UGAT NG MIGRASYONG PILIPINO SA IBAYONG-DAGAT Panlipunang Kalagayan ng Pilipinas
by Belarmino Dabalos Saguing (Notes) on Thursday, July 26, 2012 at 2:09am
(Sinipi buhat sa Oryentasyon ng Migrante na publikado ng Migrante International 2009
II. UGAT NG MIGRASYONG PILIPINO SA IBAYONG-DAGAT
- Panlipunang Kalagayan ng Pilipinas
Batay sa maiksing paglalahad ng kasaysayan ng migrasyong Pilipino, ating makikita na ang nangyayaring dagsaang sapilitang migrasyong Pilipino sa ibayong-dagat at ang mga kaakibat na mga suliraning ibinubunga nito ay pangunahing mauugat sa panloob na panlipunang kalagayan ng Pilipinas - ang kawalan ng trabaho at sapat na ikabubuhay dito - at sa patakaran mismo ng pamahalaan na gawing isang kalakal ang migrante.
Bakit hindi kaya ng ating lipunang maglikha ng trabaho para sa lahat ng mamamayan at itaas ang lebel ng ating kabuhayan? Ito ay dahil sa patuloy na paghahari sa Pilipinas ng iilang malalaking panginoong maylupa at komprador kapitalista na nagsisilbi sa interes ng malalaking dayuhang kapitalista. Nasa interes ng mga naghaharing uring ito na manatiling atrasado, agraryo at walang saligang industriya ang Pilipinas upang manatili ang kanilang paghahari. Tuwirang silang nakikinabang sa ganitong panlipunang kaayusan. Para sa kanila, hindi baleng nalulunod sa kahirapan ang karamihan ng mamamayan. Ang mahalaga’y patuloy silang kumikita at patuloy ring nanghuhuthot ng dambuhalang tubo ang mga dayuhang kapitalista mula sa dugo at yaman ng bayan.
Sa ganitong panlipunang kaayusan, kailanma’y di malulutas ang problema sa disempleyo ng ating bansa, bagkus patuloy itong lalaki. Di rin makukuhang umunlad ng kabuhayan, bagkus patuloy itong dadausdos. At lalong hindi mababalanse ang kita sa kalakal at kabayaran, bagkus patuloy itong lalala at, kasabay nito, patuloy na lalaki ang utang ng pamahalaan para bayaran ang depisit at mga pangangailangan nito tulad ng badyet at pambayad mismo sa utang. Hanggat walang tunay na reporma sa lupa at saligang industriya sa ating bayan at hanggat hindi nangingibabaw ang interes ng manggagawa at magsasaka sa buong lipunan, mananatili ang ganitong panlipunang kaayusan.
Ang pag-aari ng lupa sa ating bansa ay nasa kamay ng iilang panginoong maylupa at mga dayuhang kapitalistang kunwa’y nagpapalakad lamang ng mga malalawak na plantasyon. Bunga nito, sa kanayunan matatagpuan ang pagsulpot taun-taon ng libu-libong magsasakang walang lupang pag-aari o sasakahin. Ditopangunahing nagmumula ang disempleyo sa ating bansa. Limitado ang maaaring magtrabaho sa mga hasyenda at plantasyon ng mga panginoong maylupa. Wala na silang tutubuin sa pagsasamantala sa mga magsasaka kung bibigyan pa nila ng trabaho o tirahan ang kabuuang lakas-paggawa sa kanayunan.
Dahil sa walang lupang sasakahin, napipilitang magsilikas sa kanilang mga lugar ang mga bagong sulpot na magsasaka, kabilang na ang nagbinatang anak ng kasalukuyang nangungupahan. Ang ilan ay napipilitang mag-kaingin upang magkaroon ng lupa. Ang iba’y pansamantalang nangingisda at nagtutungo sa mga lugar na may trabaho sa panahon ng taniman at anihan tulad ng mga sakada sa Negros at Sentral Luson. At ang karamihan ay nagtutungo sa kalunsuran para doon manirahan at maghanap ng trabaho sa mga pabrika at pang-serbisyong industriya tulad ng konstruksyon at paglilinis sa mga opisina. Subalit wala namang sapat na trabahong matatagpuan sa kalunsuran bunga ng kawalan ng mga saligang industriya na magpapalitaw sa mga segundaryo, pangatlo at pababang lebel ng industriya (down-the-line-industries) at mga kaakibat na serbisyong iluluwal nito.
