UGAT NG MIGRASYONG PILIPINO SA IBAYONG-DAGAT -
3. Katangian at Kalagayan ng Migranteng Pilipino
by Belarmino Dabalos Saguing (Notes) on Thursday, July 26, 2012 at 2:50am
Humigit-kumulang sa sampung porsyento ng kabuuang 81 milyong Pilipino ang nasa ibayong-dagat. Pag isinama sa bilang ang pamilya sa loob ng Pilipinas na umaasa sa kita ng mga kababayan sa ibayong-dagat, aabot sa mahigit 20 porsyento ang bahagi nito sa kabuuang populasyon ng Pilipinas. Nakakalat ang mga kababayan natin sa ibayong-dagat sa 168 na bansa sa buong mundo.
Sa kabuuan, ang mga kababayan natin sa ibayong-dagat ay maaaring hatiin sa dalawang pangkalahatang kategorya - yaong permanente nang naninirahan sa ibang bansa (immigrant) at yaong pansamantala lamang (migrant). Sa hanay ng Pilipinong permanenteng naninirahan sa ibang bansa ay mayroong mamamayan na mismo ng bansang tinitirhan. Doon na sila ipinanganak, lumaki o naglagi ng mahabang panahon, o nakapag-asawa ng dayuhan, at itinuturing na ang sarili bilang bahagi ng lipunang iyon. Subalit kahit ano pa man ang kanilang “citizenship”, karamihan ay tumatanaw pa rin sa Pilipinas bilang bayang pinanggalingan o tinubuan at interesado pa rin sa mga nangyayari sa ating bayan. Sa katunayan, sa hanay nila’y maraming mga makabayang organisasyong Pilipino na nagtataguyod sa kapakanan ng migrante at ng sambayanang Pilipino. Kabilang nga sila sa ating hanay
Ang pagsuporta o paglahok sa makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas ng mga kababayang may iba nang nasyunalidad, lalo na yaong mga tinatawag na pangalawa, pangatlo o pang-apat na henerasyong Pilipino (halimbawa yoong mga FilAm sa Amerika, FilCan sa Canada, FilOz sa Australya at sa iba pang bahagi ng daigdig), ay nasa sarili nilang kapasyahan. Samantalang sa kabuua’y hindi sila maaaring ituring na bahagi ng sambayanang Pilipino, ang kanilang indibidwal na kapasyahang sumuporta o lumahok sa kilusang pagbabago sa Pilipinas ang maglilinaw sa lahat ng kanilang paninindigan. Kadalasan nga’y kanilang pinipiling sumuporta o lumahok sa kilusang pagbabago sa Pilipinas bunga ng kanilang dinaranas na diskriminasyon sa lipunang kinalakhan at dahil na rin sa kanilang likas na makabayang damdamin, kabilang na ang pagnanasang malaman ang pamana ng kanilang lahi. Ito ang nagtutulak sa kanila upang tahakin ang landas ng kilusang pagbabago sa Pilipinas.
Ang hanay ng migranteng Pilipino sa ibayong-dagat ay mahahati sa iba’t ibang kategorya. Ang pamahalaan ay may tinatawag na OCW (overseas contract workers) na tinatawag ngayong OFW (overseas Filipino workers), na umaabot na sa humigit-kumulang apat na milyon ang bilang. Sa hanay nila, may nagtatrabaho sa pabrika, konstruksyon, barko, serbisyo, enterteynment, upisina, ospital, at iba pa. Sila ay may ligal na papeles o kontrata para magtrabaho sa ibang bansa.
