Sunday, July 14, 2013

Pinoy Weekly Magiting na pagtindig ng mga mag-aaral ng DLSA

Posted: 14 Jul 2013 04:12 AM PDT


Mga estudyante ng DSLAU (dating GAUF): Natutong lumaban at magprotesta para sa kanilang mga karapatan. (Tinig Student Publications Office)Mga estudyante ng DSLAU (dating GAUF): Natutong lumaban at magprotesta para sa kanilang mga karapatan. (Tinig Student Publications Office)



Wala marahil nag-akala na magagawang lumabas sa kanilang paaralan ang mga mag-aaral at empleyado ng De La Salle Araneta University (DLSAU) para ipaalam ang mga isyung kinakaharap nila ngayon sa loob ng pamantasan.

Ika-11 ng Hunyo nitong taon, lumabas ang mga mag-aaral at empleyado ng DLSAU sa pangunguna ng Supreme Student Council (SSC) at Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights (Stand-DLSAU) sa umano’y di-magandang pamamalakad sa unibersidad at pangmamaltrato sa mga mag-aaral.

Ayon kay Juan Carlo Espiritu, tagapangulo ng Stand-DLSAU, ilan sa mga isyung inihaharap ng mga mag-aaral sa DLSAU ang no permit, exam policy, kawalan ng sapat na representante ng mga mag-aaral at konsultasyon, ang pagtutol nila sa sinasabing surprise tuition and other fees increases, drained academe, at indefinite neglect sa unibersidad.

Nananawagan silang magbitiw sa tungkulin ang kanilang presidente na si Bro. June Arquiza. Nananawagan din silang matugunan ng eskuwelahan ang nasabing mga isyu.


Minaltrato
Isang liham ang natanggap ng SSC na naglapit sa kalagayan ng mga mag-aaral sa Salikneta (Saliksik sa Araneta) Farm o De La Salle Agri-Vet Sciences Institute. Laman ng sulat ang umano’y pagmamaltrato sa mga mag-aaral na naroon gaya nang pagtatrabaho sa kanila ng gawaing construction gaya ng pagpapala at pagwe-welding.

Ayon sa SSC, kumuha umano ng mga mag-aaral sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas ang DLSAU para gawing mga iskolar. Ang akala nila doon sa DLSAU sila mag-aaral. Pero nagulat sila nang sa Salikneta sa San Jose Del Monte, Bulacan sila dalhin. Maging ang mga magulang ng mga iskolar, inakalang sa DLSAU sila mag-aaral at hindi sa Salikneta.

“Ang sabi raw sa kanila, wala silang ibang gagawin doon kundi mag-aral. Pero ang nangyari, pinagtatrabaho sila ng lima hanggang walong oras mula Lunes hanggang Linggo ng trabahong construction. Kahit ang mga babae,” ayon Jun Veluz, auditor ng SSC.

Sa inilabas na opisyal na pahayag ng DLSAU, may alam ang mga mag-aaral na sa Salikneta farm sila mag-aaral.

Dagdag ni Veluz, sa naging pag-uusap sa kanila ng administrasyon ng DLSAU, bahagi raw ng kurikulum ang trabahongconstruction ng mga mag-aaral sa ilalim ng agri-technology, agri-business at agri-engineering.

“Yung mismong OIC (officer-in-charge) sa farm, hindi naman graduate ng agri course,” ayon kay Veluz.
Pati ang pinakakain sa mga iskolar nirereklamo rin. Ayon sa SSC, puro “itlog at corned beef na may sabaw” ang pinakakain sa kanila. Maging karne na may kagat ng aso umano, niluto at pinakain sa kanila.
“May video rin silang ipinakita sa amin na ’yung isda na may uod ang inihain sa kanila,” ayon kay Espiritu.

Nagsumbong na rin umano sa kanila (SSC) ang mga magulang dahil na-trauma ang kanilang mga anak. Ayon kay Veluz, nang ilapit nila sa administrasyon ang tungkol sa nangyayari sa Salikneta, tinawanan lamang sila.

“May lima nang lumapit sa amin sa kanilang kalagayan doon. Kapag tinatanong namin sila kung ang pakiramdam ba nila (ay) scholar sila, ang sabi nila sa amin ‘minaltrato kami’,” kuwento pa ni Espiritu.

Kahit na signipikanteng bumaba ang mag-aaral sa Salikneta farm mula 70 noong unang taon, nasa 20 na lang ang mga nasa ikalawang taon ngayon. Kinakailangan daw magbayad ng 50% o kalahati ng nagastos sa kanila ng unibersidad kung hindi sila magpapatuloy, sabi pa ni Espiritu.

“Kaya ’yung iba, nandito sa Maynila para magtrabaho para makabayad, dahil di sila makakapag-aral sa iba. Hindi nila makukuha ’yung credentials nila,” aniya.

