Wednesday, July 17, 2013

Pinoy Weekly Karaniwan, makatwiran

Posted: 17 Jul 2013 10:50 AM PDT


Lorna Tolentino (kaliwa) bilang Edith Burgos at Rocco Nocino bilang JonasLorna Tolentino (kaliwa) bilang Edith Burgos at Rocco Nocino bilang Jonas


Rebyu: Burgos (2013)
Dinirehe ni Joel Lamangan
Iskrip ni Ricardo Lee
Tampok sina Lorna Tolentino, Rocco Nocino, Allen Dizon, Ina Feleo, Dimples Romana, Bangs Garcia, Kerbie Zamora at Tirso Cruz III
Heaven’s Best Entertainment




Sa kabila ng sirkumstansiya nila, pangkaraniwang pamilya ang mga Burgos. Kahit na dumaan na sila sa maraming pagsubok, kahit na minsan nang kumalaban sa isang diktadura, tulad ng ordinaryong pamilya ang magkakapatid: nagbibiruan, nagkakantahan, nagkakantiyawan. Si Edita, pangkaraniwang ina: mapag-alala sa mga anak, maasikaso sa bahay, pero kalahok sa mga paglaban ng asawa. Samantala, lumalaki ang mga bata. Ang dating makukulit na magkakapatid, ngayo’y may sariling isip at paninindigan na.


Makatwiran lang na mag-alala si Edita sa anak niyang si Jonas, na sa isang pulong ng pamilya’y nagpaalam na maglilingkod na siya sa kilusan ng mga magsasaka. Mapanganib ang kilusan, sabi ni Edita. Pangkaraniwang reaksiyon ng ina ang pag-aalala, pero nanaig ang paggalang niya sa piniling buhay ng bawat anak.


Pumanaw na si Joe Burgos; lumalalim ang pakikilahok sa kilusan ng mga magsasaka ng anak na si Jonas. At si Edita, niyakap ang isang relihiyosong panata ng pananahimik. Isang araw, hindi umuwi si Jonas, nag-alala ang ina at mga kapatid. Nawawala siya. Kalauna’y nakumpirma: dinukot si Jonas, sa kainan sa isang mataong mall sa Quezon City.


Dahil sa ambag ni Joe Burgos sa kalayaan sa pamamahayag ng bansa, masasabing tanyag na pamilyang Pilipino ang mga Burgos. Pero tulad ng pangkaraniwang pamilyang middle class ang reaksiyon nila sa pagkawala ni Jonas. Hinanap siya, mula sa bawat sulok ng Quiapo (may nakapagsabing nakita raw siya roon), hanggang sa pinaka-eksklusibong pasilyo ng kapangyarihang pampulitika sa Malakanyang. Normal sa ina na hanapin ang kanyang anak, na gamitin ang anumang koneksiyon, anumang rekurso sa paghahanap na ito. At kung mabigo pa rin siya, karaniwang naitutulak siya sa mas mapangahas na landas. Sa kaso ni Edita, ang landas ng pagharap sa publiko, pagsalita sa midya, pagiging tagapagsalita ng mga tulad niyang karaniwang taong naghahanap.



Burgos-small


Ito ang tema ng pelikulang Burgos ni Joel Lamangan: ang tanyag pero pangkaraniwang ina na si Edita Burgos at ang paghahanap niya sa desaparecidong anak na si Jonas.


Sa isang banda, maasahan nang ikukuwento ang naganap kay Jonas sa punto-de-bista ng inang si Edita. Siya din naman kasi ang mukha ng paghahanap sa anak, ang mukha ng kampanya para kay Jonas, at kalauna’y mukha at boses na rin ng paghahanap ng lahat ng mga kaanak ng desaparecidos. Hindi na kataka-taka kina Lamangan at ang manunulat na si Ricardo Lee na pumokus sa paghahanap ni Edita. Maaalalang ginawang dula na ang punto-de-bistang ito, ang punto-de-bista ni Edita, sa paghahanap niya sa anak.


(Isang punto-de-bista na pinakita sa pelikula, pero hindi sentro ng kuwento, ang punto-de-bista ng asawa’t anak ni Jonas. Panoorin ang audio slideshow na ito.)


