Tambalang Glencore at Xstrata: Dobleng panganib sa mga mamamayan, ayon sa NDF-FSMR
Naalarma ang rebolusyonaryong kilusan sa Far South Mindanao sa paglahok ng Glencore, isang Anglo-Swiss na kompanyang multinasyunal, sa proyektong
gold-copper sa Tampakan, South Cotabato.
Inihayag ni Ka Efren, tagapagsalita ng National Democratic Front – Far South Mindanao Region (NDF-FSMR), na nalalagay sa panganib ang mga mamamayan ng Bong Mal at buong sambayanan sa pagsasanib ng kompanyang Glencore sa Xstrata na nagmimina sa triboundary ng South Cotabato, Davao del Sur at Sultan Kudarat.
Glencore ang pinakamalaking kompanya na nagsasagawa ng commodities trading sa Switzerland at sa buong mundo, at sangkot sa produksiyon ng bakal at iba pang mineral, gayundin ng petrolyom, langis, coal, natural gas, at mga produktong agrikultural sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Masamang rekord
Isiniwalat ng NDF-FSMR na sangkot ang Glencore sa maraming eskandalo, kontrobersiya at krimen sa mga negosyo nito. Kabilang sa mga klase ng kontrobersiyang kinasangkutan nito ang pagmamanipula ng kita, pinansiya at accounting. Noong 2011, inakusahan ito sa Zambia na umiiwas sa pagbayad ng tax na aabot sa daan-daan milyong dolyar.
“Kasama sa oportunistang estratehiya sa negosyo ng Glencore ang maanomalyang transaksiyon sa mga kurap at despotikong rehimen na nagbibigay sa kanila ng malaking supertubo,” sabi pa ni Ka Efren.
Sinabi niya na sangkot din ang Glencore sa malawakang paglabag sa karapatang pantao, korupsiyon at pakikipagsabwatan sa reaksiyunaryong mga estado – “mas malala” pa umano sa kaanib nitong Xstrata.
Inakusahan ng iba’t ibang grupong pangkatutubo at pangkarapatang pantao ang Xstrata na sangkot sa pamamaslang at panunupil sa mga aktibistang kontra-pagmimina at mga sibilyang Lumad sa Bong Mal.
“Noong 2006, kasabwat ang mga awtoridad ng Colombia, puwersahang itinaboy ng Glencore ang mga Wayuu Indians para bigyang-daan ang pagmimina nito sa coal,” isiniwalat pa ni Ka Efren.
Nag-eempleyo din umano ng mga grupong paramilitar ang subsidyaryo ng Glencore na Cerrejon, para bantayan ang mga pasilidad nito para sa pagmimina at supilin ang mga katutubong Wayuu.
“Walang duda na maaaring gawin ng Glencore sa mga katutubong B’laan sa Bong Mal ang ginawa nito sa mga Wayuu Indian para alisin ang mga hadlang sa pagkamal nito ng yaman,” aniya.
Mahaba rin umano ang rekord ng Glencore sa paninira sa kalikasan. Sa Africa, halimbawa, nagdulot ng acid rain at iba’t ibang sakit sa milyun-milyong sibilyan ang polusyon na nilikha ng mga produksiyon nito.
Malakas sa Palasyo
Isiniwalat pa ni Efren na inimpluwensiyahan ng GlencoreXstrata ang Malakanyang para magbigay ng
environmental compliance certificate o ECC sa pamamagitan ng isang makapanyarihang “insider sa Malakanyang.”
Sa halagang US$5.9-B, ang bagong apruba na ECC sa Xstrata ang isa sa pinakamalaking proyekto ng pagmimina sa kasaysayan ng bansa.
Ayon sa Xstrata, magsasagawa ng operasyon ang minahan ng 17 taon at inaasahang lilikha ng 375,000 tonelada ng copper at 360,000 ounces ng ginto.
Noong Pebrero 21 ngayong taon, sa isang pagdinig ng Sagittarius Mines Inc. (SMI, subsidyaryo ng Xstrata), inamin ng naturang kompanya na nagmamantine ito ng bayarang armadong puwersa na nasa ilalim pa ng Armed Forces of the Philippines.
Sinabi rin naman ng AFP sa naturang pagdinig na ineempleyo ng SMI ang dating mataas na opisyal ng AFP na si Col. Dan Balandra.
Paglabag sa karapatang pantao
Inamin ng AFP na aktibong sangkot ito sa pagbibigay-seguridad sa kompanya ng mina na Xstrata. Sangkot din ito sa pamamaslang at panunupil sa mga katutubang B’laan na lumalaban sa mapanirang pagmimina sa Tampakan. (Kontribusyon)
Si Balandra, ayon sa mga saksi, ang nanguna sa naghaharas sa lider-katutubo sa lugar na si Daguil Capion para “sumuko” sa AFP dahil sa paglaban nito sa pagmimina sa lugar.
Itinuturo rin ng mga saksi na pinangunahan ni Balandra ang paglusob sa bahay ng mga Capion na nagresulta sa masaker ng pamilya ni Daguil, kabilang ang kapwa lider-katutubo at buntis niyang asawa na si Juvy Capion, at dalawa nilang batang anak.
Tatlong buwan matapos ang pagmasaker sa pamilya Capion, noong Enero 29, 2013, muling nasangkot ang mga elemento ng Philippine Army sa pamamaslang sa isang kamag-anak ng mga Capion.
Labinlimang miyembro ng Task Force (TF) Kitacom (Kiblawan, Tampakan, Columbio, Malungon), kabilang ang mga paramilitar at mga miyembro ng 39th Infantry Battalion, ang namaril sa bahay ni Kitari Capion alas-siyete ng umaga noong araw na iyon.
###
No comments:
Post a Comment