Monday, June 10, 2013

Pinoy Weekly Sa K-12, OFWs lalong dadami

Pinoy Weekly  Posted: 10 Jun 2013 08:05 AM PDT


   
Garry Martinez ng Migrante International (PW File Photo)


Binatikos ng Migrante International ang administrasyong Aquino sa magkakasalungat nitong mga pahayag hinggil sa paglikha raw ng trabaho sa Pilipinas at pag-eksport ng lakas-paggawa sa ibang bansa.
Sinabi ni Garry Martinez, tagapangulo ng Migrante, na pinabubulaanan ng pagpapatupad ni Aquino ng programang K-12 sa edukasyon ang sariling pahayag nito na dumarami ang trabaho sa bansa.
“Paano magkakaroon ng mas maraming oportunidad ang mga OFW (overseas Filipino workers) kung mas lalong inareglo nito ang sistema ng edukasyon para sa mas agresibong pag-eksport ng lakas paggawa?” sabi ni Martinez.


K-12 ang pagdagdag ng dalawang taon ng pag-aaral sa batayang edukasyon. Inamin ng gobyerno na nakadisenyo ang K-12 para tugunan ang demand ng malalaking kompanya sa loob at labas ng bansa.
Sa kabila nito, sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Rosalinda Baldoz na “mas ginugusto” umano ng mga OFW na umuwi dahil sa “pagsigla ng ekonomiya” na nagresulta raw sa mas maraming trabaho at oportunidad sa Pilipinas.


Inilinaw ni Martinez na nakatuon ang K-12 sa pagluwal ng semi-skilled youth labor na may murang bayad para sa global na merkado.


“Pagpapatindi ng labor export ang tunay na motibo sa likod ng sistemang pang-edukasyon na K-12, na ngayo’y sistematikong tumatarget sa mga kabataan sa lakas-paggawa,” paliwanag pa ni Martinez.
Sinasabi ng Department of Education  (DepEd) na pinauunlad daw ng K-12 ang tsansa ng kabataan para sa empleyo at “masisiguro” na maaaring maempleyo ang mga 18-anyos na gradweyt “kahit walang degree sa kolehiyo.”


Plano ng DepEd na makamit ito sa pamamagitan ng “specialized Senior High program” na magpopokus sa kurikulum na magsasanay sa mga estudyante para “makakauha ng Certificates of Competency (COCs) at National Certifications (NCs)…alinsunod sa TESDA Training Regulations,” paliwanag ni Martinez.


“Ang sinasabi ng DepED na ‘propesyunalisasyon’ ng kabataang lakas-paggawa ay nakatuon para sa labor markets sa ibang bansa…(Pero) patuloy na di nito tinutugunan ang mismong ugat ng puwersahang migrasyon, tulad ng kawalan ng lokal na mga trabaho, mababang sahod, kawalan ng lupa at di-abot-kamay na mga serbisyong panlipunan,” ani Martinez.


Tinatalikuran din umano ng K-12 ang tungkulin ng kabataan sa pagtaguyod ng sariling bansa dahil nakatuon ito sa pangangailangan para sa murang lakas-paggawa ng global market.
Sinabi pa ni Martinez na umaabot na sa 10.7 porsiyento ng kabataang manggagawa, karamiha’y semi-skilled, ang manggagawang migranteng Pilipino  ngayon na nakakalat sa buong mundo.


“Sa pamamagitan ng K-12, pinoprograma ng gobyernong Aquino ang kabataan na di-maglingkod sa bayan at sa halip ay magserbisyo sa pangangailangan ng neoliberal na pandaigdigang merkado,” sabi pa ni Martinez.

###

No comments:

Post a Comment