Ang kawalan ng saligang industriya sa bansa ay bunga ng sabwatan ng mga dayuhang kapitalista, malalaking panginoong maylupa at komprador kapitalista. Ayaw nilang mabago ang panlipunang kaayusang lubusang nilang pinakikinabangan.
Malaki ang tinutubo ng mga dayuhang kapitalista sa ating bayan. Sa bawat dolyar na kanilang pinapasok sa Pilipinas ay tumutubo sila ng higit pa sa sampung dolyares. Bakit nila ngayong hahayaang may magtayo ng mga saligang industriya sa Pilipinas na makakakumpitensya lang nila sa kalaunan sa pagbebenta ng yaring produktong pang-industriya (makina, planta, langis, atbp.) at sa pagbili ng mga murang hilaw na sangkap sa agrikultura (prutas, gulay, kape, kakaw, sa paggawa ng kimiko o produktong tulad ng goma o sabon) at industriya (tanso, ginto, atbp.)? At, siyempre pa, sa pagsasamantala sa murang lakas-paggawa rito? Kaya nga nila inaalagaan at pinanatili ang paghahari ng mga panginoong maylupa at komprador kapitalista sa bansa ay upang matiyak na walang kapital na papasok sa pagtatayo ng mga saligang industriya.
Sa ginagawa nilang pagsasamantala sa mga magsasaka at manggagawa, lubos na kumikita ang panginoong maylupa at komprador kapitalista sa pagsisilbi sa interes ng malalaking dayuhang kapitalista na pinamumunuan ng mga Amerikano at Hapones. Ang panginoong maylupa ang siyang nagbebenta ng mga hilaw na sangkap pang-agrikultura at nagpapa-upa ng lupa sa mga dayuhang “agribusiness”. Ang mga komprador kapitalista naman ang siyang nagbebenta, nagpoproseso at nag-aasembleya ng mga produktong dayuhan. At imbes na ilaan ang kanilang kita sa pagtatayo ng mga saligang industriya sa bansa, itinatago nila ito sa mga “savings account” sa Switzerland at ibang bansang may mahigpit na “banking secrecy laws”, tulad ng ginawa ni Marcos at ng kanyang mga kamag-anak, nilulustay sa napakaluhong estilo ng pamumuhay (sugal, sabong, mga mansyon sa iba’t ibang lugar, atbp.), at ginagamit upang mapanatili ang kanilang paghahari sa ating lipunan. Kaya hanggang mga processing, packaging, export-oriented, pang-turista, at pang-serbisyo lamang ang mga industriya natin - mga industriyang lubos na nakikinabang sa murang lakas- paggawa ng Pilipino.
Bunga ng ganitong sistemang panlipunan, ang ekonomiya ng bansa ay nanatiling pangunahing taga-tustos ng mga hilaw na materyales sa agrikultura’t industriya at taga-proseso ng mga pang-kunsumong produkto (damit, laruan, kompyuter, atbp.) para sa pangangailangan ng mga industriyalisadong kapitalistang bansa, at taga-angkat mula sa mga bansang ito ng mga mamahaling yaring produktong pang-industriya at pang-kunsomo (kotse, refrigerator, television, atbp.).
Dahil sa mas mahal ang binibili kaysa sa ibinebenta, kailanma’y hindi makukuhang mabalanse ng ekonomiya ang kanyang kalakal at pinansiya. Bunga nito’y, patuloy na lalaki ang utang na panloob at panlabas ng bansa, patuloy na hahambalos ang implasyon, bababa ang halaga ng piso, tataas ang presyo ng mga bilihin, kukulangin ang kita ng pamahalaan sa kanyang badyet at pangangailangan, tataas ang buwis, at lalaki ang kurakot sa kabang-yaman ng mga pulitikong tumitindig sa interes ng naghaharing uri.