Sa opisyal na pahayag ng DLSAU upang sagutin ang mga isyung inilalaban ng mga mag-aaral, sinabing magsasagawa sila ng kinakailangang aksiyon sa mga alegasyong ito.

Pero para sa mga lider-estudyante, wala pang nagagawang signipikante ang administrasyon tungkol dito at kung hindi pa nila ito ipinaalam, hindi nila ito marahil aaksiyunan.

Ipinagtataka rin ng mga lider-estudyante kung bakit bilang pinalitan ang pangalan ng Salikneta farm tungo sa De La Salle Agri-Vet Sciences Institute. Nagkaroon ito ng sariling foundation day at tinaguriang pinakabatang La Salle School. Gayundin, kinukuwestiyon ng mga lider-mag-aaral kung bakit mayroong sariling handbook ang mga mag-aaral sa Salikneta at pagkakaroon ng sariling konseho.


Taas-bayarin
Ang pagtaas nang 5 porsiyento sa matrikula ang isa rin sa mga tinututulan ng mga estudyante. Pero nagawa umano ng adminstrasyon ng DLSAU na magtaas para sa mga nasa first year.

Paliwanag ng DLSAU, kasama raw sa naaprubahan sa naging deliberasyon at diskusyon ang 5 porsiyentong pagtaas ng matrikula para sa mga nasa unang taon.

Giit ng mga lider-estudyante, wala ito sa pinag-usapan noong Enero 11 nang nagkaroon ng ‘konsultasyong naganap’. Isa lamang umano ang hinayaang makaupo sa kanila (SSC president lamang) sa naturang pulong.

“Ayaw namin talaga ng tuition increase, dahil sa nakalipas na tatlo o dalawang taon nang mayroong tuition increasepero wala namang signipikanteng epekto ito sa amin. Kahit ’yung LCD (projector) na lang kada klasrum na sinasabi nila, wala pa,” ayon kay Espiritu.

Maging iyung mga isyu tulad ng dagdag-sahod sa mga guro at empleyado, di pa rin binibigay. Ang kakatwa, pawang gift certificates lang ang nakukuha ng mga guro at empleyado, at hindi malinaw kung magkakaroon nga ng increase sa sahod.

Nang tanungin umano nina Espiritu ang administrasyon kung saan mapupunta ang dagdag-singil sa matrikula, sinabi nitong makikita na lang daw ito sa financial report.

“Pero sa nakalipas na dalawang taon, wala kaming nakuhang financial report. Nang bigyan kami nitong huli dahil mukhang napilitan, hindi naman ipinaliwanag kung nalulugi ba talaga,” ayon kay Espiritu.
Sa pahayag na inilabas ng adminstrasyon, sinasabi nitong may mga bagong istruktura at renobasyon ng mga pasilidad sa DLSAU.

Inilahad din ng SSC sa kanilang inilabas na manipesto ang patuloy na pagtaas ng bayarin sa anyo ng miscellaneous feesna sinasabing redundant (paulit-ulit), exorbitant (mataas ang presyo sa karaniwang halaga), at dubious (kahina-hinala) sa porma ng ID fee, Athletics fee, Internet fee at iba pa.
Maging sa problema sa pagkuha ng eksamen, nanatili pa rin sa DLSAU dahil sa implementasyon umano ng polisiyang “no permit, no exam.”

“Sabi nila, wala raw kaming no permit, no exam policy. Pero meron kaming examination permit policy –pareho lang naman ’yun. Alam nating bawal ito sa ating batas,” ayon kay Espiritu.

Sa pahayag ng DLSAU, inamin ng eskuwelahan na mayroon silang no permit, no exam policy. Pero wala umanong ni isang mag-aaral na hindi nakuha ng eksaminasyon.

Pero, giit ni Espiritu, kung walang examination permit, kailangan ng promisory note pero hangga’t may mapipiga ang administrasyon, gagawin nila para may maibigay o maibayad ang mag-aaral.

Maging sa di-pagkakaroon ng mga bagong guro sa pamantasan, sinisi sa kanila dahil sa hindi umano pagpapahintulot na magkaroon ng pagtaas sa matrikula.

Panawagan din ng mga mag-aaral ang dagdag na mga may-kasanayang guro sa unibersidad, dahil sa mga baguhan onewly graduates umano ang mga tinatanggap ng naturang eskuwelahan.

“Kung may hini-hire sila rito, ’yung mga bagong graduate na wala pang kasanayan. Pero naghi-hire din sila ng mgaretired na na mula sa La Salle-Taft,” ayon kay Chad William Duran, tagapangulo ng CB-CSC.


Konsultasyon, representasyon
Kulang umano ang representasyon ng mga mag-aaral sa mga nagaganap na konsultasyon. Sa limang konseho ng mag-aaral sa loob ng unibersidad kabilang ang apat na kolehiyo ng College of Arts, Sciences, and Technology Student Council (CAST-CSC), College of Business Student Council (CB-CSC), College of Education Student Council (CED-CSC), at College of Veterinary Medicine and Agricultural Sciences Student Council (CVMAS-CSC).

