Usapang pangkapayapaan at karapatang pantao sa ilalim ni Aquino
Bayan Pambansang Komiteng Tagapagpaganap ukol sa Ika-3 taon ng rehimeng US-Aquino Hunyo 10, 2103
Epektibong nagsara na ng pinto ang
rehimeng Aquino sa anumang makabuluhang usapang pangkapayapaan sa pagitan nito
at ng National Democratic Front Of The Philippines (NDFP). Hindi tinupad ng
rehimen ang mga obligasyon nito sa mga naunang kasunduan kabilang na ang JASIG
at CARHRIHL. Nanatiling nakakulong ang mahigit 400 bilanggo pulitikal kabilang
ang mga konsultant ng NDFP. Tumitindi naman ang mga paglabag sa karapatang pantao
sa ilalim ng Oplan Bayanihan, ang bersyon ng rehimeng US-Aquino sa Oplan Bantay
Laya. Hindi rin nagbigay ang rehimen ng anumang seryosong mungkahi para sa
usapin ng repormang socio-ekonomiko na syang pangalawang agenda sa usapang
pangkapayapaan. Tinanggihan ng rehimen ang mas mabilis na “special track” na
may layong kagyat na matigil ang armadong tunggalian sa pamamagitan ng komon na
deklarasyon para sa mga makabuluhang reporma sa ekonomiya at pulitika.
Bangkarote ang pahayag ng GPH na
isusulong nila ang lokal na usapang pangkayapaan dahil bukod sa lumang taktika
na ito, wala sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan ang makikipag-usap sa GPH sa
localized peace talks. Tanging ang NDFP Negotiating Panel lamang ang
awtorisadong gumampan sa papel na ito.
Ang realidad ay hindi sumuko o
tumiklop ang rebolusyonaryong kilusan sa kabila ng mga banta ng GPH. Sa unang
hati ng taon malaganap ang mga taktikal na opensiba ng New People’s Army o NPA
sa buong bansa. Naging tampok ang mga aksyong militar laban sa mga yunit ng
pulis at militar, mga malalaking kumpanya ng pagmimina, mga malalaking
plantasyon, at mga despotikong pulitiko. Anumang pilit ng GPH na sabihing laos
na o "insignipikante" na ang pwersa ng NPA at rebolusyonaryong
kilusang, taliwas ang nagaganap. Dahil dito, tiyak na hindi matutupad ng AFP
ang plano ng Oplan Bayanihan na gawing "insignipikante" ang NPA sa
taong 2013.
Sa pag-abandona ng GPH sa usapang
pangkapayapaan, pinapakita nito na ang pangunahing porma ng pagtugon ni Aquino
sa usapin ng armadong tunggalian sa bansa ay ang paggamit ng pwersang militar
at panunupil. Hibang na nakasandig ang papet pasistang rehimen sa AFP at Oplan
Bayanihan at sa suporta mula sa US. Tinitignan ng GPH na paborable sa
kanila ang ginagawang rebalancing ng US sa Asya dahil nagbubukas ito ng mas
papatinding panghihimasok ng US sa usaping panloob ng bansa, kabilang na ang
programang kontra-insurhensya. Sa ilang lugar sa Pilipinas, ginagamit ng US ang
disaster response at relief operations bilang tabing sa panghihimasok at tuwirang
pakikilahok sa programang kotnra-insurhensya ng rehimen.
###
No comments:
Post a Comment