Pinoy Weekly |
Posted: 13 Jul 2013 12:24 PM PDT
Dalawang magsasaka at isang tricycle driver ang dinukot ng pinaghihinalaang mga elemento ng 703rd Infantry Battalion ng Philippine Army noong Hulyo 11 sa Brgy. Liyang, Pilar, Bataan.
Ala-una hanggang alas-dos ng hapon nang dukutin sina Josue Ortiz, 23, at kapwa magsasakang si Manuel Pagkaera, humigit-kumulang 40-anyos, sa bayan ni Pagkaera, kasama ang di-napangalanang tricycle driver na kasama nila noon, ayon kay Rodolfo Sambajon, tagapag-ugnay ng Alyansa ng Mamamayan Laban sa Kahirapan at Pagpapalayas. Sinabi ng mga kamag-anak ni Pagkaera na nakasaksi sa insidente na dinala ang tatlo sa isang kampo sa Bundok Arayat. Nalaman nila ang pinagdalhan ng tatlo matapos sundan ng mga magulang ni Ortiz ang mga sundalong nagdukot. Nang tanungin hinggil sa tatlong dinukot, tumanggi ang mga sundalo na may dinala sa kanilang kampo sa Arayat. Gayunman, hinarap umano sila ng isang Col. Henry Sabarre, diumano;y opisyal ng 703rd IB. Ayon kay Col. Sabarre, kaya raw nila pinapakat ang mga militar sa Liyang ay dahil mayroon silang impormasyon na may armas sa lugar nila Pagkaera kung kaya nila kinuha ang tatlo. Kalaunan, sinabi ni Sambajon na nagbago ang kuwento ng mga militar. Sinabi ng mga ito na “sumuko” raw ang tatlo Arsenal na sa Lamao, Limay, Bataan. Iginiit ng mga magulang ni Ortiz na makita ang anak, pero tumanggi ang mga sundalo. Samantala, kinumpirma ng isang kapatid ni Pagkaera na nakapiit ang huli sa Camp Tolentino sa Balanga, Bataan. Pero di tiyak kung kasama niya ang dalawa pang nawawala. Sinabi ni Sambajon na ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon para mahalap ang dinukot na mga magsasaka at tricycle driver. Hinala ng mga kaanak na pinagbibintangang mga miyembro ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang tatlo. Pero iginigiit nilang hindi miyembro ng NPA ang mga ito. ### |
No comments:
Post a Comment