Saturday, June 22, 2013

Pinoy Weekly Panghihimasok ng pulis sa welga ng manggagawa sa Pentagon, binatikos ng KMU

Pinoy Weekly


Posted: 22 Jun 2013 01:16 AM PDT

Pilit na binubuwag ng mga kapulisan ang piket ng mga manggagawa para mailabas ang mga produktong bakal ng Pentagon Steel Corporation. (Kontribusyon)
Pilit na binubuwag ng mga pulis ang piket ng mga manggagawa para mailabas ang mga produktong bakal ng Pentagon Steel Corp. (Kontribusyon)


Binatikos ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang Philippine National Police (PNP) sa panghihimasok at pakikipagsabwatan nito sa manedsment ng Pentagon Steel Corp. na dumulo sa komprontasyon ng mga manggagawa at pulisya.
Habang sinusulat ito, aabot sa 100 pulis mula sa Quezon City Police Department at Special Reaction Unit ang nagkakampo sa loob ng pabrika.


“Nakikipagsabwatan ang manedsment sa mga pulis. Araw-araw ang brutal na pag-atake sa mga manggagawa at ilegal pa silang inaaresto,” ani Elmer Labog, tagapangulo ng KMU. Sabi pa ni Labog, armado pa ng malalakas na kalibre ng baril ang mga pulis.


Ilang ulit na nagkaroon ng karahasan sa piketlayn ng mga manggagawa. Pinakahuli noong nakaraang Miyerkules at Huwebes nang pilitin ng kompanya na ilabas ang mga produktong bakal mula sa pabrika.
Apat na manggagawa ang inaresto sa magkasunod na komprontasyon, bagamat napalaya naman agad.
Noong Sabado ng umaga, Hunyo 22, nagkaroon muli ng tensiyon sa pagitan ng  mga manggagawa at mga pulis matapos muling tangkain ng huli na buwagin ang piketlayn.


Sinabi ni Ricky  Rivera, tagapangulo ng Pentagon Workers Union, nagsilbing escort ang mahigit 100 pulis sa mga eskirol na manggagawa at sa pumapasok na mga materyales sa pabrika.


“‘Yung mga eskirol, nasa loob na. Hindi na sila lumalabas doon at iyung ibang regular na manggagawa na hindi tinanggal ang ini-escort-an ng mga pulis papasok at palabas ng pagawaan,” ani Rivera.


Napilitang maglunsad ng protesta ang mahigit 100 manggagawa matapos silang tanggalin ng manedsment noong buwan ng Abril.


Sinabi naman  ni Labog na bunsod ang karahasan ng ipinalabas na 60 days injunction order ng National Labor Relations Commission o NLRC.


Inaakusahan ng KMU na may sabwatan ang PNP at manedsment ng Pentagon para buwagin ang piketlaynng mga manggagawa. Sa loob umano ng pabrika nagkakampo ang kapulisan. (kontribusyon)Inaakusahan ng KMU na may sabwatan ang PNP at manedsment ng Pentagon para buwagin ang piketlayn ng mga manggagawa. Sa loob umano ng pabrika nagkakampo ang mga pulis. (Kontribusyon)


“Ginagamit na dahilan ang injunction order ng manedsment at PNP para buwagin ang mapayapang kilos-protesta ng mga manggagawa. Malinaw na paglabag ito sa karapatan ng mga manggagawa na maglunsad ng mga pagkilos,” ani Labog.


Naghihinakit ang mga manggagawa sa pagpalabas ng injunction order ng NLRC, sabi ni Rivera. Pumabor sa kompanya ang inilabas na kautusan ng NLRC. “Napakabilis ngang lumabas ng injunction,” aniya.


Panawagan ng unyon na agad na paalisin ang mga pulis sa loob ng pabrika at panagutin sila sa paglabag sa karapatan ng mga manggagawa.


Nakasaad sa patakaran ng estado na dapat nasa 50-meter radius lamang ang mga pulis sa mga lugar kung saan may welga ang mga manggagawa at hindi sila puwedeng magdala ng anumang armas.


Sinabi ni Labog na maging ang station commander ng Station 1 na isang Major De Vera ang nasa loob ng pabrika.
“Sa halip na binabantayan nila ang kanilang presinto at nangangalaga sa kaligtasan ng publiko, inuubos nila ang araw nila sa loob ng pabrika, kasama pa si Major De Vera. Libre pa ang pagkain mula sa manedsment ng Pentagon,” aniya.
Sabi naman ni Rivera, “Maninindigan kami dito sa piketlayn. Karapatan namin ang ipinaglalaban namin.” Nanawagan din ang lider-manggagawa sa anumang suporta para sa kanilang laban.


##

No comments:

Post a Comment