.
Pero ito ang ipinagtataka ng mga mga lider-kababaihan at maralita: Hindi kasama sa idedemolis ang mga bahay na bagamat nasa lugar ng waterways ay nagbabayad na sa gobyerno ng upa sa ilalim ng Community Mortgage Program (CMP). Lalong hindi kasama rito na ang pribadong mga negosyo at subdivisions na malapit sa waterways.


Kung kaya para kay Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, hindi kaligtasan ng mga mamamayan ang tunay na isinasaalang-alang ng gobyerno sa pagtutulak nito ng “waterways cleanup”.

“Kung talagang concerned sila sa mga residente, makikinig sila at lubos nilang pag-aaralan ang proposal (ng mga residente). Pero baka ang plano talaga ay gamitin ang lupa para sa negosyo sa ilalim ng programang Public-Private Partnership ng gobyernong Aquino,” sabi pa niya.


Di-siyentipikong pananaw


Estero sa Quezon City (KR Guda)Estero sa Quezon City (KR Guda)

Ibinunyag ni Gabriela Rp. Emmi de Jesus na sinabi ni Palma sa diyalogo na pinondohan ng Japan International Cooperation Agency o JICA ang isang pag-aaral na nagrerekomenda ng pagpapalayas sa mga maralitang nakatira sa tabi ng estero.


Sinabi pa ni De Jesus na hindi inililinaw ng lokal na pamahalaan ng Quezon City kung ano ang batayan ng rekomendasyon ng JICA na palayasin ang mga maralita. Hindi rin malinaw kung ano talaga ang plano ng gobyerno sa lugar ng waterways matapos ang palikasin ang mga maralita.


Ipinunto ng mga lider-kababaihan ng Bagong Silangan na kahina-hinalang sila lang na mga maralitang walang titulo sa lupaing katabi ng mga estero ang palilikasin – kung talagang mapanganib na tumira sa naturang mga lugar. Mananatili rin naman kasi rito ang mga nagbabayad na sa ilalim ng CMP, gayundin ang mga pribadong negosyo at subdivisions, partikular sa Bagong Silangan.


“Ang inaalok nila (lokal na pamahalaan ng QC), relocation site. Pero tayo, ang hiling natin ay makahingi ng blueprint (ng development plan), ’yung scientific na pag-aaral. Para malaman talaga natin. Kasi kung gusto talaga nila ay kaligtasan ng tao, andami namang subdivision (na dapat pinalilikas din),” ani De Jesus.

Idinugtong ni Salvador na hindi naman binigyan ng parehas na taning ang mga subdibisyon at mga establisimentong malapit sa mga lagusan ng tubig.


“Ayaw natin na ipatupad nila iyon na hindi talaga natin nalalaman kung ano talaga (ang mga plano). Kaya sa esensiya, binibigay natin ang karapatan sa mga mamamayan na manindigan (laban sa demolisyon),” sabi pa ni Salvador.


Tiyak na plano

Ang sinabi lang ni Palma, “pagpapaunlad daw sa daloy ng Pasig-Marikina River Channel” ang basehan  ng JICA para irekomenda ang mga demolisyon, ayon kay Taldo.


Ipinaliwanag ni Mayang Taldo, lider-kababaihan sa Bagong Silangan, na may kongkretong inihahapag na plano ang mga residente ng kanilang lugar para sa on-site rehabilitation and development. Matapos pa ang kalamidad ng bagyong Ondoy noong 2009, nabuo na umano ang planong ito ng mga residente.
Sinabi pa niyang pinagbatayan ng naturang proposal ang ilang independiyenteng siyentipikong pag-aaral kung paano maiiwasan ang biglaang pagbaha na pinsala sa buhay at ari-arian. Kasama sa proposal ang pagpapatibay sa mga daluyan ng tubig at disaster management preparations.


“Pagkatapos ng Ondoy, hinamon tayo sa panahon pa ng (dating QC Mayor at ngayo’y House Speaker) Sonny Belmonte,” paliwanag ni Taldo. “Ang sabi niya, papayagan niya ang mga nmamamayan na maghapag ng mga proposal(para maiwasan ang mga pinsala), para mag-meet halfway tayo.”


Gabriela Rep. Emmi de Jesus (Darius Galang)Gabriela Rep. Emmi de Jesus (Darius Galang)


Pero, aniya, nakakalungkot na parang “hindi naman inaral (ng lokal na gobyerno ng QC) ang aming proposal.”


Sinabi pa niya, na ni minsan ay wala naman sa kanilang lumapit na mga mananaliksik ng JICA para konsultahin sila hinggil sa kanilang mga panukala at sa kalagayan nila sa tinaguriang danger zones
“Ilang bagyo pa ang dumaan sa Brgy. Bagong Silangan? May Gener, Pedring, Pablo at Habagat. Buhay pa po ang mga mamamayan ng Bagong Silangan,” sabi pa ni Taldo.


Sinabi niya na kung may tama at demokratikong konsultasyon, malalaman ang tunay na kalagayan ng binansagangdanger zone. “Dapat pakinggan kung ano ang ginagawa ng mga tao? Kung danger zone iyan, higit tayo ang nakakaalam.”


Nakakalungkot aniya na ang tanging naikomit ni Palma sa mga maralita ay ang iekstend lagpas sa July 30 ang demolisyon.


“Pero kung tuluy-tuloy ang pag-ulan at sabihin ni meyor na delikado, talagang tuloy ang demolisyon,” sabi pa ni Taldo.



Relokasyon, sagot nga ba?

Noong nakaraang buwan, ibinalita ang planong pagbigay ng gobyerno ng P18,000 sa mga apektadong pamilya na lilikas sa mga lugar malapit sa mga estero. Patuloy pa rin ang paglalako ng relocation sites sa Montalban at Bulacan. Sa Quezon City, inilalako naman ng gobyerno ang Bistekville, isang in-city relocation housing project.



Ayon sa Gabriela, binisita ng ilang kasamahan nila ang relokasyon sa Bocaue, Bulacan. Kasama sa bisitang ito ang apektadong mga residente ng Bagong Silangan. Nakita nilang di-kaaya-aya ang lugar.


“Maganda lang, kasi may pintura. Pero ang kalagayan, anlayo sa kabuhayan. Ang sabi nila, P200 ang pamasahe pa lang. Magkano ba ang kinikita ng bawat pamilya? Wala pa sa minimum wage. Ibig sabihin, pamasahe na lang ang kita natin,” paliwanag ni Taldo.


Nabalitaan din nila ang matinding pagbaha sa mga relokasyon noong panahon ng mga bagyo ng nakaraang mga taon


Sinabi naman ni Ricky Indecio, lider ng San Roque Vendors Association, na hindi rin sila bilib sa sinasabing pabahay ng lokal na pamahalaan ng QC na Bistekville. Bukod sa magbabayad sila rito – umano’y P900 kada buwan – maraming rekisito rin ang lokal na pamahalaan sa mga magiging residente nito.
“Sa rekisito pa lang dapat patunayan ng mga beneficiary nito (Bistekville) na mayroon silang regular na trabaho at sapat na sahod,” ani Indecio.




###

No comments:

Post a Comment