Pinoy Weekly |
Stockholders meeting ng Philex Mining, sinugod
Posted: 26 Jun 2013 06:23 AM PDT
Die-in sa harap ng Crowne Plaza Hotel, Ortigas kung saan naganap ang stockholders meeting ng Philex Mining Corp. (Ilang-Ilang Quiano)
Sinugod ng mga grupong makakalikasan at katutubo ang stockholders’ meeting ng Philex Mining Corporation, ang pinakamalaking kompanya ng mina sa bansa na pagmamay-ari ng negosyanteng si Manny Pangilinan.Pinuna nila ang patuloy na pagmimina ng Philex sa Padcal, Benguet, sa kabila ng pagpatay sa Balog River at pagkontamina sa San Roque Multi-Purpose Dam, gayundin ang kabiguan ng kompanyang magbayad ng danyos dahil sa nasabing mine spill. “Malaki ang panganib ng Philex sa mga komunidad sa Benguet at Pangasinan, lalo na ngayong tag-ulan,” sabi ni Clemente Bautista, national coordinator ng Kalikasan People’s Network for the Environment, isa sa mga grupong nagprotesta sa harap ng Crowne Plaza Hotel sa Ortigas. Siningil ng mga grupo ang gobyernong Aquino sa pagpayag nito sa Philex na ipagpatuloy ang operasyon sa Padcal noong Marso 8, anim na buwan lamang matapos isuspinde dahil sa pagtagas ng 20 milyong mteriko tonelada ng nakakalasong mina simula Agosto 2012. Nitong buwan lamang ng Marso, nakapagbenta ang Philex ng P1 Bilyong halaga ng mga mina. “Idinadahilan ng Philex na tapos na nila ang rehabilitasyon ng nakontaminang dam, kaya pwede na muling magpatuloy ang kanilang operasyon. Gusto lang nilang kumita ng limpak-limpak na salapi habang inilalagay sa panganib ang mga mamamayan,” sabi pa ni Bautista.
Dapat umanong pagbayaran ng negosyanteng si Manny Pangilinan ang pagkasira sa kalikasan na dulot ng Philex sa operasyon sa Padcal. (Ilang-Ilang Quijano)
Nanawagan ang mga grupo sa stockholders ng Philex na tanggalin ang kanilang stocks sa nasabing kompanya. “Mayroong mga negosyong mas mabuti at makakalikasan na maaari ninyong lagakan ng inyong pera. Obligasyon natin sa susunod na henerasyon na bigyan sila ng malinis at nakabubuhay na kapaligiran,” aniya.Isiniwalat naman ni Feny Cosico ng grupong Agham ang kanilang pag-aaral na nagpapakitang maaari pa ring masira anumang oras ang mine tailings dam na bumigay noon at naging dahilan ng mine spill. “Dapat magkaroon muna ang gobyerno ng komprehensibong pag-aaral dito bago payagan ang muling operasyon ng Philex sa Padcal,” sabi ni Cosico. Apela naman ni Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamyan ng Pilipinas (KAMP), ”Pananagutan niyo rin po (stockholders) ang anumang krimen na ginagawa ng Philex sa mga mamamayan at sa ating kapaligiran.” Dagdag pa niya, sa oras na maubos ng Philex ang yaman ng Padcal, iiwan na nito ang lugar at mawawala rin ang mga trabahong ipinangangalandakan nito. “Alam ng mamamayan kung saan dapat patungo ang development o kaunlaran. Ito ay magaganap lamang kung ang panawagan para sa lupa at kabuhayan ay didinggin at susuportahan ng ating pamahalaan. At kung ang industriya ng pagmimina ay totoong naglilingkod sa ating interes, tungo sa pagtataguyod ng isang industriya ng mamamayang Pilipino na tutugon sa batayang pangangailangan ng lipunan,” ani Malayao. ### |
No comments:
Post a Comment