Sunday, July 14, 2013

Pinoy Weekly Patuloy na pandarahas sa piketlayn ng manggagawa sa Pentagon kinondena

Posted: 14 Jul 2013 01:36 AM PDT


ipinapakita ni Doods Gerodias ng Adlo-KMU ang bote na naglalaman ng asido na ibinato ng mga goons mula sa loob ng pabrika. (Kontribusyon)Ipinapakita ni Doods Gerodias ng ADLO-KMU ang bote ng asido na ibinato ng goons ng manedsment mula sa loob ng pabrika. (Kontribusyon)


Kinondena ng sentro ng militanteng unyonismo na Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pandarahas sa piketlayn ng mga manggagawa ng Pentagon Steel Corp. sa Quezon City.

Nagresulta ang huling insidente noong Hulyo 13 sa pagkakamatay ng isang guwardiya ng kompanya at pagkakasugat ng isa pang guwardiya. Ilang manggagawa naman ang nasaktan sa pamamato ng upahang goons ng kompanya.

Sa ulat ng KMU, sinabi nitong sumiklab ang kaguluhan matapos tangkain ng kompanya na maglabas ng mga yaring produkto nito. Hinarang ng mga manggagawa ang mga trak ng kompanya, at tinangkang sagasaan ng drayber ng trak ang hanay ng mga manggagawa.

Pero nahagip nito ang isang guwardiya at nasagasaan.

Sa panayam ng Pinoy Weekly kay Ricky Rivera, lider ng nagpoprotestang mga manggagawa, kinumpirma niyang namatay ang guwardiyang nakilalang si Carlos Yanez. Kasama umano ang namatay sa mga guwardiyang escort ng trak.

Maliban sa isang namatay, isa pa sa mga guwardiya ang sugatan dahil sa pagsagasa ng trak.
Tatlo namang manggagawa ang sugatan sa pamamato ng mga guwardiya, pulis at goons ng kompanya.
“Tinamaan po ng bato ang mga kasamahan namin. ‘Yung isa, si Antonio Cagadas (na) nagtamo ng sugat sa noo at tinahi ang sugat,” sabi ni Rivera.

Maliban daw sa mga bato, gumamit din ng asido na nakalagay sa bote ang goons laban sa mga manggagawa.


Gumamit ng goons ang kumpanyang Pentagon para idahas ang mga manggagawa ng Pentagon. Nasa likod ng mga ito ang mga kapulisan na kasama umano sa mga nagpaulan ng bato at boteng may lamang asido. (Tudla Production)Gumamit ng goons ang kumpanyang Pentagon para idahas ang mga manggagawa ng Pentagon. Nasa likod ng mga ito ang mga kapulisan na kasama umano sa mga nagpaulan ng bato at boteng may lamang asido. (Tudla Productions)


Pinangangambahan ni Rivera na maaring maulit ang madugong kumprontasyon sa pagitan nila at ng manedsment matapos silang pagbantaan ng mga guwardiya.

“Sabi nila, kung hindi daw sa amin, hindi mapapahamak ang kasamahan nila,” aniya. Sinabi pa ni Rivera na pinaulanan sila ng mga bote ng alak bandang alas-onse ng gabi.

Ayon naman sa KMU, hindi makatarungang isisi sa mga manggagawa ang pagkamatay ng guwardiya.
Itinuro ng grupo ang may-ari ng Pentagon na si Mariano Chan, gayundin sa hepe ng Human Resources Department ng kompanya na si Pablito Alcover, sa nangyaring karahasan at pagkamatay.

“Sa halip na pakinggan ang panawagan ng mga manggagawa, pandarahas ang itinutugon nina Chan at Alcover. Desperado na sila sa harap ng matatag na pagkakaisa ng mga manggagawa at lumalawak na suporta sa mga manggagawa,” ani Roger Soluta, pangalawang tagapangulo ng KMU.


Tinangkang sagasaan ng drayber ang mga nagpo-protestang manggagawa pero ang mga guwardiyang escort nito ang kanyang nasagasaan. Nakahandusay sa kalsada ang isang guwardiyang nasagasaan. (Tudla Production)Tinangkang sagasaan ng drayber ang mga nagpoprotestang manggagawa pero ang mga guwardiyang escort nito ang kanyang nasagasaan. Nakahandusay sa kalsada ang isang guwardiyang nasagasaan. (Tudla Productions)


Mula nang itayo ng mga manggagawa ang kanilang piketlayn tatlong buwan na ang nakakaraan, ilang beses na itong pinagtangkaang buwagin ng manedsment.

Naglabas din ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng injunction order laban sa piket-protesta ng mga manggagawa, na ginagamit umanong batayan ng manedsment para tawagin ang kapulisan sa piket-protesta.

Aabot sa 150 manggagawa ng Pentagon ang tinanggal sa trabaho matapos tumangging pumirma sa waiver na nagbabawal sa kanilang magprotesta sa loob ng pabrika.

“Nakakasuklam ang tuluy-tuloy na pandarahas sa mga manggagawa ng Pentagon. Nakakapaghimagsik ang sabwatan ngmanagement ng Pentagon, kapulisan ng Quezon City, at DOLE laban sa mga manggagawa,” ani Soluta.

Idinagdag ng grupo na isang eskirol ang namatay noong Mayo matapos itong mahulog sa bubungan para makaiwas sa mga manggagawang nagpoprotesta.

“Dumadami ang dugo sa kamay ni Mariano dahil sa kanyang tigas-ulong pagtanggi sa makatarungang kahilingan ng mga manggagawa,” dagdag ni Soluta.

Sa kabila ng pandarahas sa mga manggagawa, hindi pa rin nagpapatinag ang mga ito at panawagan nilang ibalik sila sa kanilang trabaho at alisin si Alcover bilang HRD officer ng kompanya.

“Nais lamang namin ang maibalik kami sa aming trabaho,” sabi ni Rivera.

Walang ibang hinihiling ang mga manggagawa kundi ang nararapat sa kanila, sabi naman ni Soluta.



###

No comments:

Post a Comment