Ngunit mayroon din sa kanilang hanay ang tinatawag na undocumented (“bilog” kung tawagin sa Japan, “OS” o over stayer sa Hong Kong, TNT o tago-nang-tago sa Amerika) o walang papeles para manatili sa ibang bansa. Sang-ayon sa datos ng POEA Planning Branch para sa taong 2007, ganito ang bilang ng tinatawag na undocumented:
OVERSEAS FILIPINO WORKERS STOCK RECORDS FOR 2011
4,867,645 4,513,171 1,074,972 10,455,788
47% 43% 10% 100%
Kapansin-pansin sa kasalukuyan ang nangyayaring peminisasyon (feminization) sa hanay ng mga migranteng lumalabas ng bansa. Ito’y matingkad na makikita sa mga nagsisipaglikas patungo sa Europa, Japan, Hong Kong, Singapore at Malaysia. Karamihan ay lumalabas bilang domestic helper o au pair at entertainer.
Mayroon ding migranteng Pilipino na nakasalalay ang pananatili sa ibang bansa sa kontrata ng kasal pero sa oras na madiborsiyo ay maaaring pauwiin din. Mayroon ding nabibiktima ng komersyal na kasalan o mail order brides. Nandiyan din yaong mga ipinadala ng pamahalaan, kompanya o mga magulang sa ibang bansa upang mag-aral, manaliksik o mag-treyning. Nandiyan din ang mga misyunaryong gumagampan ng gawain para sa kanilang simbahan sa labas ng bansa. At mayroon ding napilitang lumabas ng bansa o napilitang manatili sa labas ng bansa at humingi ng political asylum dahil ginigipit sila ng sariling pamahalaan dahil sa kanilang paniniwala at paninindigan. Laging may nakaambang panganib sa kanilang buhay mula sa atake ng pamahalaan o galamay ng mga naghaharing uri.
May ilang Pilipino naman ang nasa mataas na posisyon sa mga korporasyong transnasyunal. May mga Pilipinong nasa mga konsulado at embahada o iba pang ahensya ng pamahalaan na nagpapatupad sa mga mapagsamantala at mapanggipit na patakaran at programa nito. Mayroon sa kanilang halos ikahiya ang kanilang kababayan at nagpapakanulo sa kapahamakan sa mga migranteng Pilipino. Ang mga ito’y mahirap nang maantig ang makabayang damdamin dahil sa interes na kanilang pinagsisilbihan. Subalit mayroon din naman sa kanilang hanay na bukal ang puso at maaaring mahikayat na tumulong sa migrante.
Sa punto de bista ng makabayang kilusang pagbabago, ang mga migranteng nangibang-bansa upang maghanapbuhay ay maaaring ituring na bahagi ng sambayanang Pilipinong inaapi at pinagsasamantalahan ng mga naghaharing uri sa ating bansa. Ito’y dahil sa ang migrante ay pansamantalang nasa ibayong-dagat lamang at sa kalauna’y babalik din sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Liban dito, sa kabuuan, sila at ang kanilang pamilya ay nagmumula sa iba’t ibang api at demokratikong uri at sektor ng ating lipunan: magsasaka, manggagawa, ordinaryong kawani sa pamahalaan at pribadong opisina, at propesyunal. Kaya nga sila napipilitang mangibang-bansa upang maghanapbuhay ay dahil sa kahirapang dinaranas sa Pilipinas.
Subalit, anuman ang kanilang uring pinanggalingan sa ating lipunan, pagdating nila sa ibayong-dagat ay halos pare-pareho sa pangkalahatan ang kanilang mga trabahong pinapasukan (seamen, domestic helper, manggagawa sa pabrika o konstruksyon, taga-aliw sa mga nightclub, atbp.). Kung pagbabatayan ang kanilang pansamantalang posisyon sa pangkalahatang proseso ng produksyon sa loob ng lipunang pinagtatrabahuhan, sila’y mga manggagawa. Ito ang kanilang komun na katangian – ang pagiging migranteng manggagawa sa ibang bansa. Ito ang pangunahing nagbubuklod sa kanila bilang mga Pilipino sa ibayong-dagat – ang pagiging migranteng manggagawang Pilipino.
