Tubo sa taas-singil sa tubig, ayaw isapubliko
Pinoy WeeklyPosted: 13 Jun 2013 01:57 AM PDT
Hindi pinapasok sa public consultation hinggil sa taas-singil sa tubig ang mga tumututol dito na nagsagawa ng kilos-protesta sa labas. (Ilang-Ilang Quijano)
Sa pampublikong konsultasyon sa Seameo Innotech sa Quezon City kanina, inilahad ng regulatory body at ng Manila Water ang batayan ng rate rebasing. Naghain ng petisyon ang Manila Water na itaas ang singil sa kuryente ng P5.83per cubic meter (cu.m.) at ang Maynilad naman ng P8.58/cu.m.
Ngunit puna ng mga dumalo sa konsultasyon, walang maipakitang business at investment plan ang Manila Water at MWSS na nagdedetalye kung saan mapupunta ang taas-singil, at kung gaano kalaki rito ang tubo ng kompanya.
Kaya naman tinawag ng Bayan (Bagong Alyansang Makabayan) ang konsultasyon na “pakitang tao” lamang. “May karapatan ang publiko na malaman ang mga detalye ng taas-singil na ito,” ayon kay Renato Reyes, pangkalahatang kalihim ng Bayan.
Naglunsad ng kilos-protesta sa harap ng Seameo Innotech ang mga grupo sa pangunguna ng Bayan. Nagkaroon ng girian matapos pigilan ng mga guwardiya na makapasok ang mga tumututol sa water rate hike, kabilang na ang mga nagmula sa iba’t ibang maralitang komunidad.
Di detalyadong presentasyon
Pinapasok lamang sa konsultasyon ang ilang mga lider makaraan ang halos isang oras.
Ayon sa presentasyon ni Ferdinand dela Cruz, group director ng Manila Water, mapupunta ang taas-singil sa dagdag na coverage (6%), pagkuha ng dagdag na water source (34%), pangangalaga sa ilog at kalikasan (38%), at serbisyo (22%).
Mga maralitang kababaihan, nagprotesta laban sa PPP ni Aquino na nagdudulot ng pagtaas ng singil sa tubig. (Ilang-Ilang Quijano)
Ngunit wala siyang ipinrisentang dokumento na magpapakita kung paano narating ng kompanya ang komputasyong P5.38/cu.m. na taas-singil sa tubig.Ani dela Cruz, ang taas-singil ay nakabatay sa full recovery o todong pagrekober sa kanilang puhunan at rate of return (ROR) o tubo na itinatakda ng MWSS.
Napilitan lamang ang mga opisyal ng Manila Water at MWSS na magbigay ng mga ispesipikong halaga nang tanungin sa open forum ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño.
Ayon kay dela Cruz, tinatayang mamumuhunan ang kompanya ng aabot sa P426 Bilyon mula 2013 hanggang 2037, na isisingil naman sa mga konsyumer.
Sinabi rin ni Vincent Pepito Yambao, customer service regulator ng MWSS, na nasa 8.9% ang ipinapanukalang ROR ng Manila Water, ngunit kailangan pa umano ito aralin ng ahensiya. Aniya, nasa 9.3% ang kasalukuyang ROR na ginagarantiya ng gobyerno sa pribadong concessionare ng tubig.
Sa pagtatanong pa rin ni Casiño, hindi mailahad ng Manila Water at MWSS ang mga proyektong hindi naipatupad ng kompanya pero naisingil sa mga konsyumer sa nakaraang rate rebasing.
Ayon sa pananaliksik ng Bayan, ito ang ilan sa mga proyektong hindi naipatupad, pero isiningil sa mga konsyumer sa 2003 at 2008 na rebasing:
- P732 Milyong Wawa Dam
- P52-M Laiban Dam Feasibility
- P100-M Laguna Lake Water Supply
- P5-B Angat Reliability Project
- P45-B Laiban Dam
- P4-B Earthquake Contingency Project
Mga manggagawa, umalma
Umalma ang mga manggagawa sa ilalim ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa panukalang taas-singil sa tubig, na anila’y “unti-unting papatay” sa milyun-milyong Pilipino.
“Para sa amin, mangangahulugan ito ng mas kaunting panggastos para sa pagkain at iba pang batayang pangangailangan. Unti-unti itong papatay sa amin,” sabi ni Roger Soluta, pangkalahatang kalihim ng KMU.
Mangangahulugan ang taas-singil ng dagdag na P234.30 sa bill sa tubig ng mga konsyumer ng Manila Water na kumukonsumo ng 30 cu.m. kada buwan. Samantala, ang mga konsyumer ng Maynilad ay magbabayad ng dagdag na P342.30 kada buwan.
Ayon sa pag-aaral ng Bayan, sa ganitong konsumo, ang water bill ay magiging 7-8% (Manila Water) at 10-11% (Maynilad) ng minimum na sahod sa National Capital Region, na nasa P419-456 lamang kada araw.
“Responsable si Pang. Noynoy Aquino sa taas-singil sa tubig, kapag natuloy ito. Hinayaan niyang gatasan ang mga ordinaryong konsyumer. Para sa kanya, ang pag-unlad ng ekonomiya ay nangangahulugan lamang ng paglago ng tubo ng malalaking kapitalista, kapalit ng kapakanan ng publiko,” dagdag ni Soluta.
###
No comments:
Post a Comment