Posted: 27 Jul 2013 03:40 AM PDT
International Fact Finding Mission para imbestigahan ang mga pamamaslang at panunupil sa mga kawani ng gobyerno sa Pilipinas. (Charlotte Job Despuez / Contribution)
Nakiisa ang mga kawani ng gobyerno mula sa Canada sa panawagang itigil ang panghaharas at panunupil sa hanay ng katulad nilang mga kawani ng gobyerno sa Pilipinas.Ito ang naging kaisahan ng mga delegadong Canadian mula sa iba’t ibang organisasyon sa naturang bansa, matapos isagawa nila ang isang International Fact-Finding Mission hinggil sa pamamaslang at panunupil sa public sector workers sa PIlipinas.
“Napag-alaman ng IFFM na nagsasagawa ng paniniktik ang militar ng Pilipinas sa mga lider-unyon na may intensiyong takutin sila hanggang tumigil sa kanilang gawain sa pag-oorganisa. Nagreklamo rin ang ibang lider-unyon ng pagbuwag sa kanilang mga unyon, pagpataw ng sanctions tulad ng mga kasong administratibo at sibil, at maging pisikal na panghaharas lalo na sa mga aktibo sa pagsisiwalat at paglaban sa korupsiyon, pagsasapribado at iba pang polisiyang kontra-mamamayan ng gobyerno,” pahayag ng misyon.
Kabilang sa mga lumahok sa misyon ang mga kinatawan ng Canadian Union of Public Employees (CUPE), Public Services Alliance of Canada (PSAC) at Ontario Committee for Human Rights in the Philippines (OCHRP).
Tumungo ang mga delegado sa mga opisina ng mga unyon at iba pang lugar. Pumunta sila, halimbawa, sa tanggapan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Makati City, kung saan naggigiit ang mga kawani sa kanilang karapatang mag-organisa sa kabila ng panunupil ng hepe nito na si Francis Tolentino.
Pumunta rin ang delegasyon sa Calamba at San Pablo City sa Laguna, gayundin sa Daet sa Camarines Norte, Bacolod at Iloilo sa Visayas at Davao City sa Mindanao. Ginanap ang misyon mula Hulyo 12 hanggang 23.
Sina Randy Vegas at Raul Camposano, mga detinidong pulitikal na sinupil dahil sa pag-oorganisa nila sa hanay ng mga kawani ng gobyerno. (Kontribusyon)
Napag-alaman din ng misyon ang mga kaso ng pamamaslang sa anim na lider-unyon sa loob ng gobyerno sa huling limang taon.Kasama rito sina Sammy Dote, pangkalahatang kalihim ng Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) sa Western Samar at empleyado ng Municipal Assessor’s Office sa Catbalogan; Albert Terredano, isang municipal agrarian reform officer ng Department of Agrarian Reform at tagapangulo ng Courage Abra Provincial Chapter;
Paquito “Pax” Diaz, tagapangulo ng Courage Eastern Visayas at empleyado ng Department of Agrarian Reform Palo Leyte; Prop. Jose Maria B. Cui ng University of Eastern Phillippines at tagapangulo ng Courage Northern Samar; Dominador de Luna, miyembro ng National Food Authority Employees Association sa Samar; at Carlo “Caloy” Rodriguez, presidente ng Nagkakaisang Lakas ng mga Manggagawa ng Calamba Water District (NLM-CWD), na isangaffiliate ng Water System Response o Water at organisador ng Courage sa Timog Katagalugan.
Inimbestigahan din ng misyon ang ilegal na pag-aresto at pagkulong sa dalawang pambansang organisador ng Courage na sina Randy Vegas at Raul Camposano, noong Disyembre 3, 2012 at hanggang sa pagkakasulat nito’y nakakulong pa rin sa Daet, Camarines Norte dahil sa gawa-gawang mga kaso ng murder, theft at frustrated murder.
Ipinangako ng mga delegadong Canadian na ipapalaganap nila sa kanilang bansa at ipapaalam sa kanilang gobyerno ang naturang mga abuso ng gobyerno ng Pilipinas sa mga counterpart nila rito.
###
No comments:
Post a Comment