Kung kaya’t mahalagang masapol natin ang katangian ng migranteng Pilipino sa labas ng bansa. Sa pamamagitan nito, matutukoy natin kung sinu-sino at papaano tayo kikilos sa hanay nila. Ang migranteng manggagawang Pilipino - dahil sa mas ramdam nila ang hagupit ng pagsasamantala at pang-aapi sa loob at labas ng Pilipinas - ang pangunahing mahihimok natin upang kumilos para ipagtanggol at ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan. Sila rin ang madaling mahimok na sumuporta’t lumahok sa makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas na siyang ganap na lulutas sa kanilang problema.
Halos pare-pareho ang mga problemang kanilang kinakaharap bilang migranteng manggagawang Pilipino. Naririyan ang tuwirang pang-aabuso, pagsasamantala at pang-aalipin ng ating pamahalaan at mga pribadong ahensyang nagrerekrut, pati na rin ng mga dayuhang pamahalaan at amo. Naririyan din ang rasismo, diskriminasyon at kawalan ng karapatan bilang dayuhan sa ibang lipunan. At naririyan din ang kalungkutan bunga ng pagkawalay sa bayan at mga mahal sa buhay. Bunga ng natatanging porma ng pagsasamantalang kanilang dinaranas at ng malaking bilang nila sa populasyon ng Pilipinas, sila’y maaaring ituring na isang sektor ng lipunang Pilipino sa punto de bista ng makabayang kilusang pagbabago sa Pilipinas - ang sektor ng migranteng manggagawang Pilipino.
May kakaiba at natatanging porma ng pagsasamantalang dinaranas ang migranteng manggagawang Pilipino. Sa proseso pa lang ng kanilang sapilitang paglikas, sila’y napagsasamantalahan na. Nariyan na pagbayarin sila ng malalaking halaga para sa mga papeles na kakailanganin para makapangibang-bansa. Hinuhuthotan pa sila ng pagkataas-taas na processing fee ng mga pribadong ahensya na sa tuwi-tuwina’y niloloko sila, tulad ng pagpapalusot sa kanila ng palihim sa ibang bansa bilang turista o kargamento sa barko at pinatatawid sa matataas na bundok para makarating sa hangganan ng ibang bansa tulad ng nangyayari sa Europa. Karamihan sa kanila ay nagsasanla ng mumunting ari-arian o nangungutang ng may malaking patong na interes upang makapagtrabaho sa ibang bansa sa pag-asang makakayanang bayaran ng kanilang kikitain ang inutang. Baon na kaagad sila sa utang bago pa man umalis ng Pilipinas.
Ang migranteng manggagawa ay nagbabakasakaling mapaunlad ang kabuhayan ng pamilya. Marami sa kanila ang nagsasabing makapag-ipon lang ng sapat para pang-negosyo o makabili ng sapat na ari-arian ay uuwi na “for good.” Ngunit ang sinasabing temporaryong pangingibang-bansa ay tumatagal sa paulit-ulit na pagbago ng kontrata o sa pagtalon sa pagiging walang papeles, hanggang sa maging permanente na sa haba ng pananatili sa bansang kinalalagyan o sa pagpapakasal sa dayuhan.
Sa unang yugto ng pangingibang-bansa, ang kanyang kita ay napupunta sa pagbabayad ng utang. Sa susunod ay upang makapag-aral ang mga anak o kapatid. Darating pa ang mga biglang kagipitan tulad ng pagkakasakit ng magulang, anak o kapatid. Sa pagluwag ng kalagayan, makakapag-ipon at makakabili ng mga kasangkapan sa bahay o alahas. Sa kalauna’y makakapag-ipon ng perang pang-negosyo o pagpapatayo ng bahay. Subalit ang inaasahang pag-ahon sa kahirapan ay kadalasang di nangyayari. Nalulugi ang negosyo, nabebenta ang mga naipong kagamitan sa bahay o alahas at nasasanla ang lupa at bahay. May mga bahay ngang pinaghirapang pag-ipunan ng migrante ang nasalanta ng lahar at ibang kalamidad.