Tanging ang presidente lamang ng SSC ang nakakaupo sa mga pulong kaharap ang administrasyon hinggil sa mga usaping direktang nakakaapekto sa lahat ng mga mag-aaral.

Halimbawa umano nito ang pulong kaugnay ng naganap na reorganization at pagtatalaga sa unibersidad ng taong akademiko, kahit walang naganap na konsultasyon sa mga estudyante.

Ayon kay Espiritu, dalawang diyalogo lamang ang naganap sa loob ng tatlong taon.

Filltered (pinipili) pa ang puwedeng pag-usapan. Dapat sana bukas para sa lahat pero ang mga presidente lamang ng mga organisasyon,” ayon kay Espiritu.

Sa pahayag ng DLSAU, nagpatawag sila ng diyalogo para sa mga mag-aaral para mapag-usapang mabuti ang mga isyu, pero raw hindi nagpunta ang mga mag-aaral noong Hunyo 13.

“Hindi kami aabot ng lightning rally kung naging bukas talaga sila sa usapin. Ginawa namin ang lahat ng paraan: dumaan kami sa (pagbibigay ng) letters, sa paghingi ng diyalogo. Pero hindi kami pinapansin. Kakatapos lang nglightning rally nang magpatawag sila dahil napilitan sila at uminit ang isyu,” ayon kay Espiritu.

Ayon kay Duran, sa unang naging pag-uusap naman nila ng administrasyon matapos ang lightning rally, umabot sa tatlong oras ang kanilang pag-uusap. Pero wala silang nakuhang malinaw na sagot mula sa mga ito. Paikut-ikot lang ang usapin, aniya.


Presidente, pinagbibitiw
Mula nang maupo ang kasalukuyang presidente, pawang “kapabayaan” umano ang nangyari sa DLSAU, ayon sa mga lider-estudyante sa unibersidad.

“Kaya di niya alam ang tunay na kalagayan ng unibersidad dahil halos dalawang beses lang sa dalawang buwan mo siya makikita. Bago naman siya maupo, maayos naman ang naging pagpapatakbo ng unibersidad,”ayon kay Espiritu.

Tanging ang chancellor ng kampus na si Christopher Polanco ang kanilang nakakausap sa mga isyu ng unibersidad. Pero hindi umano sila nakakakuha ng positibong tugon mula sa kanya.

Bagamat sumulat na sila sa mga opisyal ng unibersidad, sa board of trustees, maging sa De La Salle Philippines para aksiyunan ang kanilang reklamo kay Arquiza, nakapag-extend pa ito ng termino hanggang 2016.

“Ayaw na naming sumugal pa nang tatlong taon. Sapat na ang nakita at nararanasan namin sa kanya. Kaya ang panawagan namin peaceful resignation na lang,” ayon kay Espiritu.


Tuloy ang laban
Wala pa rin umanong nagaganap na pagbabago sa DLSAU, bagamat tuloy ang kanilang pakikipagpulong sa administrasyon.

Gayunpaman, determinado ang mga lider-estudyante na ituloy ang kanilang laban.

“Sari-sari ang nakuha naming reaksiyon sa ginawa naming lightning rally. May mga nagtaka, may mga nagtaas ng kilay, pero may mga natuwa rin. Marami ang nagsabi sa amin na ituloy namin ang aming ginagawa,” ani Espiritu.

Naging malaking usapin umano sa kanila ang pagtindig at pagkilos na kanilang ginagawa, kahit na sila’y mula sa pribadong unibersidad. Para sa kanila, bahagi iyon ng pagkatuto – ang paglaban ang iyong mga karapatan kahit saan ka pa nagmula.

“Naging magaling ka nga sa academics, pero naging sunud-sunuran ka naman. Wala ring esensiya ang pagkatuto kung hahayaan mo lang kontrolin ka sa kagustuhan lagi ng admin. Wala namang problema kung maganda ang nais ng administrasyon, susuportahan namin. Pero kung mali na ito, bakit natin susundin? Kailangan nating lumaban,” sabi pa ni Espiritu.

Nagiging usapin din ang nakaambang panggigipit sa kanila, ani Espiritu. Mula nang kunan daw sila ng video noonglightning rally, may nakapagsabi sa kanila na pinag-aaralan umano kung ano ang ikakaso sa kanila.

Pero sa isang banda, alam nilang maaaring mangyari iyon. Tungkulin pa rin nila bilang mga lider-estudyante ang pangalagaan ang interes ng mga mag-aaral. Ginamit nila ang lahat ng venue o paraan pero itinulak sila ng pangangailangan sa labas upang doon magpahayag, ayon kay Espiritu.

“Nakakuha kami ng parehong paninira at papuri kahit sa social media. Pero hindi naman namin ito ginagawa para sumikat. Basta para sa amin, ginagawa namin ito para sa nakararami,” pagtatapos ni Espiritu.


###

No comments:

Post a Comment