Ang pananatili ng ganitong sistemang panlipunan’t pang-ekonomiya ay nagtitiyak sa patuloy na pagbulusok ng kabuhayan ng mamamayan. Ito rin ang dahilan sa paglaganap ng krimen sa pamumuno ng mga pulitiko’t opisyal ng militar at pulis, sa pagbagsak ng kalidad ng serbisyong tinatanggap ng mamamayan, pagbaba ng lebel ng kanilang kalusugan at kaalaman (literacy), paglawak ng agwat sa pagitan ng maliit na bilang ng mayayaman at malaking bilang ng mahihirap, pagdami ng tinaguriang “squatters colony” at “street children,” at paglala ng iba pang sosyal na problema. Ito ang kabuuang trahedya ng ganitong lipunan at kung bakit pumapalo dito sa tuwi-tuwina ang matinding krisis.
Namumulat na ang karamihan sa mamamayan sa tunay na dahilan ng kanilang matinding kahirapan. Dahan-dahan na silang tumatayo’t lumalaban. Ang makabayang kilusang pagbabago sa ating bansa ay patuloy na lumalawak. Dahil dito’y natitigatig ang mga naghaharing uri. Patuloy sila sa paghahanap at pagpapatupad ng sarisaring pakana upang mapanatili ang kanilang paghahari.
Mula sa ganitong sistemang panlipunan obhetibong mauugat ang sapilitang migrasyong Pilipino sa ibayong-dagat upang maghanapbuhay. Dahil sa wala nang mahanap na trabaho sa ating bansa, natural na mula sa panloob na migrasyon ay sapilitang tutungo palabas ng bansa ang Pilipino upang maghanapbuhay.
Sa ilalim ng rehimeng Ramos ay higit pang pinatitindi ang patuloy na paghahari sa ating lipunan ng malalaking dayuhang kapitalista at mga kasabwat nitong malalaking panginoong maylupa at komprador kapitalista. Walang pasubaling ipinatutupad ng rehimen ang programang liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon para akitin ang dayuhang kapitalista na pumasok nang puspusan sa bansa. Maging ang mga saligang serbisyo tulad ng pabahay, tubig, enerhiya’t elektrisidad at komunikasyon ay maaari nang ariin ng dayuhan. Kaalinsabay nito ay ang pagpapatupad sa kontraktuwalisasyon at sub-contracting upang wasakin ang kilusang manggagawa at mapanatiling mura ang lakas-paggawa.
Tiniyak din ng rehimen na hindi magkakaroon ng tunay na reporma sa lupa sa pagpapatupad ng tinatawag na “market-oriented land reform” - ang pagbibigay ng lubos na pabuya sa mga malaking panginoong maylupa at dayuhang “agribusiness” sa patuloy na pagtatanim ng mga produktong pang-export (cut flowers, asparagus, saging, palm oil, sugpo, atbp.) habang winawasak naman ang maliliit na prodyuser sa pamamagitan ng pag-alis ng taripa sa mga produktong pang-agrikultura (mais, sibuyas, bawang, atbp.) mula sa ibang bansa. Papaano lalabanan ng mga maliliit na magsasaka ang mga dambuhalang kompanyang dayuhan? Kaalinsabay nito ay puspusang ipinatutupad ng rehimen ang programa sa Land Conversion Scheme at ang Mining Act ng 1995 na nagpapatalsik sa mga magsasaka at katutubo sa kanilang mga lupa para magtayo ng mga housing project, resort at golf course at mamina ang natitira nating likas na yaman at kagubatan. Nawawasak tuloy nang husto ang ating kapaligiran.
Tiniyak din ng rehimeng walang maitatayong mga saligang industriya sa bansa sa pamamagitan ng pagpapatibay ng mga batas tulad ng Foreign Investment Act of 1996 na nagbigay sa dayuhang kapitalita ng iba’t ibang paraan upang mag-ari ng anumang negosyong nais pasukan, tulad ng bangko at minahan, at ng laya na magpalabas ng siyento-porsiyentong tubo. Kaalinsabay nito’y pinarami ng rehimen ang pagtatayo ng mga “export processing zone” para sa mga export-oriented subalit import-dependent na industriya, at hinahayaan ang malawakang pagpasok ng “consumer goods” sa tinatawag na duty-free shops at naglalakihang megamall. Kahit sa konstruksyon ay mga dayuhang kapitalista ang gumagawa sa pamamagitan ng pakanang “build, operate and transfer” (BOT), tulad ng itinatayong “Metro” at “fly-over” sa EDSA at mga “power plant.” Papaano ngayon uunlad o mabuhuhay ang mga makabayang negosyante at mga katutubong industriya sa harap ng ganitong kumpetisyon?
