Saturday, July 27, 2013

Pinoy Weekly - Tumitinding karahasan sa kababaihan, bata kinaliligtaan pa rin sa SONA

Posted: 27 Jul 2013 05:16 AM PDT


Press forum sa Quezon City ng mga lider-kababaihan matapos ang SONA ni Aquino. (KR Guda)Press forum sa Quezon City ng mga lider-kababaihan matapos ang SONA ni Aquino. (KR Guda)


Tulad ng inaasahan na ng militanteng kababaihan, walang pagbanggit si Pangulong Aquino sa kalagayan ng kababaihan sa kanyagn kanyang State of the Nation Address (SONA). Walang pagbanggit sa pagdami ng kaso ng karahasan sa kababaihan at bata – na mistulang pinalala ng mga polisiya ng kanyang administrasyon.


“Maliban sa araw-araw na karahasang kinakaharap ng kababaihan at bata dahil sa maka-dayuhan at anti-mamamayang mga patakaran ng gobyernong Aquino, patuloy pa rin silang nagiging biktima ng karahasan dahil sa kawalan ng mapagpasyang hakbang ng gobyerno upang tugunan ang suliraning ito,” paliwanag ni Mary Joan Guan, executive director ng Center for Women’s Resources (CWR), sa isang kumperensiya sa midya kamakailan.


Kabilang sa mga suliraning kinakaharap umano ng kababaihan at mataas na presyo ng mga bilihin, na bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis dahil sa monopolyong kontrol ng tinaguriang kartel ng langis.
Sa kanyang SONA noong Hulyo 22, direktang binasbasan rin umano ni Aquino ang pagtaas ng pasahe sa MRT at LRT, pampublikong mga tren sa Kamaynilaan. Bagamat hindi nalulugi, payag si Aquino sa taas-pasahe sa tren para makakuha ng pribadong investor dito.


“Pagpapatunay lang ito na wala talagang malasakit sa kababaihan at maralitang mamamayan ang gobyernong ito. Ni wala man lang binanggit ukol sa tumitinding sitwasyon ng karahasan sa kababaihan at bata,” obserbasyon naman ni Joms Salvador, pangkalahatang kalihim ng Gabriela, militanteng alyansa ng kababaihan.


Namonitor ng Gabriela ang pagtindi ng bilang ng mga kaso ng karahasan sa kababaihan at bata na ang suspek ay tinaguriang mga “persons of authority” o mga taong nasa awtoridad ng gobyerno. Kasama rito ang mga pulis, militar, paramilitar o matataas na opisyal ng gobyerno.


Sa datos ng CWR, isang babae o bata ang nagagahasa kada isang oras at 42 minuto, samantalang isang babae o bata naman ang nabubugbog kada 34 minuto at 48 segundo.


“Dahil ito sa patuloy na immunity (o kawalan ng pananagutan) sa paglabag sa karapatan ng kababaihan. Sa dinami-rami ng mga hinawakan naming kaso ng karahasn sa mga babae at bata na gawa ng awtoridad, gaya ng mga sundalo at pulis, wala ni isang akusado ang naparusahan,” sabi naman ni Obeth Montes, pangalawang pangkalahatang kalihim ng Gabriela at coordinator sa komite sa serbisyo para sa kababaihan at bata ng naturang organisasyon.


Pinakita ng mga lider-kababaihan ang imahen ng inaaping babae dulot ng mga polisiya ng administrasyong Aquino, mula sa programang kontra-insurhensiya, hanggang sa impunity, hanggang sa Public-Private Partnerships, taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, demolisyon, at iba pa. (KR Guda)Pinakita ng mga lider-kababaihan ang imahen ng inaaping babae dulot ng mga polisiya ng administrasyong Aquino, mula sa programang kontra-insurhensiya, hanggang sa impunity, hanggang sa Public-Private Partnerships, taas-presyo ng mga bilihin at serbisyo, demolisyon, at iba pa. (KR Guda)


Sa naturang kumperensiya, pinatutuhanan din ng mga lider-kababaihan sa maralitang mga komunidad ang matinding epekto ng mga polisiya ni Aquino tulad ng PPP at pagdemolis sa kanilang mga bahay.


Sinalaysay ni Nancy Abarido, ng Brgy. Bagong Silangan, Quezon City, ang banta ng demolisyon sa kanilang komunidad dahil sa PPP at programang paglinis umano sa mga estero.


Ikinuwento naman ni Lourdes Baylon, sekretarya ng San Isidro Labrador Homeowners Association sa Carmina Compound, Muntinlupa City, kung paano niloko ng lokal na pamahalaan ang ilan sa mga residente para mademolis ang kanilang mga bahay.


Pero pinangunahan nila at ng Gabriela-Muntinlupa ang pagbarikada para igiit ang onsite relocation at sapat na kabuhayan sa mga maralita sa naturang lugar.


Dinagdag naman ni Gabriela Rep. Luzviminda Ilagan na tulad ng inaasaha’y walang napala ang kababaihan sa SONA ni Aquino.


“May kontrobersiya na nga sa pork barrel (o priority development assistance funds). Tayo, gusto nating ibasura na ang pork barrel. Pero ano ang ginawa ni Aquino? Tinaasan pa niya ang pondo para sa pork barrel. At siya mismo, si Aquino, ang may pinakamalaking pork barrel,” pagtatapos ni Ilagan.


###













No comments:

Post a Comment