Maraming naglalabasang reaksyon kapag lumalaban ang maralita sa demolisyon. At sa lahat ng reaksyong iyan, pinaka-nakakabwisit ang mga reaksyon ng mga legalista, iyung mga naghuhumiyaw na may naganap na paglabag sa batas at dapat parusahan ang mga lumabag. Sa mga iyan, may pakitang-tao pang nagsasabing sumisimpatya sila sa maralita at tutol sila sa demolisyon, pero hindi dapat nilalabag ang batas. Bagamat malapit sa larangan ng batas ang usapin ng paglaban ng maralita, ang mga legalista’y parang mga dentista o dermatologist na nagsisihusga batay sa kitid ng propesyon nila.
Iba kasi ang batas sa katarungan. Dapat ay instrumento ng katarungan ang batas, pero hindi laging ganyan ang nangyayari. Mas madaling makikita ang punto kung titingnan sa kasaysayan, na tadtad ng mga batas na hindi makatarungan. Halimbawa ang mga batas na nagpanatili ng kolonyalismong Espanyol, Amerikano at Hapon sa bansa. Ganoon din ang mga batas na nagsilbing suporta ng Batas Militar ni Marcos. Mga batas ito, pero hindi-makatarungang mga batas. Sa ganitong mga kalagayan, ang lubos na pagtataguyod ng batas ng mga legalistang komentarista ay pagtapak sa katarungan.
Pero sino ang magsasabi kung ang isang batas ay hindi makatarungan? Hindi lang ang Korte Suprema, taliwas sa isasagot ng mga legalista. Maraming pagkakataon din sa kasaysayan na ang mga mamamayan ang naggigiit na hindi makatarungan ang batas, at sumusunod lamang ang hudikatura. Ang mga batas na nagbabawal sa kababaihan na bumoto, ang mga batas ng pang-aalipin at segregasyon sa mga Negro, ang mga batas na nagpapatrabaho nang lampas sa walong oras, ang mga batas na nagtataguyod ng kolonyalismo – mga mamamayan ang nagprotesta para maibasura ang mga batas na ito.
Hindi ba delikadong ipaubaya sa mga mamamayan ang pagtatakda ng kung aling batas ang makatarungan at alin ang hindi? Hindi, lalo na kung ikukumpara sa pagbabawal sa mga mamamayan na kumwestyon, magprotesta at lumabag sa mga batas na itinuturing na hindi makatarungan. Diktadura ang bagsak ng ganitong pagbabawal, isang lipunan kung saan kailangang laging sumunod sa batas at tanging sa legal na daluyan pwedeng kwestyonin ang batas. Makukwestyon ang maraming batas, pero hindi naman ibig sabihin ng pagtatapon sa bulok na mangga ay hindi na kakain ng maayos na mangga.
Para saan pa ang eleksyon, ang mekanismo ng lipunang nagpapakilalang demokratiko para mapalitan ang mga batas? Napapalitan ang mga namumuno pero hindi ang mga hindi-makatarungang batas. Kitang-kita ang kahungkagan ng eleksyon pagdating sa demolisyon – bagay na ipinatupad sa Pilipinas ng lahat ng administrasyon at maraming lokal na gobyerno. Sa panahon ng kampanya sa eleksyon, lahat ay maka-maralita at kaibigan pa nga ng maralitang lungsod. Pagkatapos ng eleksyon, demolisyon. Pwede bang sisihin ang maralita? Gayung kahit sino ang manalo, nagdudulot ng demolisyon?
Muli, lumaban ang mga maralita ng Sitio San Roque sa demolisyon nitong Hulyo 1. Nagtayo ng barikada at may mga lumipad na bato. Napakababaw ng isang pangontra ng mga legalista, nagpabitag sa propaganda ng lokal na gobyerno: Walang demolisyon sa araw na iyun. Pero may deadline na natanggap ang mga residente, talagang may banta ng demolisyon at mismong si Mayor Herbert Bautista ang nagtutulak. Kung ako ang tatanungin, mabisa ang taktika ng mga maralita: ang itakda ang labanan kung kailan sila handa, hindi ang maghintay ng todong lakas ng malulupit na pwersa ng demolisyon.
Makatarungan ang paglaban nila. Marami sa kanila, napwersang tumira doon dahil sa pagpapalayas – sa pamamagitan man ng demolisyon sa ibang lugar o kagutuman at kawalang-trabaho sa kanayunan. Marami sa kanila ang walang trabaho, dahil sa pagkabigo ng gobyerno na lumikha ng sapat na trabaho, at gumawa sila ng paraan para maghanap-buhay. Wala silang naengkwentro o natamasang programa ng gobyerno para sa disente at abot-kayang pabahay – kahit pa may programa ito para sa maramihan at malupitang demolisyon. Nasaan ang katarungan sa basta-bastang pagtataboy sa kanila?
Lalong naging hindi katanggap-tanggap sa gobyerno ang paglaban ng Sitio San Roque dahil naganap ito matapos ang puspusan at paspasang kampanya na palayasin ang kulang-kulang 20,000 pamilyang maralita sa mga estero. Nalantad ang motibo ng panunuhol ng P18,000 sa isang taon sa mga maralita at pananakot ng pag-aresto kung babalik sa dating tirahan: Hindi ang alisin ang sanhi ng baha, ang iligtas ang maralita sa sakuna, o ang makatipid sa paglilikas tuwing may bagyo. Kundi ang hawanin ang pagtatayuan ng negosyo ng malalaking kapitalistang walang kabusugan sa lupa at tubo.
Sa lipunang ito, larawan ng paglabag sa batas – pwede ba ang salitang “kawalang-batas” o lawlessness? – ang maralita, lalo na ang maralitang lungsod. Napapahigpit ang kapit ng ibang nasa panggitnang uri sa kanilang bag at gaheto kapag nakikita ang mga maralita. Pero taliwas sa panghoholdap o pagnanakaw, na may malalim ding ugat sa karalitaan, hindi pampersonal ang paglabag sa batas ng mga maralita sa paglaban sa demolisyon. Paglaban ito ng lahat ng maralita, lalo na iyung nasa katulad na kalagayan. Sa kanilang paglabag sa batas, inilalantad at nilalabanan nila ang kawalang-katarungan.
Maaaring magpahayag ng makabayan o progresibong tindig ang mga legalista sa iba’t ibang isyu, pero napaka-konserbatibo ng absolutong paggigiit nilang ipatupad ang kasalukuyang mga batas at parusahan ang mga lumalabag – nang ang tinutukoy ay ang mga maralita. Malay man sila o hindi, tunay silang naniniwala sa “Katapusan ng Kasaysayan”: ngayon ang rurok ng kasaysayan at hanggang dito na lang tayo. Hindi nila seryosong naiisip na ang mga batas ngayon ay maaaring ituring na hindi makatarungan sa hinaharap. Kahit pa ang batas ay pagpapalayas lang ng mga naghahari sa mahihirap.
14 Hulyo 2013
Malaking tulong ang mga sulatin ni Howard Zinn, lalo na ang laman ng The Zinn Reader: Writings on Disobedience and Democracy [1997], sa kalinawan hinggil sa batas, katarungan at paglabag sa batas.
###

No comments:
Post a Comment