At upang maibsan ang nangyayaring malawakang disempleyo sa bansa ay nandiyan naman ang pakanangLabor Export Program.
Walang maaasahan ang sambayanang Pilipino sa rehimeng Ramos kundi ang pagpapatuloy ng kasalukuyang sistemang panlipunan. Nais ni Ramos na manatili ang kita ng katulad niyang malaking panginoong maylupa at komprador kapitalista. Nais din niyang manatili ang kita ng kanyang mga kaibigang dayuhang kapitalista. Hangga’t naghahari ang mga ito sa ating lipunan, magpapatuloy ang pagsasamantala sa sambayanang Pilipino, ang pagbulusok ng kanilang kabuhayan, at ang disempleyo sa ating bansa.
Mayroon ding panlabas na salik ang pangingibang-bansa ng Pilipino para maghanapbuhay. Ito’y bunga ng di-pagkakapantay na pagunlad ng iba’t ibang lipunan sa daigdig. May mga bansang ganap nang kapitalista’t industriyalisado, mayroon namang bansang dependenteng kapitalista pa lamang, at mayroon ding atrasado at walang saligang industriya, tulad ng Pilipinas. Bunga nito, hindi rin pantay ang lebel ng kabuhayan at sweldo ng tao sa iba’t ibang bansa. Tuloy nagiging suhetibong magneto para sa mga mamamayan sa atrasadong bansa ang komportableng kalagayan ng mga mamamayan sa mga kapitalistang bansa.
At talaga rin namang inaakit sila ng malalaking dayuhang kapitalista. Sa pagtindi ng krisis sa sobrang produksyon, ang malalaking dayuhang kapitalista ay nagpapakana ng sarisaring iskema upang makapagbawas sa gastos sa paggawa (labor costs). Naririyan ang mga pakanang kontraktuwalisasyon, sub-contracting, downsizing at pleksibilisasyon upang wasakin ang kilusang manggagawa sa kanilang bansa. Naririyang itapon ang mga “labor intensive” at “environmentally destructive” na bahagi ng proseso ng produksyon sa mga atrasadong bansa dahil sa murang lakas-paggawa roon. At naririyan din ang pag-angkat sa murang lakas-paggawa mula sa mga atrasadong bansa na maaaring pumasok sa iba’t ibang uri ng gawain, mula sa tuwirang paglahok sa proseso ng produksyon hanggang sa serbisyo tulad ng konstruksyon, pandagat, katulong sa ospital, opisina, otel, bahay at restoran, at taga-pagbigay ng aliw sa lokal na mamamayan.
Itinakda rin nilang mas mababa ang sahod na tatanggapin ng mga migranteng manggagawa kaysa sa tinatanggap ng lokal na manggagawa para paglabanin sila sa isa’t isa at manatiling wasak ang hanay ng uring manggagawa. Liban dito, ang migranteng manggagawa’y pinagkakaitan ng karapatang sumanib sa unyon. Dahil dito’y ligtas ang malalaking dayuhang kapitalista sa tungkuling bayaran ang migranteng manggagawa ng “automatic pay increases”, medikal insyurans, pensyon at iba pang benepisyo, tulad ng bayad ng vacation and sick leave, na nakasaad sa mga collective bargaining agreement (CBA) ng mga unyon. Wala ring job security ang mga migranteng manggagawa kaya madali silang tanggalin sa trabaho sa anumang kadahilanan.
Masaklap mang sabihin, ang mga migranteng manggagawa, kabilang na ang Pilipino, ay nagagamit sa maruming balak ng malalaking dayuhang kapitalista. Ginagamit silang “scapegoat” sa pag-atake sa mga karapatan at kagalingan ng lokal na manggagawa at sa pagwasak sa kilusang manggagawa rito. Tayong nagtataguyod sa karapatan at kagalingan ng migranteng Pilipino ay dapat matutong panghawakan nang wasto ang ganitong problema. Hindi dapat nating hayaan ang malalaking dayuhang kapitalista na wasakin ang hanay ng kilusang manggagawa sa buong daigdig sa ganitong paraan.
