Pinoy Weekly |
Posted: 29 Jun 2013 07:38 AM PDT
Martsa ng militanteng kabataan patungong Mendiola para kondenahin ang ikatlong taon ng administrasyong Aquino. (Pher Pasion)
Isang pambasang pagkilos ang isinalubong ng mga kabataan para markahan ang tatlong taong panunungkulan ni Noynoy Aquino bilang presidente.Sa pangunguna ng Kabataan Party-list, binigyan ng mga nagprotesta ng “bagsak” na marka ang tatlong taon ni Aquino sa bigong pagtugon ng administrasyon sa usapin ng edukasyon, serbisyong panlipunan, karapatang pantao, kahirapan at trabaho. Kasabay ng Kabataan sa Maynila na kumilos ang mga nasa probinsiya gaya ng Cavite, Pangasinan, Negros, Cebu, at Davao City. “Nananatili pa rin ang dating mga problema at mas lumala pa nga sa tatlong taon ni Aquino bilang presidente. Milyong mga pamilya pa rin ang lubog sa kahirapan. Milyong kabataan pa rin ang hindi nakakapag-enroll dahil sa problema sa pinansiya. Kaya sinasabi ng kabataan na hindi kayang mamuno ni Aquino sa nalalabi niyang taon bilang presidente,” ayon kay Kabataan Rep. Terry Ridon. Tass-singil Habang abala pa rin ang administrasyon sa popular nitong pagpostura bilang kalaban ng korupsiyon, umaabot naman sa pinakamataas na tala ang mga presyo ng pangunahing mga bilihin, sabi pa ng Kabataan. “Naging regular na pangyayari na lamang ang pagtaas ng (presyo ng) gasolina. Tumataas pa rin ang mga matrikula. At ngayon, ang singil batayang mga serbisyo gaya ng tubig, kuryente at transportasyon ay nakaambang tumaas,” ayon kay Ridon. Nitong Hunyo, pinayagan ng Commission on Higher Education (CHED) na magtaas ng matrikula ang 354 kolehiyo at unibersidad sa bansa sa kabila ng mga reklamong inihahapag ng mga grupo ng mag-aaral tulad ng mga hindi maipaliwanag na pagtaas ng pagsingil at bogus na mga konsultasyon sa mga mag-aaral. Samantala, naghain naman ng taas sa kanilang singil ang Maynilad Water Services Inc. (P 8.58 per cubic meter) at Manila Water Co. Inc. (P5.83 per cubic meter). Kung matutuloy ang naturang pagtaas, madadagdagan nang P234 hanggang P342 ang binabayaran ng mga kabahayang komukunsumo ng 30 cubic meters kada buwan sa average. Nag-anunsiyo naman ang Meralco ng pagtaas sa kanilang generation charge nang 22 sentimo kada kilowatt-hourngayong buwan matapos umanong “mawalan” dahil sa power outage noong Mayo 8 sa Luzon. Nakaamba ring tumaas ang pasahe sa MRT at LRT sa mga susunod na buwan. “Malinaw na sinuportahan ni Aquino ang lahat ng pagtaas na ito kahit na nangangahulugan pa itong dagdag pasanin para sa mga mamamayan. Naging malinaw sa kanyang mga pahayag ang suporta niya sa kagustuhan ng malalaking negosyo na hindi iniisip ang katotohanang ang mga ito ay magpapalala sa sitwasyon ng mga mamamayan. Nagpapakita lamang ito na walang pakiramdam si Aquino para sa mga mamamayang Pilipino,” ayon kay Ridon. Lumalala
Para sa Kabataan, bagsak si PNoy dahil sa unti-unting pag-abandona ng kanyang administrasyon sa pagbibigay ng serbisyong panlipunan, gayundin ang pagpapatindi ng pagsasapribado sa mga serbisyong ito. (Pher Pasion)
Ayon sa Kabataan, mas malala pa si Aquino kay dating Pangulong Gloria Arroyo sa pagtugon sa krisis ng kawalang trabaho sa bansa mula sa datos mismo ng gobyerno.Noong Abril 2010, inulat ng National Statistic Office (NSO) na nasa 3.1 milyon ang tinatayang walang trabaho sa bansa. Ipinakikita naman ng NSO sa April 2013 Labor Force Survey, tumaas sa mahigit 4.8 milyon ang walang hanapbuhay na Pilipino sa kabila ng sinasabing paglago ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa. “Sa kanyang (Aquino) termino bilang presidente, pawang manipulasyon sa datos at magpapasikat sa ‘paglago’ ng ekonomiya (ang ginagawa niya) para pagtakpan na ang kanyang rehimen ay mas masahol kesa sa kanyang sinundan (Arroyo). Pero ang mga datos na ngayon ang mismong nagsasabi,” ayon kay Ridon. Resulta umano ito ng deka-dekada nang pagsunod sa dating mga polisiya na inuuna ang dayuhang pamumuhunan. Umaasa din umano sa demand ng imperyalistang mga bansa para sa murang lakas-paggawa imbes na mamuhunan sa pambansang mga industriya na makakalikha ng trabaho sa bansa, dagdag ni Ridon. “Sa loob ng tatlong taon, hindi lang basta walang nagbago sa sitwasyon ng sambayanan. Lalo pang sumahol ang kondisyon ng mga mamamayang Pilipino. Kaya’t ang panawagan ng kabataan ngayon ay ‘tama na’,” ayon kay Ridon. Nagbanta rin ang Kabataan ng mas malalaking kilos-protesta hanggang sa pagsalubong ng mga ito sa nalalapit na ikaapat na State of the Nation Address ni Aquino sa Hulyo 22. ## |
No comments:
Post a Comment