Thursday, June 13, 2013

Canne(s/d) Films (Pinoy Weekly)

Canne(s/d) Films

Posted: 12 Jun 2013 11:51 PM PDT


Muling nabibigyang pansin ang pelikulang Pilipino sa dayuhang pinilakang tabing. Apat na full length feature films na gawa ng mga Pilipinong direktor ang itinanghal kamakailan lang sa Cannes Film Festival, ang sinasabing pinaka-prestihiyosong international film festival.

Tampok sa Un Certain Regard na bahagi ng programa ang “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” ni Lav Diaz at “Death March” ni Adolf Alix. Kabilang naman sa Director’s Fortnight ang “On the Job” ni Erik Matti. Nag-premiere naman ang restored version ng klasikong “Maynila…sa mga Kuko ng Liwanag” ng yumaong si Lino Brocka sa seksiyong Cannes Classics ng filmfest.

Tatlong Pinoy short films naman ang itinampok sa Short Film Corner na kasabay na ginanap ng festival: “Katapusang Labok” ni Aiess Alonso, “Oasis Redux” ni Carlo Manatad at “Mga Engkantong Laog sa Mahabang Dapithapon” ni Roderick Cabrido.


Poster ng remastered na bersiyon ng "Maynila...Sa mga Kuko ng Liwanag"Poster ng remastered na bersiyon ng “Maynila…Sa mga Kuko ng Liwanag”


Wala mang naiuwing tropeo ang mga Pinoy filmmaker mula sa Cannes, maituturing nang tagumpay para sa Sineng Pinoy ang maitanghal ang ganitong bilang ng pelikulang Pilipino sa Cannes.  Huling nagrehistro ng ganitong presensiya ang pelikulang Pilipino sa Cannes noong 2009, nang tanghaling pinakamahusay na direktor ng festival si Brillante Mendoza para sa pelikulang “Kinatay.” Nang taon ding iyon, itinampok sa Un Certain Regard na bahagi programa ang “Independencia” ni Raya Martin at sa Director’s Fortnight ang “Manila” nina Alix at Martin. Taong 2000, nagwagi ng Palm d’Or para sa short films ang “Anino” ni Raymond Red.

Kung tatanawin mula sa pandaigdigang entablado ang Sineng Pinoy, tila nakaka-bangon na ito mula sa kinaharap na krisis ng industriya ng pelikula ng bansa noong huling bahagi ng dekada ‘90 at unang bahagi ng dekada 2000.

Ngunit kung bibisitahin ang mga sinehan sa bansa, nanatiling dinodomina pa rin ang lokal na takilya ng Hollywoodfilms (o mga pelikulang mula sa Amerika). Malayo pa rin ito sa rurok na inaabot ng Sineng Pinoy noong dekada ‘70. Noong mga panahong iyon, hindi baba sa 100 ang bilang ng pelikulang Pilipino ang ipinapalabas sa mga lokal na sinehan. Minsan na ring inilarawan ang mga Pilipinong manonood bilang “one of the most avid filmgoers.”

Sa tatlong bagong pelikulang Pilipino na ipinalabas ngayong taon sa Cannes, tanging ang “On the Job” ang may tsansang maipalabas sa komersiyal na sinehan at mapanood ng mga ordinaryong Pilipino. Sa kabila ng masiglang produksiyon ng indie films sa bansa, wala pa sa sampung porsiyento ng tinatabo sa takilya ng mga pelikula iprinodyus ng mga mainstream studio ang kinikita ng indie films.  


Eksena sa pelikulang "On The Job" na dinirehe ni Erik MattiEksena sa pelikulang “On The Job” na dinirehe ni Erik Matti


Kung tutuusin mahirap talagang mapantayan ang inabot na tugatog ng Sineng Pinoy noong dekada ‘70 at ‘80. Maliban sa pagbabago sa pandaigdigang merkado sa mga huling dekada, nag-iba na rin ang Pilipinong manonood. Hindi lubos na masisisi ang mga Pilipinong filmmaker kung nakatanaw sila sa labas ng bansa sa paghananap ng tatangkilik sa kanilang sining dahil sa kakulangan ng suporta sa kanila rito. Sa isang import-dependent at export-oriented na ekonomiya, ang pelikula at iba pang produktong pangkultura ay katulad na lamang ng iba pang produktong ginagawa sa bansa ngunit inilalako sa dayuhang pamilihan.

Ang bawat karangalang iniuuwi ng magigiting na Pilipinong filmmaker sa bansa ay pag-asang, balang-araw, ang mga ordinaryong mamamayang Pilipino na ang magiging pinakamasugid nilang tagatangkilik—ang pinakamatamis na tagumpay na maaari nilang makamit.

###

No comments:

Post a Comment