Saturday, June 8, 2013

Ang Katangian ng Isyu ng Migranteng Manggawang Pilipino

ANG ATING PANGKALAHATAN AT MGA PARTIKULAR NA TUNGKULIN 

by Belarmino Dabalos Saguing (Notes) on Thursday, July 26, 2012 at 3:11am
 Halaw sa Praymer Oryentasyon ng Migrante ng Migrante International 2009



1.  Ang Katangian ng Isyu ng Migranteng Manggawang Pilipino 

Upang mailatag natin nang mabuti ang ating pangkalahatan at mga partikular na tungkulin, dapat muna nating unawain ang katangian ng isyu ng migranteng manggagawang Pilipino.


Ang isyu ng migranteng manggawang Pilipino ay ang kanilang karapatan at kagalingan.  Ito ay isang demokratikong isyu.  Ito’y higit pang nakasalalay sa kanilang pagiging dayuhang manggagawa sa ibang bansa kaysa sa pagiging manggagawa mismo sa bansang pinagtatrabahuhan.


Ang dinaranas na pagsasamantala at pang-aabuso ng migranteng manggagawang Pilipino sa ibayong-dagat ay maaaring ipaglaban sa dayuhang pamahalaan at among pinagtatrabahuhan, alinsunod sa “International Convention on the Rights of Migrant Workers and Their Families” ng International Labor Organization (ILO).  Subalit marami sa bansang ito ang hindi pa lumalagda sa binanggit na kombensyon.  At wala rin naman ganap na karapatan ang migrante bilang isang dayuhan sa kinapapaloobang lipunan.  Maaari nga silang patalsikin kaagad pag kumilos laban sa dayuhang pamahalaan o amo, tulad ng nangyari sa ilan nating kababayan sa Japan at HongKong nang sila’y magwelga.   


Kaya nga dapat nakikiisa ang migranteng manggagawang Pilipino sa mga migranteng manggagawa mula sa ibang nasyunalidad at sa mga progresibong kilusang manggagawa mismo ng bansang kinapapalooban.  Sila ang ating sinasandigan sa ganitong paglaban.  Sa pagkakaisa ng mga migranteng manggagawa mula sa iba’t ibang nasyunalidad at ng lokal na progresibong kilusang manggawa ay maaaring maipaglaban ang karapatan at kagalingan ng migranteng manggagawa sa bansang pinagtatrabahuhan. 


Subalit kanino ba dapat pangunahing itinututok ang isyu ng paglaban para sa karapatan at kagalingan ng migranteng manggagawang Pilipino?  Di ba dapat sa nakatayong pamahalaan sa Pilipinas?  Sapagkat ito ang dapat pangunahing nagbibigay ng proteksyon at pangangalaga sa ating karapatan at kagalingan bilang mga dayuhang manggagawa sa ibang bansa.  Ito rin ang may pakana ng LEP na siyang naging kagyat na dahilan ng ating paglikas sa ibayong-dagat upang maghanapbuhay.  At ito rin ang kumakatawan sa interes ng mga naghaharing uri na siyang nagpapanatili sa kasalukuyang kaayusang panlipunan sa Pilipinas, na siyang namang obhetibong ugat ng problema ng sapilitang migrasyon Pilipino.     


Kung gayon, ang ating ginagawang paglaban para sa karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino ay hindi dapat limitado lamang sa mga karapatang nakasaad sa International Convention on the Rights of Migrant Workers and Their Families.  Bilang mga makabayang Pilipino, dapat nating sinasaklaw ang paglaban sa karapatan ng migranteng matrato bilang tao at hindi produktong pinagkakakitaan.  Higit sa lahat, dapat din nating ipaglaban ang kanilang karapatang magkaroon ng trabaho at sapat na sahod sa sariling bansa at mabuhay dito nang maayos at may dignidad, kapiling ang kanilang pamilya, sa loob ng isang lipunang malaya, demokratiko at makatarungan.  


Para sa atin, ang paglaban sa karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino ay nasa balangkas ng ganap na paglutas sa penomena ng sapilitang migrasyong Pilipino sa ibayong-dagat upang maghanapbuhay.  Hindi lamang ang mga pang-araw-araw na problema kaugnay ng kanilang karapatan at kagalingan ang ating binibigyan ng atensyon, pati rin ang kanilang karapatang hindi na muling mabiktima ng isang mapagsamantalang sistemang panlipunan na nagtutulak sa kanilang sapilitang mangibang-bansa upang maghanapbuhay.  Ayaw nating magpapaulit-ulit lamang ang kanilang mga problema.  Hangad nating mabigyan ito nang ganap na kalutasan sa paghimok sa kanilang sumuporta’t lumahok sa makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas.  Ito ang tuwirang ugnayan ng ating gawain sa hanay ng migranteng Pilipino na ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan sa ating tungkulin na itaguyod ang makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas.


