Pinoy Weekly
Posted: 20 Jul 2013 12:40 AM PDT
May tanong ang public service announcement (PSA) ng gobyerno: “Ano ang SONA mo?”
Para sa akin, mas mainam na alamin muna ang sagot sa isang batayang tanong: “Ano ang SONA?” Dito lang kasi natin masasagot ang pinakamahalagang tanong: “May SONA ka ba?”
Kung nais suriin ang konteksto ng taunang state of the nation address (SONA) ng Pangulo ng Pilipinas, mainam na balikan ang nakasulat sa Art. VII, Sec. 23 ng 1987 Constitution: “The President shall address the Congress at the opening of its regular session. He may also appear before it at any other time.”
Kailangan kong sipiin ang pagkakasulat ng ating Saligang Batas sa wikang Ingles dahil ito ang nakapangingibabaw kumpara sa iba pang salin, kasama na ang sariling wika. Kung susuriin kasi ang salin nito sa wikang Filipino, iba ang lumalabas na mensahe: “Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso sa pagbubukas ng regular na sesyon nito. Maaaring humarap din siya rito kahit sa iba pang pagkakataon.”
Sa wikang Ingles, malinaw ang obligasyon ng Pangulong humarap sa Kongreso dahil sa paggamit ng salitang “shall.” Pero sa wikang Filipino, hindi siya obligado. Ang akmang salin kasi ng nakasulat na “Dapat magtalumpati ang Pangulo sa Kongreso” sa wikang Ingles ay “The President must address the Congress.” Malinaw na may pagkakaiba ang mga salitang “shall” at “must.”
Sa kabila ng kahinaan sa pagkakasalin ng Konstitusyon, hindi pa rin maikakaila ang taunang pagharap ng mga Pangulo sa Kongreso mula pa noong 1936. Malinaw na ang obligasyon ay nasusunod sa pangkalahatan. Batay sa ating kasaysayan, may limang pagkakataon lang na hindi nagkaroon ng SONA – noong 1942-1944 at 1946; at maging noong 1986. Ito ang mga panahong nangyari ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang tinaguriang EDSA 1 na nagpatalsik sa diktadura.
Ang SONA ni Benigno S. Aquino III sa Lunes (Hulyo 22) ay ang kanyang ika-apat mula nang maging Pangulo siya noong Hunyo 30, 2010. Ito rin ang ika-73 talumpati ng isang Pangulo sa pagbubukas ng Kongreso. Kung gusto mo pa ng dagdag na trivia, siya ang ika-13 Pangulo na nagtalumpati.
Kailangan pa bang malaman ang bilang ng mga palakpak bawat talumpati? Mahalaga pa kayang impormasyon ang mamahaling relo, alahas at damit na sinuot ng mga nasa kapangyarihan sa Kongreso? Malinaw na may iba pang impormasyong mas mahalaga kumpara sa mga ito!
Kung babalikang muli ang mensahe ni dating Pangulong Manuel Quezon sa Unang Pambansang Asembleya (First National Assembly) noong 1936, lumalabas na ang layunin ng isang SONA ay ipaliwanag ang kalagayan ng Pilipinas para matukoy ang nararapat na adyenda ng lehislatura (legislative agenda), lalo na ang mga batas na kailangang ipatupad. Ito ang dahilan kung bakit simple lang ang titulo ng talumpati noon ni Quezon sa wikang Ingles: “On the Country’s conditions and problems.”
Sa teorya, kailangang may obhetibong pagsusuri ang Pangulo sa paraang ipinapaliwanag ang kalakasan at kahinaan ng panlipunang kalakaran. Ang SONA ay hindi dapat plataporma para magpasikat o magyabang. Mas lalong hindi dapat gamitin ang SONA para itago ang negatibo at ipangalandakan lamang ang positibo. Ito nga ang teorya, pero ano ba ang nangyayari sa praktika?
