Wednesday, June 12, 2013

COUNTER-EXUDOS? HARINAWA

COUNTER-EXUDOS? HARINAWA

By Belarmino Dabalos Saguing 
E.mail : bdsaguing@gmail.comTwitter : @bdsaguing:Mobile: +39 3356880613






Ang  pagbabalik ng isang OFW sa lupang sinilangan upang mamalagi doon habang buhay ay isang pangarap ng bawat isa sa mga migranteng napilitang lumayo sa mga mahal na pamilya. Bilang isang migrante na nawalay sa lupang tinubuan sa loob ng mahigit limampung taon, masasabi ko na sa ngayon ay malayo pa sa katotohanan. Una nating isaalangalang ay ang kalagayang sosyo ekonomiko ng Pilipinas na iniwan natin dahil narito sa isyung  ito mauugat ang tunay na ugat ng ating paglikas buhat sa ating bansa.


Siyasatin natin ang nakaraan. Kalahating siglo ang nakaraan, ang Pilipinas ay naghihirap na bagaman masasabi na higit na maigting ang kalagayan ngayon sa bansa dahil sa pagpapabaya ng pamahalaang kahit noon pa ay kubabaw ng ng neo-kolonismo ng mga Dayuhan pangunahin dito ang Amerika  sapagkat noon ay wala pa ang globalisasyon na isinungalngal ng mga malalaking korporasyong multi-nasyunal sa atin. Kung noon ay nagsisimula na ang tinatawag na diaspora ng mga manggagawang  Pilipino, ngayon pa ba magbabalikan ang mga Pilipinong tumakas sa matinding kahirapan ng bansa? Ang kalagayang sosyo-ekonomiko ngayon  sa  bansa ay higit na matindi kaysa noon. Higit ang pagdarahop at kagutuman  dahil sa kakulangan o kawalan ng mga hanapbuhay, isang suliraning hindi maihanap ng kasagutan ng bansa dahil sa maling pamamalakad.


Kung ang mga migrante ay magiging mapanuri sa mga kapaligiran nila sa mga bansang kinakaroonan nila, maaring mailu,para nila ang kalagayan doon sa kalagayan ng bansang pinanggalingan. Maari nating itanong sa ating sarili kung ano ang kaibahan. Bakit mas maunlad sila kaysa sa ating bayan?  Ano ang mayroon doon na wala sa ating bayan na nagpaunlad sa kanilang kabuhayan? Bakit kahit ang mga bansa na dating mas huli pa sa Pilipinas sa kaunlaran ng pamumuhay  tulad ng Malaysia, Korea at Taiwan ay tumatanggap na rin ng mga migrante upang magtrabaho doon?


Agad nating makikita ang kaibahan kung magagagap natin ang mga sagot sa ating katanungan. Ang malaking pagkakaiba ay mayroon silang mas matatag ng ekonomya dahil sa pagtatatag ng mga bansang  kibnaroroonan natin ng mga saligang industriya na nagbibigay sa kanila ng mga trabahong may kakayahang magbigay ng sahod at makabuluhang pamamalakad sa agrikultura na maaring magbigay ng isang desenteng pamumuhay sa  isang pamilya.
Ito ang napahalagang  bagay na ipinagwalang bahala ng ating pamahalaan sapagkat ito ay kubabaw hangga ngayon ng isang naghaharing uri na pinangungunahan ng ganid sa salaping oligarkiya at ng kanilang konsorteng multinasyunal na korporasyon ng mga dayuhan. Kung magkakaroon tayo ng sarioling industriya, tayo ay magiging kakompetensiya sa pandqaigdigang pamilihan ng mga dayuhan sa mumurahing  hilaw na material at paggawa na makakabawas ng malaki sa tubo ng kanilang kapital. Kung magiging maunlad ang ating agrikultura, hindi na natin kailangang umangkat ng pagkain buhat sa mga banyaga, at ang mga local nating mga komprador ay mawawalan ng bukal ng kanilang yaman. Ito ang dahilan ng pagsasalat ng mga Pilipino na lalong tumitindi habang nagdadaan ng mga taon.


At ngayon, Ipinangangalandakan ng rehimeng Pnoy kung gaano ang isinulong ng ekonmya  ng bansa sa ilalim ng ‘mahusay’ na pamamalakad niya, na nagtulak sa DOLE na ipagyabang na magsisibalik na sa bansa ang mga manggagawang migrante. Ang mga pahayag na ito ay pawing panlilinlang. Maaring may isinulong ang bansa sa pananalapi, pero hindi ito nakakaabot sa mga mamamayan. Naging kapuna-puna na lalong lumalala ang kawalan ng hanapbuhay sa bansa. Katunbayan na tanging ang mga mayayaman lamang ang nakikinabang sa pagsulong na sinasabi nila sa pamahalaan. Ginagamit ng pangulo ang pagsulong na ito hindi upang mapahusay ang kalagayang sosyo.ekonomiko ng mamamayan kundi upanbg matiyak na makakalikom siya ng higit na boto upang makapanatili siya sa kapangyarihan na magtitiyak ng pamamayagpag ng kanyang angkan sa paniniil sa mahihirap na magsasaka ant manggagawa.


Bilang isang migrante, lubos ang pananalig ko sa pananaw ng Migrante International: Isang liponan kung saan hindi na kailangang magkahiwa-hiwalay ang mga pamilya upang mabuhay lamang. Ito ang pangarap kp, pangarap ng bawat OFW at matibay ang paniniwala ko na sapamamagitan ng pagkakaisa ng mga mamamayan upang magkaroon ng pagbabago sa bansa upang mapalitan ang isang bulok na sistemang nakakubabaw sa bansa, sa paghahari ng tunay na kalayaan at pamamayani ng ganap na demokrasya sa ating bansa. Kung matutupad ito, tunay na makakabalik na tayo sa ating minamahal na Pilipinas upang di na muling lumisan pa.


Habang hindi nagaganap ang pangarap na ito, patuloy nating ipadama sa ating pamilya at bayan ang init ng ating pagmamahal sa abot n gating makakaya.



MABUHAY ANG PILIPINAS !!!


###

No comments:

Post a Comment