Monday, July 15, 2013

Pinoy Weekly - 2013 Cinemalaya: prismo, pingkian ng kaisipan

Posted: 15 Jul 2013 09:35 AM PDT


Direk Jeffrey Jeturian at Vilma Santos, sa pelikulang "Ekstra"Direk Jeffrey Jeturian at Vilma Santos, sa pelikulang “Ekstra”


Pansinin ang listahan (ang mga pamagat ng pelikula at ang kaukulang direktor na lumikha ng mga ito) ng mga opisyal na lahok sa ikasiyam na Cinemalaya Independent Film
Para sa Maikling Pelikula:


“Bakaw” ni Ron Segismundo; “Katapusang Labok (Last Strike)” ni Aless Athina E. Alonso; “Missing” ni Zig Dulay; “Onang” ni JE Tiglao; “Para kay Ama” ni Relyn A. Tan; “Pukpok” ni Joaquin Pantaleon; “Sa Wakas” ni Nica Santiago; “Taya” ni Adi Bontuyan; “The Houseband’s Wife” ni Paolo O’Hara at “Tutob” ni Kissza Mari Campano.


Para sa New Breed (mga bagong dugo):
“Babagwa (The Spider’s Lair” ni Jason Paul Laxamana; “David F” ni Emmanuel Palo; “Debosyon” ni Alvin Yapan; “Instant Mommy” ni Leo Abaya; “Nuwebe” ni Joseph Israel Laban; “Purok 7” ni Carlo Obispo; “Quick Change” ni Eduardo Roy, Jr.; “Rekorder” ni Mikhail Red; “The Diplomat Hotel” ni Christopher Ad. Castillo at “Transit” ni Hannah Espia.


Para sa Directors Showcase:
“Amor y Muerte” ni Ces M. Evangelista; “Esktra” ni Jeffrey Jeturian; “sana dati” ni Jerrold Tarog”; “Liars” ni Gil M. Portes at “Porno” ni Adolfo Alix, Jr.

Ang kategoryang “Maikling Pelikula” ay seksyon ng bawat Cinemalaya sapol nang ilunsad ito upang bigyang-halaga ang katuturan at kahalagahan ng pormang ito bilang lagusan ng ekspresyon ng ibig sabihin ng buhay at ang direktor nito ang giya ng lahat ng pagbuo ng sining gaano man kaikli ito na hindi lalagpas sa isang oras at tatlumpung minuto, himigit-kumulang.

Kadalasan, kahit sa isang minuto ay maihahain na ang ibig sabihin ng biswal na karanasan pero dahil may iba pang nais sabihin ang manlilikha, ang pamantayan—kadalasan ay pandaigdig—ay hindi nga lalagpas sa isang oras o higit pa.

***

Samantala, ang New Breed ay nakalaan para sa tinatawag na full-length o tahasang haba na kategorya na madalas kaysa hindi ay isang oras o higit pa, isang teknikal na panuntunang sinusunod sa mundo dahil nga ang ordinaryong haba ng isang pelikulang napapanood sa sinehan o alinmang lagusan sa buong uniberso ay ganito ang haba.


Pero dahil sinusukat din ang gana o kasanayan o limitasyon ng mga mata o pasensiya ng isang tao sa panonood ng isang istimyulus (sa pagkakataong ito’y pelikula) at dahil din sa komersyal na pagtatanghal (bawat saglit ay may metro o bayado sa sinehan o saanman idinaraos ang pagpapalabas) ay pinakamatagal na ang dalawa hanggang dalawa’t kalahati o apatnapu’t limang kuwarter.


Bagamat sa kaso ng ibang manlilikha (direktor) tulad ng “The Ten Commandments” ni Cecille B. DeMille o ng “Batang Westside” o “Ebolusyon ng Isang Pamilyang Filipino” at iba ni Lav Diaz—ang mga nabanggit ay tahasang haba ng pelikula rin—higit pa sa tatlong oras ang mga haba nito.