Totoong may nangyayaring kaunting kaluwagan o pag-angat sa kabuhayan ng pamilya ng mga migranteng manggagawa. Dahil mas mataas kaysa sa piso ang halaga ng perang tinatanggap sa ibayong-dagat at mas mataas din ang sahod kaysa sa minimum sa ating bansa, medyo tumataas ang lebel ng kabuhayan ng kanilang pamilya kung ihahambing sa kabuhayan ng ordinaryong manggagawa o magsasaka sa Pilipinas. Subalit ang kabuhayang ito ay may pagka-artipisyal dahil sa nakabatay sa pansamantalang kita lamang - habang nasa labas ng bansa. Ito ay mawawala sa sandaling umuwi ang migrante sa Pilipinas. Masusustine lamang ito sa patuloy na pananatili sa labas ng bansa o sa pagtiyak na may papalit mula sa pamilya na magtratrabaho sa labas ng bansa.
May ilang ganap na umaangat ang kabuhayan at posisyon sa lipunang Pilipino. Nagiging matagumpay ang negosyo. Nagbabago ang pamumuhay. Hindi na muli mangingibang-bansa para kumita. Subalit sila ay iilan lang. Sa pangkalahatan, ang buhay ng migranteng manggagawa ay parang isang bangungot na paulit-ulit at hindi matatakasan.
Ang pag-iral ng artipisyal na pag-angat sa kabuhayan ay paminsan-minsang nagdudulot ng di kanais-nais na pagnanasa at pangangailangan sa migrante mismo at sa kanyang pamilya. Umiiral ang mataas na ekspektasyon sa buhay na hindi kayang masusustine sa normal na kalakaran kung nagtatrabaho sa Pilipinas. May mag-asawang nagkakahiwalay dahil sa nalulong sa maluhong pamumuhay ang naiwan at winaldas lamang sa sugal, inom o pambabae ang kita ng migrante. May mga anak namang nalulong sa masamang bisyo o bawal na gamot (droga) dahil sa nagkaroon ng ekstrang perang ipambili, at dahil sa wala ang gabay ng magulang na nasa ibang bansa.
Subalit ang matagal na pagkakawalay sa mga mahal sa buhay ang mas nagdudulot ng mga emosyonal at sikolohikal na problema sa migrante at kanyang pamilya. Dahil sa kalungkutan, may asawang nakukuhang magtaksil. Maraming anak ang lumalaki nang walang pagkalinga ng magulang. May mga pamilyang nawawasak dahil sa nawala ang sangkap ng mainit na pagmamahalan at lubusang pagkakilala sa isa’t isa. Ilan lamang ito sa mga halimbawa ng problemang idinudulot ng pagkakahiwalay ng isang pamilya. Sa kabuuan, mabigat ang suma nito sa buhay ng ating lipunan, sa tinatawag na “social fabric” nito, ang mga relasyong tumatahi sa loob ng isang pamilya bilang batayang yunit ng lipunan.
Sa labas ng bansa, sari-sari namang kultura at pamumuhay ang kinakaharap ng migranteng Pilipino: may lipunang ganap ng kapitalista’t industriyalisado at may dependenteng kapitalista pa lamang; may lipunang liberal ang kultura at may konserbatibo naman; may lipunang pinangingibabawan ng mga Kristiyano at may Muslim din; at iba pa. Sa bawat bansang kinalalagyan ay kailangan nilang umangkop at makibagay. Bilang dayuhan sa lipunang hiram, halos walang kaalaman ang migranteng Pilipino sa wika, kaugalian, batas at patakaran na umiiral.