Ang pagsasamantala sa murang lakas-paggawa ng mga mamamayan sa mga atrasadong bansa ay dinala rin ng malalaking dayuhang kapitalista sa ilang bansa sa Gitnang Silangan at sa Brunei. Ang mga bansa sa nabanggit na mga lugar ay biglang umani ng malakihang tubo sa pagtaas ng presyo ng kanilang pangunahing produktong panlabas - langis. Sa pagnanasang umunlad at higit pang pakinabangan ang kanilang likas na yaman, ang mga bansang ito’y naglunsad ng programang konstruksyon upang magtayo ng mga modernong imprastruktura (highway, ports, ospital, otel, gusaling pang-pamahalaan, atbp.), oil refinery, petrochemical plant, pabrikang gumagawa ng mga produktong galing sa langis, palasyo, atbp. Dito dinala at pinalikas ng malalaking dayuhang kapitalista at mga kakutsabang komprador kapitalista ang mga migranteng manggagawa mula sa atrasadong bansa, kabilang na ang Pilipino.
At may mga bansa naman na, dahil sa relatibong pagbilis ng kanilang pag-unlad nitong nakaraang dekada, ay nangailangan ng lakas-paggawa pangunahin pa para sa mga serbisyong pambahay. Dahil sa biglang nahatak ang mga kababaihan dito na lumahok sa aktwal na proseso ng produksyon at mga serbisyong pang-upisina (bangko, insurans, atbp.), nagkaroon ng pangangailangan sa mga katulong na mag-aalaga sa mga anak at magulang ng mag-asawang kapwa nagtratrabaho sa pabrika o upisina. Ganito sa pangkalahatan ang nangyari sa Timog Korea, Taiwan, Hong Kong at Singapore.
Subalit ang mga panlabas na salik na ito ay segundaryo lamang sa pangunahing panloob na ugat sa nangyayaring sapilitang malawakang migrasyong Pilipino. At ang salik na ito’y pansamantala at pabugsu-bugso lamang. Sa muli’t muling pagsulpot ng matinding krisis ng kapitalismo, ang mga migranteng manggagawa, kabilang na ang mga Pilipino, ay aakusahang mang-aagaw ng trabaho. Sa kalaunan, sila ay sasabihing pasanin ng lipunan. Liban sa Estados Unidos, Canada at sa ilang bansa sa Europa, ang karamihan sa migranteng Pilipino ay pipilitin o mapipilitang umuwi dahil sa wala naman silang karapatang maging mamamayan sa bansang kinapapalooban.
Tables
Annual Tally 1975-2006
Destinations 2005-2009
Categories 2006-2'009
Occupations 2005-2009
Remittances 2003-2010
2. Komodipikasyon ng Lakas-Paggawa o Labor Export Program
Sinasabi ng pamahalaan na tayo raw ang nagkusang mangibang-bansa dahil sa mas mataas ang sahod dito. Pa-insulto pang dinadagdag na ito raw ay dahil sa ating pagnanasang makapangibang-bansa at mabigyan ng marangyang kabuhayan ang ating mga pamilya sa Pilipinas. Dahil sa may bahid ng katotohanan ang ganitong pinagsasabi ng pamahalaan, nagagawa nilang pagtakpan ang tunay na ugat - at ang kanilang papel dito - sa nangyayaring sapilitang paglikas sa bansa ng milyun-milyong Pilipino upang maghanapbuhay.
Una sa lahat, dapat nating unawain na ang migrasyon o ang paglikas sa ibang bansa upang maghanapbuhay at manirahan ay isang karapatang pantao, lalo na sa sitwasyong mahirap ang kabuhayan sa sariling bansa, walang makitang trabaho o walang sapat na trabaho para sa lahat, at matindi ang nangyayaring pagsasamantala, pang-aalipin at panunupil sa mga mamamayan. Sa ganitong kalagayan, natural lamang na sa pagnanasang mabuhay ang sarili at kanyang pamilya, ang mamamayan ay mapipilitang mangibang-bansa upang magtrabaho o manirahan. Ang pangangailangang magtrabaho upang mabuhay ay isang batas ng kasaysayan. Kaya hindi dapat tayo mahiya o maging depensibo sa ating desisyong magtrabaho sa ibang bansa. Hindi naman ito isang malayang desisyon kundi dikta ng pangangailangan.