Mahalagang maikawing kaagad ang paglaban para sa karapatan at kagalingan ng migrante sa pangkabuuangpaglaban ng sambayanang Pilipino para sa tunay na pagbabago ng ating lipunan.  Ang panlipunang kalagayan sa Pilipinas ang pangunahing nagtutulak sa migrante upang mangibang-bansa para maghanapbuhay.  Dito rin makikita ang ganap na solusyon sa problemang ito.  Hangga’t nananatili ang paghahari ng mga panginoong maylupa at komprador kapitalista sa ating lipunan, walang ganap na kalutasan ang mga problemang kinakaharap ng migranteng Pilipino.  Sa pagkakaroon lamang ng tunay na reporma sa lupa at mga saligang industriya sa ating bansa mabubuwag ang kapangyarihan ng mga naghaharing uring ito at ng pamahalaang kumakatawan sa kanilang interes.


Kaya nga sinasabing ang pinakakongkretong ekspresyon ng ating tungkuling ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino ay ang mahimok silang sumuporta’t lumahok sa makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas.  Ang pagkakaroon ng ganap na pagbabago sa ating lipunan ang magtitiyak na hindi na muli sila mapipilitang mangibang-bansa upang maghanapbuhay at hindi na rin sila muling mabibiktima ng mga mapagsamantala at mapaniil na programa tulad ng LEP na naglalayong gawin silang isang produkto lamang.  Mabibigyan na ng buhay ang kanilang karapatang mabuhay nang maayos at may dignidad sa sariling bansa.  


May paborableng batayan para mahimok ang mga kababayang Pilipino sa ibayong-dagat sa makabayangkilusang pagbabago sa Pilipinas.  Ito’y ang kanilang likas na damdaming makabayan.  Kahit nga yaong mamamayan na ng ibang bansa, kanila pa ring itinuturing ang Pilipinas bilang kanilang bayan, sapagkat ito ang lupang tinubuan at nandiyan pa ang kanilang pamilya’t kamag-anak.  Isa pa, kahit ano pang pag-asimila sa‘‘adopted country” ang kanilang gawin, hindi pa rin sila lubusang tinatanggap sa lipunang iyon.  Makita lang nilang may pag-asang umunlad ang Pilipinas tulad ng industriyalisadong bansang kanilang kinalalagyan, permanente silang babalik sa ating bansa upang tumulong sa pag-unlad nito at doon manirahan.  Karamihan nga sa kanila ay sa Pilipinas nagnanais mag-retiro.


Mas madaling maantig ang makabayang damdamin ng manggagawang migranteng Pilipinong nasa ibayong-dagat.  Alam nila ang kahirapan ng buhay sa ating bayan.  Nadama nila ang mabuway na kalagayan ng kanilang pamilya.  Nararanasan nila ang matinding pang-aapi, pagsasamantala at pang-aabuso ng ating pamahalaan at ng mga dayuhang pamahalaan at amo.  Di kaila sa kanila kung sino ang may pananagutan sa hirap na dinaranas nila dulot ng pangingibang-bansa upang maghanapbuhay.  Kung maayos lamang ang kabuhayan sa Pilipinas at may sapat na trabaho para sa lahat ay di naman sila mangingibang-bansa.  Di nila iiwan ang mga mahal sa buhay upang makipagsapalaran lamang sa isang dayuhang lipunan. 


Buhay na buhay sa kanila ang makabayang damdamin.  Makikita ito sa kanilang mga ispontanyo subalit organisadong pagkilos sa panahon ng kalamidad na sumasalanta sa ating bansa at sa kanilang ginagawang pag-oorganisa ng kanilang hanay upang magtulungan sa isa’t isa o magbigay ng tulong sa kanilang baryo o bayan.  Kadalasan nga’y pinipili nilang ipadala ang kanilang tulong sa mga institusyon o samahan kaysa sa pamahalaan.


Marami nga sa kanila ay nakasaksi o lumahok sa mga pagkilos noong panahon ng paglaban sa diktadurang Marcos.  Kaya alam nila sa karanasan na maaaring magkaroon ng tunay na pagbabago sa ating lipunan sa sama-samang pagkilos ng mamamayan.  Kailangan lang nilang malinawan sa tamang landas patungo rito. Mayroon nga sa kanilang hanay na dating kaanib sa mga progresibong unyon, samahan ng estudyante at guro at iba pang pangmasang organisasyon at mulat na tuwirang lumahok sa pag-aalsa noong Pebrero 1986.


Ang makabayang damdamin ng kababayang Pilipino sa ibayong-dagat ang magbubukas ng kanilang puso para sumuporta’t lumahok sa makabayang kilusang pagbabago sa ating bayan.







No comments:

Post a Comment