Dahil dito, madali silang takutin, abusuhin at pagsamantalahan ng dayuhang amo at pamahalaan. Tinatakot na ipapahuli o ipade-deport kahit walang kasalanan. Kinukumpiska ang passport upang hindi makaalis o lumipat ng trabaho. Ibinibilanggo at pinapatawan ng kamatayan kahit inosente, tulad nina Flor at Sarah. Sang-ayon sa OWWA mismo, mula 1991 hanggang 1995, 4,691 migranteng Pilipino ang inuwing bangkay sa Pilipinas. Ibig sabihin, halos tatlong migranteng Pilipino ang namamatay araw-araw sa iba’t ibang kadahilanan, kadalasa’y “under mysterious circumstances”. Dumaranas ng matinding diskriminasyon, pisikal na pananakit, masamang pagtrato tulad ng pagkakait ng sapat na pagkain, tulog at pahinga, “underpayment” at hindi pagbibigay ng sahod, pagpaparusa tulad ng pagtanggal sa “day-off” at pagbawas sa sahod sa anumang maliit na dahilan at iba pa. Kadalasa’y biktima sila ng “sexual harassment.” May mga narireyp na kababaihan at mangilan-ngilang kalalakihan din, partikular sa Gitnang Silangan.
Binabalikat ng mga migranteng manggagawa ang ganitong pagpapahirap kaalinsabay ng paggampan ng mga gawaing marumi, mabigat, mahirap at mapanganib na kadalasa’y inaayawan ng mga lokal na mamamayan, manggagawa man o lumpen. Trabahong kalabaw at walang pagtaas sa ranggo ang karaniwang napapasukan ng migranteng Pilipino. Ang sahod ay mas mababa pa kaysa sa ibinibigay sa lokal na manggagawang gumagampan ng katulad na trabaho. Dahil sa hindi pwedeng sumanib sa lokal na unyon, walang “job security” at walang karapatan sa mga benepisyo tulad ng vacation, maternity at sick leave, medikal insyurans sa anumang aksidente sa trabaho, at pensyon o retirement benefits. Gayon na nga ang kalagayan ng mga migranteng Pilipino sa labas ng bansa, pwersado pa silang magbayad ng buwis sa lokal na pamahalaan. Samantalang karamihan sa kanila’y hindi binibigyan ng karapatang maging mamamayan ng bansang kinalalagyan.
Ang masaklap pa’y hindi nga sila binibigyan ng proteksyon at pangangalaga ng nakatayong pamahalaan ng Pilipinas. Sa halip, ‘sangkatutak na bayarin pa ang sinisingil sa kanila tulad ng Medicare, MIRB, MOI No. 8, at iba pa. Pagkamahal din ng singil sa mga transaksyon sa mga embahada at/o konsulado. Pinapatawan pa sila ng buwis at kung hindi babayaran, hindi papayagang maproseso ang mga papeles. Para naman sa mga nagkakaproblema, inaabot ng siyam-siyam bago umaksyon ang konsulado o embahada: nariyang papauwiin na lang imbes na ipaglaban ang kaso ng migranteng Pilipino, nariyang walang matutuluyang OWWA center at nariyang abutin ng mahigit pa sa dalawang buwan bago maiuwi ang bangkay ng sinamang-palad na migranteng Pilipino.
Malinaw na ang buhay ng migranteng manggagawa Pilipino ay malungkot, mahirap at malupit. Hindi ito isang rosas na hardin gaya ng pinalalabas ng pamahalaan at mga pribadong ahensyang nagrerekrut upang ilako ang programa sa pagluluwas ng lakas-paggawa. Gayunman, ito’y sinusuong ng migrante upang mabuhay ang sarili at ang kanilang pamilya. Bilang kapwa Pilipino, dapat natin silang tulungan. Bilang makabayang Pilipino, tungkulin nating ipaglaban ang kanilang karapatan at kagalingan at himukin silang sumuporta’t lumahok sa makababayang kilusang pagbabago sa Pilipinas na siyang ganap na lulutas sa kanilang problema.
###
Inpormasyong dapat malaman ng lahat ng migrante
ReplyDelete