Saturday, June 29, 2013

Pinoy Weekly Kani-kaniyang Rizal

Pinoy Weekly

Kani-kaniyang Rizal
Posted: 29 Jun 2013 01:43 AM PDT


Ang buhay na siguro ng pambansang bayaning si Jose Rizal ang pinakapaboritong gawing paksa sa mga pelikula. Taong 1912, bago pa lamang ang paggawa ng pelikula sa bansa, dalawang pelikulang batay sa buhay at kamatayan ni Rizal ang ginawa ng mga Amerikanong prodyuser.


Maging ang mga nobelang kaniyang isinulat ay paborito ring isapelikula. Unang naisapelikula ang “Noli Me Tangere” noong 1930 sa direksyon ni Jose Nepomuceno. Gumawa naman ng sariling bersyon ang Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula na si Gerardo de Leon noong 1961. Nang sumunod na taon, ginawa at ipinalabas ni de Leon ang ikalawang nobela ni Rizal na “El Filibusterismo.”
Dalawang pelikula rin ang ginawa batay sa karakter na si Sisa (1951 at 1999) na tauhan sa nobelng Noli Me Tangere.


Cesar Montano bilang Jose Rizal sa pelikulang dinirehe ni Marilou Diaz-AbayaCesar Montano bilang Jose Rizal sa pelikulang dinirehe ni Marilou Diaz-Abaya


Sa mga huling taon ng dekada ’90, maraming pelikulang historikal ang nilikha bilang bahagi ng selebrasyon ng sentenaryo ng kasarinlan bansa. Tatlo sa mga ito ay tungkol sa iba’t ibang aspekto ng buhay at kabayanihan ni Rizal.


Itinampok ni Tikoy Aguiluz sa pelikulang “Rizal sa Dapitan” ang pag-iibigan ng destiyerong si Rizal at ni Josephine Bracken sa Dapitan. Isa namang komprehensibong talambuhay ni Rizal ang “Jose Rizal” ni Marilou Diaz-Abaya. Imbestigasyon sa kabayanihan ni Rizal ang naging tuon ng pelikulang “Bayaning Third World” ni Mike de Leon.


Tila nais sagutin ng mga pelikulang ito kung paano nalilikha ang isang bayani. Nariyan ang pagpapatampok sa kadakilaan ni Rizal at ang kaniyang pagiging henyo. Sa kabilang banda naman, inilalarawan din siya sa mga pelikula ito bilang tao, na tulad nati’y may mga kapintasan at kahinaan (partikular sa aspeto ng pag-ibig).


Makikita sa pagdadakila kay Rizal sa mga pelikulang ito kung bakit siya ang pambansang bayani. Hindi ito dahil naging inspirasyon ang kaniyang sulatin ng rebolusyon at naging mitsa ang kaniyang kamatayan ng lalong paglagablab ng armadong pakikibaka ng Katipunan laban sa mga Espanyol. Para sa mga pelikulang ito, naging pambansang bayani siya dahil sa mga merito ng kaniyang buhay: isang ilustrado na namulat reyalidad ng kaniyang panahon at tumindig ayon  sa kaniyang prinsipyo kahit pa buhay ang kapalit.


Totoo sa isang bahagi na ginawang pambansang bayani si Rizal noong panahon ng kolonyalismong Amerikano sa halip na si Andres Bonifacio (na mas mapangahas, delikado at banta sa gobyernong kolonyal). Makikita rin ang ganitong pagkiling sa paggawa ng mga Amerikano ng pelikula tungkol kay Rizal sa panahong sinusupil nila ang mga labi ng pakikibaka ng Katipunan sa unang bahagi ng ika-20 siglo.


Ganito rin ang lohika kung bakit mas katanggap-tanggap at mas niyayakap ng panggitnang uri si Rizal bilang bayani. Sa pagdadakila kay Rizal sa midya at pelikula, tanging itinatampok ang kadakilaan ng kaniyang naging buhay ngunit hindi ang rebolusyong binigyan niya ng inspirasyon.


Sa kabila ng bilang ng mga pelikulang tumalakay sa buhay ni Rizal, wala ni isa ang nagtangkang bawiin si Rizal mula sa pagkakahon na ginawa ng mga Amerikano nang ideklara siyang pambansang bayani. Ang tanging pelikula na magbibigay hustisya sa kabayanihan ni Rizal ay isang pelikulang magtatampok sa kanyang rebolusyonaryong potensyal sa pamamagitan ng pagbibigay ng konteksto sa naging papel niya sa pagsiklab ng rebolusyon. Siya ang Rizal na hindi pa natin napapanood sa pinilakang tabing at kailangan nating makilala.


Film clips at trailers ng ilan sa nabanggit na mga pelikula (Ed.):

“Noli Me Tangere” ni Gerardo de Leon

“Bayaning 3rd World” ni Mike de Leon

“Rizal sa Dapitan” ni Tikoy Aguiluz

“Jose Rizal” ni Marilou Diaz-Abaya


##

No comments:

Post a Comment