Monday, July 29, 2013

Pinoy Weekly - ‘Rebolusyonaryong’ Santo Papa?


Posted: 29 Jul 2013 12:20 AM PDT


Kumakalat ngayon sa social media ang larawang ito ni Pope Francis kasama ang isang Gustavo Vera ng No Chains at La Alameda Argentina. Hawak nila ang isang t-short mula sa No Chains na kampanya na dinisenyo ni Andrew Florentino ng progresibong grupo ng mga artista na Ugatlahi Artist Collective.


Kumakalat ngayon sa social media ang larawang ito ni Pope Francis kasama ang isang Gustavo Vera ng No Chains at La Alameda Argentina. Hawak nila ang isang t-shirt mula sa No Chains na kampanya na dinisenyo ni Andrew Florentino ng progresibong grupo ng mga artista na Ugatlahi Artist Collective.’


Slumdog Papacy?

Matapang, radikal, at — para sa mga konserbatibo sa loob at labas ng Simbahang Katoliko — nakakagulat, ang mga salitang binitawan ni Pope Francis, o sinipi sa kanya ng midya, bago at sa mismong pagbisita niya sa bansang Brazil kamakailan. Ito ang unang papal visit ng bagong Santo Papa sa labas ng Roma, at marami ang nag-abang sa sasabihin niya. Lalo pa’t naging laman ng balita ang bansang bibisitahin niya dahil sa serye ng dambuhalang mga protesta kontra sa neoliberal na mga polisiyang nagpapahirap sa mga mamamayan ng Brazil.


Noong nakaraang linggo, ibinalita ng Wall Street Journal ito: ang paghayag ni Pope Francis ng pag-aalala sa malawakang disimpleyo sa kabataang manggagawa. Sabi niya, sa wikang Ingles: “May panganib na magkaroon tayo ng isang henerasyon na walang trabaho. Nakukuha ang personal na dignidad mula sa pagtrabaho,” sabi umano niya. Hindi man tuwirang sinabi ng Santo Papa (o hindi binanggit sa ulat ng WSJ), pero mistulang kritika ito sa malawakan, pandaigdigan at kapitalistang praktika ng kontraktuwalisasyon sa paggawa. Sabi sa ulat ng WSJ, binatikos ni Pope Francis ang mga merkado sa paggawa dahil itinuturing nitong disposable ang lakas-paggawa ng kabataan.


Nitong huling mga araw, pareho pa rin ang naging tono ng pampublikong mga pahayag ng Santo Papa. Kaalinsabay ng World Youth Day na nagaganap sa Brazil, sa unang araw niya sa naturang bansa, sinabi niya ito (sa wikang Ingles, salin ng manunulat):

“Kayo, minamahal kong kabataan, ang may taglay ng espesyal na sensitibidad (sensitivity), pero madalas kayong mawalan ng gana sa mga balita tungkol sa korupsiyon ng mga tao na naghahanap ng sariling ganansiya sa halip na naghahangad ng kabutihan ng karamihan…Huwag kayong hinaan ng loob; huwag kayong mawalan ng pag-asa. Maaaring magbago ang reyalidad…
“Walang sinumang kayang manatiling manhid sa kawalan-ng-pagkakapantay-pantay sa mundo. Walang tumatagal na pagtatag-ng-kapayapaan (peace-building), at walang nakakamit na pagkakasundo at kaligayahan, sa isang lipunang pinababayaan, isinasantabi o nagtatangi sa isang bahagi ng lipunang ito.”


Coverage ng US corporate media sa bisita ni Pope Francis sa BrazilCoverage ng US corporate media sa bisita ni Pope Francis sa Brazil


Maaaring sabihin ng ilan na umaangkop lamang ang Santo Papa sa reyalidad ng bansang binibisita. Rebelyon ang tenor ng kabataan sa Brazil, at sa kanyang mga pahayag (ayon sa ulat na ito), mistulang hinimok pa niyang “magrebelde” ang kabataan. Siyempre, sa konteksto ito ng “pagpapalaganap ng mensahe ng Panginoon,” pero madalas na niyang idinidiin ang mensaheng ito ay ang pagyakap sa mahihirap at inaapi. At hindi lamang sa salita niya inihayag ang mensaheng ito: Iniulat sa midya ang pagbisita niya sa favelas, o slum areas (kung sa Pilipinas, informal settlements squatter areas) sa unang araw ng kanyang pagdating sa Rio de Janeiro. Kahit ang popular na Santo Papa na si John Paul II, sa dalawang beses na bisita niya sa Pilipinas, hindi nakatuntong sa Smokey Mountain, Tondo, o ano mang lugar ng mga maralita sa bansang ito.


