Sunday, July 28, 2013

Pinoy Weekly - Film review - Paghahanap kay Ligaya Paraiso sa taong 2013

Film review
Posted: 28 Jul 2013 08:56 AM PDT


Makalipas ang higit tatlong dekada, muling ipalalabas ang restored version  ng “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag” ni Lino Brocka sa mga komersyal na sinehan sa susunod na buwan. Tinagurian ng maraming kritiko at intelektwal bilang pinakamahusay na pelikulang Pilipino, mahalagang mapanood “Maynila…” ng henerasyon ngayon. Bukod sa kasiningan ng pelikula, makabuluhan ang “Maynila…” bilang komentaryong panlipunan na angkop pa rin sa panahong ito.


Halaw sa nobelang “Sa Kuko ng Liwanag”ni Edgardo Reyes, kuwento ito ni Julio Madiaga (Bembol Roco) na lumuwas sa Maynila para hanapin ang kasintahang si Ligaya Paraiso (Hilda Koronel). Napadpad si Ligaya sa lungsod para maiahon mula sa kahirapan ang pamilya sa probinsya. Sa halip na matamasa ang kaginhawaan, kapwa sila naging biktima ng pagkakataon at ng malupit at mabangis na lungsod.


Higit sa salamin ng reyalidad, ang pelikula bilang komentaryong panlipunan ay may malinaw na pinapanigan. Hindi lamang kwento ng dalawang partikular na magsing-irog ang kwento nina Julio at Ligaya. Personipikasyon sila ng ating kolektibong pag-asam para makaahon sa pagdarahop at ng ating pagpupunyagi sa kabila ng mga balakid.


Kakatuwang malaman kung paano tatanggapin ng kasalukuyang mga manonood ang “Maynila…” Sa mga pelikulang ating nagustuhan, kadalasan sinasang-ayunan natin ang mensaheng ipinarating nito. Pero iba pang usapin kung isinasabuhay ba natin ang mensahe ng pelikulang ating naibig. Hindi ito awtomatiko. Halimbawa, maaaring naantig tayo sa sinapit ng nina Julio at Ligaya habang pinapanood natin ang pelikula. Ngunit paglabas natin ng sinehan, pag-uwi sa kani-kaniyang mga bahay, habang nakikinig o nanonood ng balita, at pagharap natin sa kompyuter, dito nasusubok kung paano tumitimo sa atin ang sining ni Brocka.


Hilda Koronel bilang Ligaya Paraiso sa "Maynila sa mga Kuko ng Liwanag"Hilda Koronel bilang Ligaya Paraiso sa “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag”


Hindi mahirap makita na hindi naman nalalayo ang nararanasan ng maraming maralitang tagalungsod sa kwento nina Julio at Ligaya—nilisan ang probinsya at nagbakasali sa lungsod sa pag-asa ng mas maalwang buhay. Ngunit para sa iba, mga tauhan lamang sa gawa-gawang mundo ng pelikula sina Julio Madiaga at Ligaya Paraiso.


Maaaring hindi sumagi sa isip natin ang sinapit ng dalawa sa pagpanood ng balita tungkol sa marahas na demolisyon ng dampa ng mga informal settler. Sa kabila ng simpatiya natin kay Julio, kondemnasyon at panlilibak sa mga “iskwater” ang mamumutawi sa mga bibig ng marami. Maaari tayong nakumbinsi ni Brocka na makatuwiran ang mga naging hakbang ni Julio. Ngunit ngayong nasusukol ang mga Julio Madiaga ng ating panahon, kaniya-kaniya tayong pulot ng bato at kahoy na ipangpupukol at ipanghahambalos sa kanila.


Hindi ibig ipakahulugan ng pelikula na marangal ang mga mahihirap. Ngunit tulad ni Julio, marami sa mga maralita—sa mga gilid ng estero man o sa Agham Road—ang maaaring itinulak na rin ng kahirapan para magnakaw, pumatay o iputa ang sarili. Normal ang mamuhi sa ganitong mga gawi. Sino ba naman ang may gusto ng paglaganap ng krimen?  Ngunit kung lubos nating uunawain ang kahulugan ng pelikula, alam sana natin na ang lungsod ang siyang gumagawang halang sa mga bituka ng maralita.


Sa isang bahagi, indikasyon ito ng pagturing sa sining ng pelikula na hiwalay sa reyalidad ng lipunan. Manipestasyon din ito ng pagtingin ng mga nasa panggitnang uri sa mga mahihirap, sa ugat ng kahirapan, at sa solusyon dito. At ang ganitong mga perspektibo ay hindi basta-basta nababago ng sining, panitikan o pelikula.


Ang pesimistikong wakas ng pelikula ay hindi pagsuko. Sa halip, marapat itong tingnan bilang pagpapatuloy ng kawalan ng hustisyang panlipunan na mababago lamang sa labas ng mga sinehan.



###













No comments:

Post a Comment