Dagdag pa, alam natin sa karanasan na hindi masarap ang mamuhay at magtrabaho sa ibang bansa. Bukod sa tayo’y hiwalay sa ating pamilya’t nag-iisa sa isang dayuhang lipunan, talagang mabigat at mahirap ang trabahong ating pinapasukan. Alam din nating samantalang sa pangkalahatan ay mataas ang ating kita kung ihahambing sa minimum na sahod sa Pilipinas, hindi pa rin ito sapat upang mahango natin sa kahirapan ang ating sarili at pamilya sa Pilipinas. Sapat lamang ito para mabuhay silang may dignidad sa sariling bansa. At ito’y habang nagtatrabaho lang tayo sa ibayong-dagat.
Sa totoo lang, kung may trabaho lamang para sa lahat sa ating lipunan at sapat ang kita dito upang mabuhay tayo at ang ating mga pamilya nang maaayos at may dignidad, hindi natin pipiliin ang mangibang-bansa upang maghanapbuhay. Mananatili tayo sa Pilipinas para dito magtrabaho at tumulong sa pagpapaunlad ng ating bayan sa piling ng ating mga mahal sa buhay. Ito’y isang katotohanang di maitatanggi ng sinuman.
At sino ba ang may pakanang itulak ang Pilipino upang magtrabaho sa ibang bansa? Di ba ang pamahalaan mismo sa pamamagitan ng LEP? Hindi na nga nito makayang lumikha ng sapat na trabaho sa ating bansa, dahil na rin sa kanyang pagsisilibi at pangangalaga sa interes ng malalaking dayuhang kapitalista, panginoong maylupa at komprador kapitalista. Ginawa pa nitong sistematiko ang programang pagluluwas ng lakas-paggawa, simula noong panahon ni Marcos hanggang kay Ramos, bilang isang pakana para kumita ng foreign exchange para pambayad ng utang, maibsan ang malaking problema ng disempleyo na nagdudulot ng kaguluhan sa mamamayan at isang obhetibong dahilan sa kanilang paglahok sa kilusang pagbabago, at mapanatili ang kasalukuyang panlipunang kaayusan.
Sa ginagawa nitong pagtutulak sa ating mangibang-bansa upang magtrabaho, walang budhing sinasamantala ng pamahalaan ang ating hangaring magtrabaho at kumita para mabuhay tayo at ang ating pamilya. Samantalang kung tutuusin, tungkulin nito na magbigay at lumikha ng trabaho para sa lahat ng mamamayan. Tungkulin din nitong tiyakin na may sapat na pagkain, pabahay, edukasyon, pangangalaga sa kalusugan, at mga saligang serbisyo ang lahat ng mamamayan (tubig, elekstrisidad, transportasyon, komunikasyon, kalinisan, proteksyon ng kapaligiran, atbp.). Subalit, dahil sa interes na pinaninindigan at pinaglilingkuran, hindi nito ginagawa o gagawin ang mga tungkuling ito. Sa halip, pinalilikas pa nga tayo sa ibang bansa upang doon maghanapbuhay at maalis sa ating isipan ang pangangailangan ng pagbabago sa Pilipinas.
Talagang malupit at maabilidad ang mga naghaharing uri sa paghanap ng mga paraan para mapanatili ang kanilang paghahari sa lipunan at maiwasan ang pagbabago. Liban sa tuwirang paggamit ng dahas, naririyan din ang paggamit nila ng mga mapanlilang na pamamaraan para himukin ang mamamayang suportahan ang sistema at umasa sa pamahalaan, tulad ng eleksyon, paggamit sa mga NGO upang balikatin ang gawaing hindi nila kayang gampanan, at pagpapalabas ng mga mapanlinlang na panukala tulad ng “Magna Carta” at iba pa. Ang problema sa malawakang disempleyo sa kanayunan ay kanilang sinubukang lutasin sa iba’t ibang paraan: sa pagbubukas ng mga bagong lupang pansakahan (resettlement areas); nang maubos ito’y, pinalaganap ang pagtatayo ng mga plantang pang-asembleya; nang hindi naman ito makasapat, nagtayo ng mga “export processing zone”; at, nang ito’y hindi umunlad, ang pagluluwas naman sa lakas-paggawa o LEP.
