Friday, June 21, 2013

Pinoy Weekly STFAP at ang nagbabagong kultura sa UP Diliman

Pinoy Weekly


Posted: 21 Jun 2013 11:37 AM PDT



Pasensiya na sa tila sermon ng isang nakatatanda. May kailangan lang akong ipaalala sa kasalukuyang kabataan. Bagama’t ang pagbabago sa paglipas ng panahon ay inaasahan, may mga bagay na kailangang iwasan.


Hayaan mong magsimula ako sa pagkukuwento ng kalagayan namin noong huling bahagi ng dekada ’80 sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman. Bagama’t may pagmamalaki dahil piling-pili lang ang nakapasa sa UP College Admission Test (UPCAT), hindi namin ito ipinangalandakan sa madla. Ang pangkalahatang kultura kasi noon sa UP Diliman ay huwag magmayabang.


Kahit sa pananamit, walang kompetisyon sa pagandahan ng porma. Hindi uso ang mga imported na bag dahil ang ginagamit namin noon ay ang “pasiking” o  handwoven basket-backpack na mula sa Northern Luzon. At kahit hindi ka aktibista, maaasahan mo ang isang taga-UP na may “tubao” na ginagamit bilang panyo, bandana at sinturon.


Kung may mayayaman man kaming kaklase, hindi sila nagpapahalata. Simple rin kasi silang manamit at bihirang magpakita ng mamahaling gamit.


Tungkol naman sa aming UP ID, madalas na nakatago lang ito sa aming bulsa. Ipinapakita lang namin ito sa kinauukulan kung kailangan. Kailanman ay hindi namin ito isinabit sa aming leeg. Sa katunayan, natatawa kami kapag nakakasabay namin sa dyip, bus o LRT ang mga estudyante sa ibang eskuwelahan na nakasuot ng ID. Sa loob-loob namin: “Ano kayo, Grade 1?”


Pero tila ibang iba na ang panahon ngayon. Kasama na sa ibinebentang memorabilia ang UP lanyard na sa sobrang kapal ay nagsusumigaw ang mga letrang U at P, kung hindi man ang buong pangalan ng pamantasang hirang. Hindi na kailangang tingnan ang ID na nakakabit sa lanyard dahil halatang-halatang taga-UP ang “Grade 1” na ito.


Kung sabagay, simbolo ng pagsusuot ng ID ang pagmamalaki sa institusyong pinapasukan. Gayundin naman ang sitwasyon oras na magtrabaho ka sa isang kompanya, hindi ba? Pero may tanong lang ako at huwag mo naman sanang ikagalit: Kailangan mo pa bang isuot ang UP ID mo hanggang sa paglabas ng kampus? Sa iyong paglilibot sa Trinoma, halimbawa, bakit tila nakaligtaan mong ilagay ang lanyard at UP ID mo sa loob ng bag?


Sa tingin mo ba’y mas magmumukha kang maganda o guwapo kung malaman ng ibang taga-UP ka? Siguro’y alam mong hindi hamak na mas maraming mestisa’t mestiso sa mga pribadong unibersidad para sa mayayaman. Oo, ito ang mga pamantasang halos hindi na nagkakalayo ang matrikula kumpara sa UP nating literal na napakamahal na.


Pumasok ako sa panahong ang tuition ay nasa P40 bawat yunit sa UP Diliman. Salamat sa Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP) na ipinatupad noong 1989, nagkaroon ng bracketing system kung saan ang pinakamataas na tuition ay umabot sa P300 bawat yunit para sa UP Diliman. Kung sinundan mo ang kasaysayan ng STFAP, alam mong ipinatupad noong 2007 ang pagbabago sa bracketing system at ang pinakamataas na tuition ay P1,500 bawat yunit para sa UP Diliman.
Katanggap-tanggap ba sa iyo ang STFAP? Sang-ayon ka ba sa argumentong iba-iba dapat ang tuition ayon sa kapasidad na magbayad? Mas gusto mo ba ang equity sa halip na equality?


Anuman ang iyong paniniwala sa STFAP, kailangan mong malamang tinutulan namin ito noong huling bahagi ng dekada ’80. Una, hindi namin gusto ang sitwasyong ang mayayamang estudyante ang siyang magbibigay ng subsidyo sa mahihirap niyang kaklase. Ikalawa, hindi katanggap-tanggap sa amin ang katotohanang pagkakakitaan ng administrasyon ng UP ang isang programang dapat ay magbibigay ng pinansiyal na tulong.


Sa kabila ng programang naglalaan ng libreng tuition at subsidyo sa mahihirap na estudyanteng nasa ilalim ng pinakababang bracket (Bracket 1 noon, Bracket E2 ngayon), hindi maikakailang minorya lang sila sa populasyon ng UP. Dahil dito, ang mga administrasyon ng UP mula 1989 hanggang sa kasalukuyan ay kumikita nang malaki sa pagpapatupad ng STFAP. Sa madaling salita, nasa bentahe nila ang magkaroon ng mayayamang estudyante.


Sa ganitong konteksto nais ng gobyernong ipatupad rin ang STFAP (o anumang programang katulad nito) sa iba pangstate universities and colleges (SUCs). Hindi na kasi kakailanganin pa ang mataas na subsidyo dahil, tulad ng UP, posibleng pagkitaan ng SUCs ang programang dapat ay magbibigay ng benepisyo sa mga estudyante.


Sinimulan ko ang sanaysay na ito sa isang sermon kaya hayaan mong tapusin ko ito sa isang paghingi ng paumanhin. Dahil ipinapatupad pa hanggang ngayon ang STFAP, malinaw na malaki ang pagkukulang ng aming henerasyon sa kampanyang ibasura ito. Epektibo man ang aming mga argumento at malinaw man ang aming mga prinsipyo, hindi kami pinakinggan ng mga opisyal ng pamantasan.


Dahil sa aming kahinaan, ang mga kasalukuyang estudyante sa UP Diliman (kasama na ang 14 pang kampus na bumubuo sa UP System) ay patuloy na alipin ng isang mapaniil na programa. Kung ako ang tatanungin, lalong nadaragdagan ang aking panghihinayang dahil may ilang grupo ng mga estudyanteng sa halip na ipagpatuloy ang panawagan sa pagbabasura ng STFAP ay mas gustong repormahin na lang ito.
Ipagpaumanhin sana ang prangkang mensahe ko sa mga repormista: Alamin n’yong mabuti ang konteksto para malaman ang tunay na epekto. Kailanman ay hindi katanggap-tanggap ang panghahati sa mga iskolar ng bayan ayon sa kanilang katayuan sa buhay. Kung kayo ay mga tunay na iskolar ng bayan, inaasahan ang patuloy na panawagan sa gobyerno para sa dagdag na badyet sa edukasyon. Sa halip na singilin ang mga kapwa estudyante, ang dapat singilin ay ang gobyernong patuloy na nagkukulang sa obligasyon nito.


Sa paglipas ng panahon, sadyang hindi maiiwasan ang nagbabagong kultura sa UP Diliman. Pero kung may isang bagay na dapat panatilihin, ito ay ang pagpapatuloy ng naunsyaming pakikipaglaban para makamit ng iskolar ng bayan ang para sa kanya. Sa konteksto ng STFAP, walang lugar ang reporma dahil ang kinakailangan ay pagbabasura.


Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

No comments:

Post a Comment