Sa kabilang banda, may kakaiba at, interesante pa rin, sa pagtalakay sa isang sikat na kaso ng paglabag sa karapatang pantao tulad ng kay Jonas, sa punto-de-bista ng pangkaraniwang ina na si Edita. Kaiba sa pagtalakay ng naunang pelikula ni Lamangan (sinulat ni Bonifacio Ilagan) na Dukot (2009), unti-unting napakilala sa atin ang reyalidad ng sapilitang pagkawala (enforced disappearances) mula sa karanasan ng isang ina na naghahanap. Natural na mabigat ang halos bawat eksena ni Lorna Tolentino (Edita) dahil mabigat ang dinadala ng isang ina na naghahanap ng nawawalang anak. Mas pinabibigat ito ng kaalamang mabangis ang mga dumukot kay Jonas; walang-awa ang militar sa mga aktibistang dinudukot. Habang nananalangin si Edita, pinapakita ang imahen ng tortyur kay Jonas. Sa isip ng ina, tiyak na pinahihirapan ang anak niya. Walang duda, hindi man niya nakikita, sinasaktan si Jonas. Tiyak ito, pero kailangan pa rin niyang magsalita at maghanap.


Kaya mahirap ang role na ginanap ni Tolentino sa pelikulang ito. Ramdam ng manonood ang pagsisikap niyang bigyang-katarungan ang paghihirap ng inang tulad ni Edita. Kapani-paniwala ang kanyang paghihirap, bagamat mas binigyan pa sana ng nuance ang karakter ni Edita, na madalas nating nakikita sa midya na matapang na tagapagsalita para sa desaparecidos. Sa pagganap ni Tolentino, iisa ang mukha ng ina sa pribado at publiko.


Pamilyang Burgos sa pelikulang Pamilyang Burgos sa pelikulang “Burgos”, dinirehe ni Joel Lamangan, sinulat ni Ricky Lee


Posibleng kahinaan na ito ng pagdidirehe. Problema ng pelikula ang kakulangan din ng pagbibigay-pansin sa detalye: halimbawa, ang pagsasabuhay ng mga eksena sa isang press conference, kabilang ang isang halos-nakakatawang eksena ng mga reporter na sunud-sunod na nagtatanong, di na binigyan ng pagkakataong magsalita si Edita. Tiyak na isang device ito para ipakita ang presyur kay Edita sa kanyang tungkulin bilang tagapagsalita. Pero sinumang nakakadalo sa mga katulad na press conference ay makapagsasabing hindi reyalistiko ang eksenang ito.


Gayunman, maliit na reklamo lang ito. Hindi naman eksklusibo sa Burgos ang punang ganito, dahil marami sa mga pelikulang social-realist, kahit panahon nina Lino Brocka, ay guilty rin sa “kasalanang” ito. (Isang napuna ng mga kritiko, halimbawa, sa Maynila sa mga Kuko ng Liwanag ang pangalan ng Intsik na nang-alipin kay Ligaya Paraiso,  si Ah Tek, ay hindi totoong pangalang Tsino.) May panganib lang na makatawag-pansin ang maliliit na palya sa reyalismo – laluna’t iginigiit natin ang katotohanan ng kuwentong tulad ng kay Jonas. Dahil sa tindi ng mga eksena, hindi na siguro ito mapapansin pa sa Burgos. Pero nandiyan ang panganib.


Di na kailangang banggitin pa, pero sasabihin pa rin natin: Kahanga-hanga ang pelikulang Burgos. Sa pagpapahayag ng istorya ni Jonas, ng panunupil ng estado sa mga lumalaban at nagtataguyod ng progresibong pagbabago sa bansa, sa isang mainstream na odyens na maaaring simpatetiko na pero mas malamang na hindi, napakalaking paglilingkod na ang nagagawa. Sa panahong patuloy ang pambabansag ng gobyerno sa lahat ng lumalahok sa radikal na kilusang mapagpalaya, armado man ito o hindi,  na “terorista” (ang bansag ng militar at gobyerno sa mga lumalahok sa paglaban ng New People’s Army ay “communist-terrorists”), hindi matatawaran ang truth-telling na ginagawa ni Lamangan at mga katulad niya. Maikukumpara ito sa nagawa ng pelikulang Dekada ’70 ni Chito S. Roño, ang pagpapakita ng isang pangkaraniwang middle class na pamilya, na nasangkot sa radikal na pulitika, sa paglikha ng kasaysayan. Ang pagkakaiba lang, kontemporaryo ang kaso ni Jonas, hindi kathang nobela ang buhay at pakikibaka ni Edita.


Ngayon, higit kailan man, kailangang bigyan ng mukha ang mamamayang lumalaban. Sa Burgos, muling nagkamukha at boses ang paglaban sa panunupil at pagsasamantala. Ito ang ina, si Edita, na katulad natin, pangkaraniwan, natutulak ng panahon at pagkakataon na humarap, magsalita at makibaka.


(Ipapalabas ang pelikulang Burgos sa Agosto 3 sa Cultural Center of the Philippines (CCP) bilang closing film ng 9th Cinemalaya Film Festival.)



###

No comments:

Post a Comment