Kung susuriin ang teksto ng ikatlong SONA ni Pangulong Aquino noong Hulyo 23, 2012, malinaw ang madalas na paggamit ng sound bites at one-liners para maengganyo ang midya na gamitin ang mga ito nang paulit-ulit. Bilang halimbawa, basahing muli ang panimulang pananalita niya noon: “Ito po ang aking ikatlong SONA, at parang kailan lang nang nagsimula tayong mangarap. Parang kailan lang nang sabay-sabay tayong nagpasyang tahakin ang tuwid na daan. Parang kailan lang nang sinimulan nating iwaksi ang wang-wang, hindi lamang sa kalsada kundi sa sistemang panlipunan.”
Halatang-halata rin ang maingat at mahusay na paggamit ng pananalita para makakuha ng palakpak: “Sa bawat pagkakataon na haharap ako sa isang magsasaka, guro, piloto, inhinyero, tsuper, ahente sa call center, karaniwang Pilipino; sa bawat Juan at Juana dela Cruz na nagsasabing `Salamat sa pagbabago,’ ang tugon ko sa inyo: Kayo ang gumawa nito…Inuulit ko po, posible na ang dating imposible. Humaharap po ako sa inyo ngayon, at sinasabing: hindi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito. SONA ito ng sambayanang Pilipino.”
Wala naman sanang problema sa paggamit ng popular na retorika kung obhetibo ang pagsusuring inilalahad. Pero nagkakaroon ng pagtatakip sa katotohanan sa pamamagitan ng mapanlikhang paggamit ng mga salita kung hindi obhetibo ang diskurso. Oo, may pagtukoy sa ilang problema ng lipunan pero malinaw ang paghuhugas-kamay at pagbabato ng sisi sa mga dating administrasyon: “(H)uwag po nating kalimutan ang pinag-ugatan ng Batas Militar: Kinasangkapan ng diktador ang Saligang Batas upang manatili sa kapangyarihan. At hanggang ngayon, tuloy pa rin ang banggaan sa pagitan ng gusto ng sistemang parehas, laban sa mga nagnanais magpatuloy ng panlalamang…Mula sa unang araw ng ating panunungkulan, walang ibang sumalubong sa atin kundi ang mga bangungot ng nawalang dekada.”
Maraming retorika ng diumanong pag-unlad pero walang paliwanag kung paano nananatiling mahirap ang maraming mamamayan. May ebidensiya man ng pagganda ng buhay ng mangilan-ngilang mamamayan, ang impormasyon ay hindi kumakatawan sa kalagayan ng karamihan. Halatang piling-pili ang ibinigay na datos para mapatingkad ang positibo at mapagtakpan ang negatibo.
Kung pagbabatayan ang inilunsad noong Hulyo 1 na PSA ng gobyerno sa YouTube na may titulong “Ano ang SONA mo?” hindi ako masyadong umaasang ang magiging ika-apat na SONA ay magiging kakaiba sa iba pa. Sa katunayan, ito ay pagpapatuloy lamang ng naratibong ibinebenta mula pa sa nakaraang SONA: “(H)indi ko SONA ito. Kayo ang gumawa nito.”
Hindi masisisi ang maraming grupo’t indibidwal kung tinatawag nilang pambobola ang retorika tuwing SONA. May malaking problema sa teksto dahil ang panlipunang problema ay hindi naisasakonteksto.
Ngayong may ideya na tayo kung ano ang SONA, mainam sanang sagutin ang mas importanteng tanong: May SONA ka ba? Hindi ka inaasahang magtalumpati sa harap ng Kongreso dahil may mga mas importanteng grupo’t indibidwal na handang makinig sa iyo. Kung may Pangulong walang intensiyong ipakita ang tunay na kalagayan ng bansa, asahan mong may mga handang maglahad ng alternatibong diskurso.
Muli, ang aking tanong: May SONA ka ba? Mainam na huwag mong itago ang iyong sagot at makiisa sa iba pang may alternatibong SONA.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.
###
No comments:
Post a Comment