Samantala, ang Directors Showcase ay paghahain din ng full-length feature bagamat sa teknikal na kahulugan ay paggawa ito ng isang direktor na nakapagtanghal na ng tatlong pelikula sa mga sinehan bago siya nagsumite at natanggap sa Cinemalaya mula nang ito ay ilunsad noong 2005.
At dahil nilayon noong ng Cinemalaya na para sa bagong pananaw ang pestibal taliwas sa tradisyunal na pamamaraan ng paggawa ng pelikula kaya kakambal nito ang bagong direktor pero kahit beterano na ang direktor ay maaaring may bago rin siyang pananaw.
Nang dahil dito, nabago ang ilang polisiya ng komite de pestihos noong 2010 at binuksan ang Dierctors Showcase.

***

Sa paggawa ng pelikula, ang direktor ang kapitan ng lahat ng elemento nito lalo na at kabilang din ang mapanlikhang pagkontrol sa simula hanggang sa pagtatanghal nito.


Ang direktor ang pangkalahatang kinatawan ng sining ng pelikula subalit ang prodyuser din ang kakambal niya sa paglikha at pamumuhunan sa obra dahil kung walang prodyuser na maglalagak ng kapital (pera man o katumbas na puhunan), walang pelikula kaya sa panahon ng pagbibigay ng parangal sa mahuhusay sa paggawa ng pelikula, sa prodyuser ipinagkakaloob ang parangal.


Gayunman, ang sining (idagdag pa ang komersyo na madalas kaysa hindi ay kakabit nito lalo na sa isang kapitalistang bansa o lipunan na tulad ng Pilipinas) ay nakasalalay din sa direktor mapuwera na lamang kung ang kanyang prodyuser ay may sanligan din ng makasining na pamamaraan at nilalaman sa paglikha ng isang obra.


Sa Cinemalaya—ang Cinemalaya Foundation, ang ahensiyang nagbibigay ng gastusin sa paggawa ng pelikula at ang katuwang na imbestor (maaaring pribado o pampubliko kung meron man) sa bawat pelikula ay may iba pang nakikibahagi sa materyal na produksyon halimbawa’y ang Cultural Center of the Philippines, Greenbelt at Trinoma para sa mga sinehan, Econolink Investments, Inc. at Film Development Council of the Philippines—ang layon ay malayang maipahayag ng direktor ang kanyang pananaw pero dumarating ang sangandaan ng pagpapasya dahil may pagkakataong kinukuwest’yon ang kalayaan sa pamamahayag ng Cinemalaya tulad ng ilang mga nakaraang insidente tulad ng pag-aalis sa mga artistang nakatakdang gumanap sa mga lahok pero walang pangalan o kaya’y baguhan pero ang nasasaisip ng direktor ay mahusay rin.


Magkagayon man, ipako natin ang diskusyon sa direktor.

***

Sa proseso ng paglikha ng pelikula, pinakamahalaga ang direktor dahil isip niya ang lalagom sa lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa produksyon bagamat hindi maisasaisantabi ang partisipasyon ng administratibo halimbawa’y Production Manager at iba pang manlilikha tulad ng manunulat, artista, make-up artist, propsman, production designer, cinematographer, soundman, editor atbp. at mga kawaksi tulad ng Production Assistant, gaffer, boom man, utility at marami pang iba.


Sa hilera ng mga direktor—baguhan man o beterano—sa 2013 Cinemalaya, iba’t iba ang mga sanligan ng mga ito bagamat kung susuriin ay iisa lang ang misyon nila—pagbuo ng pelikula.


Sa iba’t ibang pamamaraan nga lamang.


Kung saan-saan nanggaling ang mga ‘yan—may eskuwelahan, may palimbagan, may telekomunikasyon, may ibayong-dagat atbp.

May kanya-kanya silang katangian.

At sasalamin ito sa kanilang trabaho.

Para ngang prismo ang isinisilay nilang mga kulay.

May mga taglay rin silang antas ng kaisipan.

May mga pilosopiya at paniniwala silang isasahog sa kanilang mga likha.

Magpipingkian ang mga ideya ng bawat isa.

Magkakatalo na lamang ang katotohanan at katuturan ng mga ito sa paglalapat ng rebyu at kritisismo ng mga paham sa pagkilatis sa mga obra.

Magsisilbi ba sa lipunan o sa iilan o sa pansarili lamang ang kanilang sining?


Abangan ang mga susunod na kabanata.



###

No comments:

Post a Comment