Monday, June 3, 2013

Pinoy Weekly Nag-iisang Superstar

Posted: 02 Jun 2013 02:43 PM PDT


Sampu-sampera na lang ang titulo sa showbiz—Da King, Star for All Seasons, Megastar, Comedy King, Diamond Star, Queen of All Media, Popstar Princess, Asia’s Songbird, at iba pa. Kung noon ibinibigay ang mga titulong ito bilang parangal sa mga artistang may mga natatanging talento, mas marketing strategy na lamang ang pangunahing gamit nito sa ngayon. Ngunit sa dinami-dami ng mga titulong ikinabit sa mga artista, may namumukud-tanging tumatak nang lubusan sa mga Pilipinong manonood—Superstar.
Sa loob ng ilang dekada, sa kabila ng kayraming kinasangkutang eskandalo’t kontrobersya, walang ibang pangalang kadikit ang katagang Superstar kundi Nora Aunor. Kamakailan lamang ipinagdiwang ni Nora, na mas kilala sa tawag na Ate Guy, ang kaniyang ika-60 kaarawan. Ibig sabihin nito ay senior citizen na si Ate Guy! Ngunit hindi ito senyales ng pagkupas ng kinang ng Superstar. Sa halip, kabubukas pa lamang ng panibagong kabanata sa karera ni Ate Guy sa kaniyang pagbabalik sa Pilipinas at pagiging aktibo muli sa showbiz.

Kung tutuusin higit sa kalahati ng buhay ni Ate Guy ang iginugol niya sa showbiz kahit pa may walong taong nanirahan siya sa Amerika nitong nakaraang dekada. Gayunpaman, sa kaniyang pagbabalik muling nasabik ang mga tumatangkilik ng pelikulang Pilipino at ang kaniyang pinakamasusugid na tagahanga.
Malaking rason kung bakit kinilala si Ate Guy bilang Superstar ay ang kaniyang masusugid niyang mga tagahanga. Wala na sigurong dadaig sa panatisismo at katapatan ng mga diehard fans ni Ate Guy. Ngunit hindi hulog ng langit ang paghanga sa kaniya ng kaniyang mga loyalista. Inaani ni Ate Guy ang pagmamahal, respeto at katapatan ng kaniyang mga fans sa pamamagitan ng kaniyang angking galing sa pag-awit, dekalibreng pagganap sa pelikula at telebisyon, at natatanging karisma.

Natatangi ang karisma ng morenang si Ate Guy sa industriyang nahuhumaling sa mga mapuputi, matatangkad at mestisahin. Maaaring nakakasimpatiya sa kaniya ang mga masang manonood dahil sa nagmula rin siya sa hirap—isang tindera ng tubig sa istasyon ng tren sa Bikol, nanalo sa Tawag ng Tanghalan, at ‘di naglaon ay tinitingala nang bituin sa pinilakang tabing.

Hindi tulad ng panahon ngayon na may dikotomiya ng pelikulang blockbuster at ng art house/ critically-acclaimedna pelikula, dinudumog noon ang mga pelikula ni Ate Guy at humahakot rin ng mga parangal at papuri..


Nora Aunor, sa Venice International Film Festival, para sa pelikulang 'Thy Womb' (Wikimedia Commons)Nora Aunor, sa Venice International Film Festival, para sa pelikulang ‘Thy Womb’ (Wikimedia Commons)


Kung tutuusin, sinasalamin ng naging takbo ng karera ni Ate Guy ang trajectory ng industriya ng pelikula ng bansa. Umusbong ang karera ni Ate Guy sa panahong nagsisimula ang sinasabing Second Golden Age ng pelikulang Pilipino noong dekada 70 hanggang unang hati ng dekada 80. Sa panahong ito ginawa ni Ate Guy ang mga itinuturing nang klasikong pelikula tulad ng Himala, Bona, Bulaklak sa City Jail, Minsa’y Isang Gamu-gamo, Tatlong Taong Walang Diyos at marami pang iba.

Unting-unting lumamlam ang bituin ng Superstar noong dekada 90, kasabay ng pagpasok sa krisis ng industriya ng pelikula sa bansa. Sa pagpasok ng bagong milenyo, tumamlay pa lalo ang pelikulang Pinoy. Pansamantalang nag-hiatus si Ate Guy sa Amerika bunsod ng mga kinaharap na kaliwa’t kanang kontrobersya at ng kakulangan na rin ng proyekto sa bansa.

Mas optimistiko ang pasok ng dekadang ito sa pagbabalik ni Ate Guy at ang inaasahang pagpapanibagong sigla ng pelikulang Pilipino. Kahit papaano’y tinitingnang positibo ang pagtabo sa takilya ng ilang mainstream na pelikula at pag-aani ng parangal ng mga independent films sa mga international film festival. Subalit kung pagbabatayan ng kinita ng critically-acclaimed na Thy Womb, ang comeback film ni Ate Guy na idinirehe ni Brillante Mendoza, malayo pa ito sa inabot ng pelikulang Pilipino noong dekada 70 at 80.

Hindi na lamang ang katagang  ”Superstar” ang kakabit ng pangalan ni Ate Guy, kundi maging ang kontemporaryong kasaysayan ng pelikulang Pilipino.

##

1 comment:

  1. Hindi kumukupas ang pagiging supterstar ni Tita Guy, bilang Singer, at bilang actress

    ReplyDelete