At kung hindi pa kayo kumbinsido sa tapang ng kasalukuyang lider-relihiyoso ng Simbahang Katoliko, pansinin na rin ang mga pahayag ni Francis noong nagbukas ang kongreso ng Diocese of Rome, halos dalawang linggo na ang nakararaan. Sa kanyang talumpati (na hindi inihanda, sabi ng isang Katolikong website), ilang beses niyang binanggit ang salitang “rebolusyon”. Sa konteksto ito ng paglulunsad ng “rebolusyon” ni Hesus para ipalaganap ang kanyang mensahe ng pag-ibig sa sangkatauhan. Pero binigyan-diin muli ni Pope Francis na ang mensaheng ito ay ang pakikipagkaisa at pagyakap sa mahihirap.


Malinaw na may kakaiba sa bagong Santo Papa: mas matapang sa paghayag ng opinyon sa itinuturing niyang mga problema ng lipunan, mas bukas sa pagbabago (bagamat malayo pa bago maging “bukas” sa maraming kontrobersiyal na isyu), mas pulitikal. Hitik ang kasaysayan ng simbahang Katoliko ng apostoles nito na bumaba sa kanilang pulpito para makilahok sa aktuwal na panlipunang mga pagbabago. Nariyan, siyempre, ang arsobispo ng El Salvador na siArsobispo Oscar Romero, na nagsalita kontra sa mga paglabag sa karapatang pantao noong dekada ’70 sa kanyang bansa, at pinaslang dahil dito. Naging tanyag na progresibong manunulat at rebolusyonaryo ang Katolikong pari sa Nicaragua na si Ernesto Cardinal. Sa Latina Amerika naging tanyag ang “liberation theology” na kinakatawan ng mga tulad nina Romero at Cardinal, at mga tagasuporta nila sa loob ng simbahan.


Pero di hamak na mas malakas at mas marami ang mga konserbatibo (suportado, at sinusuportahan, ng malalaking negosyo at kapitalistang mga gobyerno) sa loob ng Simbahang Katoliko. Isa sa maraming matingkad na halimbawa ng pagsuporta ng mga pinuno ng simbahan sa mapanupil na mga rehimen ang sinasabing pagsuporta nito–o kahit pa sabihing pag-kibit-balikat nito–sa rehimeng Nazi sa Germany at Europa noong Ikalawang Digmaang Pangdaigdig (Panoorin ang pelikulang “Amen” ng progresibong direktor ng pelikula na si Costa-Gavras). Hanggang ngayon, makapangyarihan ang mga puwersa ng reaksiyon at konserbatismo sa loob ng simbahan.


Sa gitna ng kalagayang ito ng Simbahang Katoliko, natutuwa ang maraming progresibo sa mga pahayag ng kasalukuyang Santo Papa. Sa maraming pagkakataon, tumiwalag siya sa mga protocol, umiwas sa nakagawiang praktika ng mga nauna sa kanya, para ipakita na maka-mahihirap siya, na bukas siya sa pagbabago (kahit hindi pa sa lahat ng kailangang pagbabago). Maaaring public relations na hakbang lamang ito, para bumawi ang simbahan mula sa katakut-takot na mga kontrobersiya, mula korupsiyon hanggang sex scandals, na kinasangkutan nito. Maaari rin naman na, sa wakas, natatangay na ng hangin ng pagbabago ang simbahan. Maaaring sinsero ang Santo Papa sa lumalalang kahirapan at pagsasamantala sa bansa–pero hindi pa siya handang yakapin ang radikal na pagbabagong itinutulak ng mga liberation theologian.


Anu’t ano man, dapat kaisa tayo sa pagbibigay-pugay sa mga pahayag at aksiyon ni Pope Francis. Kailangang kailangan ng mga naghihirap at inaaping mamamayan ng mundo ang boses at pakikilahok niya.




###
















No comments:

Post a Comment