Ang esensya ng LEP ay gawin tayong isang produkto o commodity na ibinebenta sa labas ng bansa. Ito’y sa pamamaraan ng paggamit sa ating kita bilang isang item sa foreign exchange earnings ng pamahalaan. Para tuloy tayong isang panluwas na kalakal tulad ng laruan, pantalong Levis o sapatos na Nike na pinoproseso sa ating bansa at niluluwas sa mga kapitalistang bansa. Ito’y ginagawa ng pamahalaan sa kabila ng katotohanang tayo’y tao at ang kita natin ay nanggagaling sa ating hirap at pagod.
Ang konsepto na ang tao ay isang kalakal ay matagal nang napatunayang mali ng kasaysayan. Ito ay isang konseptong pyudal kung saan ang tao ay itinuring bilang isang “chattel” tulad ng baka o baboy. Subalit ito ang ginagawa sa atin ng rehimeng Ramos sa ilalim ng LEP. Nilalako tayo sa mga dayuhang bansang kapitalista na parang mga “beast of burden”. Wala na tayong pagkakaiba sa kalabaw o ordinaryong produkto.
Ang masaklap pa nga nito’y ang mismong pamahalaang naglalako sa atin ay di man lang tayo tinutulungan sa panahon ng ating kagipitan o kapag tayo’y nagkaka-problema sa bansang pinapasukan. At tuwing maghaharap tayo ng sumbong, tayo pa ang iniinsulto sa pagsasabing kusa naman tayong nangibang-bansa kaya dapat nating tiisin ang ginagawang pang-aabuso sa atin. Batid naman nito ang katayuan ng isang dayuhang manggagawa. Alam nitong wala tayong karapatang sumanib o mag-unyon, magkaroon ng benepisyo tulad ng pensyon, dapat pang magbayad ng insyurans para may sasagot sa panahon ng pagkakasakit o karamdaman, at madaling lokohin o abusuhin dahil nga sa hindi tayo mamamayan ng bansang pinapasukan at wala tayong alam sa kaugalian at batas dito. Subalit hindi man lamang tayo binibigyan ng proteksyo’t pangangalaga at binabalewala ang ating karapatan at kagalingan. Dahil sa pagnanasang manatili ang LEP, hindi man lamang ito pumapalag sa tahasang panloloko at pang-aabuso sa atin. Hindi man lamang ito naghahabol ng hustisya, tulad ng nangyari kay Flor, Sarah Balabagan at marami pang iba.
Subalit tayo’y tao at hindi lamang produkto o makina. May karapatan tayong mabigyan ng trabaho at nararapat na sahod sa sariling bansa. May karapatang mamuhay nang maayos at may dignidad sa isang lipunang malaya, demokratiko at makatarungan. At kung tayo ma’y lalabas sa ating bansa, may karapatan tayong umasa na tayo’y tutulungan at bibigyan ng proteksyon ng ating pamahalaan. Ito ang mga karapatang itinatanggi sa atin ng pamahalaan sa pagpapalikas sa atin. Dapat natin itong ipaglaban. Ito ang tuwirang mag-uugnay sa atin sa makabayang kilusang pagbabago sa ating bansa.
Ang LEP ay isang konkretong halimbawa ng mga pakana ng naghaharing uri upang mapanatili ang kanilang paghahari kahit na ito’y lubusang nagpapahirap, nagsasamantala at nang-aabuso sa mga mamamayan, partikular sa mga migranteng Pilipino. Sa pagbatikos sa programang ito, ating maipapakita ang tuwirang ugnayan ng panlipunang kalagayan sa ating bansa sa nangyayaring dagsaang sapilitang migrasyong Pilipino sa ibayong-dagat. Malinaw sa programang ito ang papel na ginagampanan ng mga naghaharing uri, kabilang na ang pamahalaang nagsisilbi sa kanilang interes, sa pagtulak sa milyun-milyong Pilipino upang maghanapbuhay sa ibayong dagat.
Hihintayin ko ang mga karugtong ng mahalagang article na ito. Maraming salamat sa posting.
ReplyDelete