Pinoy WeeklyPagtatanggol sa Orthopedic Center ng mga kawani nito
Posted: 18 Jun 2013 09:05 AM PDT
Sa 24 na taong paninilbihan ni Teresita Hamoy bilang nars sa Philippine Orthopedic Center (POC), di na lamang lugar ng trabaho ang ospital para sa kanya. Ito na ang kanyang naging buhay.
Ang POC ang isa sa unang mga ospital na ipapasailalim sa programang ito. Maliban dito, may 25 na iba pang pampublikong ospital ngayon na gustong ihain ng administrasyon sa pribadong sektor para pagkakitaan. Para sa mga kagaya ni Teresita, ipagkakait ng programang ito ang karapatan ng mga mamamayan sa libreng serbisyong pangkalusugan. Pero maliban dito, panganib din ang pagpasok ng pribadong sektor sa karapatan at kaseguruhan sa trabaho ng mga kawaning pangkalusugan. Banta ito sa serbisyong pangkalusugan na itinuturing na ni Teresita na kanyang buhay. Panganib sa trabaho
Mga nars sa Orthopedic (PW File Photo)
Bilang pampublikong ospital, tinatag ang POC para paglingkuran ang lahat ng nangangailangang mga mamamayan. Walang pinipiling bigyan ng serbisyo ito.“Dito ginagamot namin ang lahat kahit na anong estado sa buhay. Hindi ka tatanungin kung mayaman ka o mahirap. Basta putol ang buto mo, sige, pagdudugtungin namin. Aalagaan ka, papakainin,” ayon kay Teresita. Pero sabi niya, mahirap isiping ganito pa rin ang magiging oryentasyon ng POC kung papasokt na rito ang pribadong sektor. “Baka kung wala kang P10,000 hindi ka aasikasuhin. Kasi magiging negosyo na ito,” sabi pa niya. Tumatanggap ang POC ng halos 300 pasyente sa emergency room nila araw-araw at nasa 700 ang siniserbisyuhan sa out-patient services. Makikita sa loob nang POC na nasa nasa hallway na rin mismo ang mga pasyente dahil sa dami ng nangangailangan ng serbisyo nito bilang natatanging ospital sa bansa na espesyalista sa baling mga buto. “Kulang talaga ang health workers dito. ’Yung trabaho ng apat o limang tao, tatrabahuin lang ng isa. Halos wala naman silang kinukuhang permanente ngayon dito. Puro mga job order (kontraktuwal) lang,” ani Raquel Pelarios, 18 taon nang nursing aide sa POC. Ayon kay Raquel, dahil sa kakulangan umano ng pondo na binibigay ng pamahalaan, hindi sila nakakapagdagdag ng regular na mga empleyado, kahit na kailangang kailangan. Maging ang kanilang mga gamit pamproteksiyon tulad ngface masks ay di maibigay ng ospital. Sila pa ang bumibili nito. Matagal nang inirereklamo ng mga kawani ang kakulangan ng badyet sa POC at iba pang pampublikong ospital sa bansa. Nasa 1.5 porsiyento lang ng Gross National Product (GDP) ng bansa ang inilaan ng gobyerno para sa kalusugan noong 2012. Malayo ito sa 5 porsiyento ng GDP na inirerekomanda ng World Health Organization na dapat ilaan sa serbisyong pangkalusugan. “Hazardous ang katangian ng trabaho namin. Kagaya ko, nagkasakit ako dati ng pneumonia. Sarili ko ang panggastos sa pagpapagamot. Itong gloves, hinuhugasan na lang namin. Kung ano ’yung gamit mong gloves, buong araw mo na na gamit ’yun,” ayon kay Raquel. Sa kabila ng panganib na ito sa trabaho, tinanggalan pa sila ng kanilang hazard pay noong nakaraang taon sa bisa ng Department Memorandum Order No. 2012-0181 ng Department of Health. Naibalik lamang ito nang labanan ang hakbang na ito ng mga kawaning pangkalusugan sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW) at Health Alliance for National Democracy (HEAD). Ang ganitong banta sa pagtatanggal ng kanilang benepisyo ang isa sa pinangangambahan nila kung pribadong kompanya na ang magpapatakbo sa POC, ayon kay Raquel. “Kung gobyerno na nga inaalisan na kami ng benepisyo, ang pribado pa kaya. Buti kung dagdagan nila. Sigurado, puro mga kontraktuwal din ang kanilang kukunin, para makatipid at para mas lalong kumita sila,” sabi pa niya.
Mga nars ng Orthopedic: banta sa kanilang trabaho ang pagpasok ng pribadong sektor sa ospital. (KR Guda)
Banta sa trabahoMaliban pa sa banta ng kanilang mga benepisyo, ang kanila mismong trabaho ang higit na nangangamba kung matuloy ang pagsasapribado ng POC.Ayon kay Sean Velchez, tagapangulo ng unyon sa POC, pagpipiliin ang health workers kung gusto nilang malipat sa ibang ospital o maging private health workers sa kung sino man ang bagong mangangasiwa sa POC. “Kung gayon, hindi na sila public health workers kung dito pa rin sila mananatili. At sa diwa na pinagpipili sila, ibig sabihin na aalisan sila ng trabaho nila bilang pampublikong mga kawani, kung mananatili sila dito,” ani Velchez. Kung sakaling isa sa matatanggal si Jenlen Savares, mag-aapat na taong nars sa POC, sinabi niyang mas sa ibang bansa niya nakikita ang kanyang sarili na magtrabaho. May mga kasama sila na nag-abroad na para umahan ang pagsasapribado ng ospital, ani Jenlen. Kuwento naman ni Raquel, hindi lamang mga nars ang umaalis sa POC para mangibang bayan. Pati mga doktor. Pinangangambahan naman nina Teresita na isasailalim siya sa forced retirement dahil sa kanyang edad na 44. Nasa 40 taong-gulang pataas ang sasailalim na sa forced retirement. “Kung ako lang, gusto ko pang magtrabaho dito hangga’t kaya. Hangga’t may hininga ako. Kahit na nagkagipit-gipit ako sa buhay, hindi ko iniwan ang POC. Mahal ko ang ospital na ito. Hindi ko piniling mag-abroad. Masaya ako na natutulungan ko ang mga pasyente rito, lalo na ’yung mahihirap. Makita ko lang silang nakangiti na aalis dahil magaling na sila, wala na ang pagod ko,” ayon kay Teresita. Ayon kay Jenlen, magiging unfair o masakit nga sa iba, lalo na ’yung mga matagal na rito, kung sakaling matatanggal nga sila at papalitan ng iba. Pero ayon sa kanya, kung matutuloy talaga ang pagsasapribado ng POC, mapipilitan silang sundin ang bagong management o sa iba magtrabaho. Pangamba sa mga pasyente Nalulungkot sina Teresita sa posibilidad na mga maykaya na lang ang magiging pasyente sa POC, kung sakali. “Dito, tulungan ang nangyayari sa mga pasyente. ’Yung mga walang bantay, bantayan mo. Pakainin mo. Lahat ng kailangan nila. Nagbibigayan ng pagkain, ng tubig, ng lahat. Nagkakapwa tao kahit sa amin,” ayon kay Teresita. Para naman kay Jenlen, may bentahe at disbentahe kung pribado ang magpapatakbo ng ospital. Aniya, maaaring gumanda ang mga pasislidad at maging moderno, pero malamang na hindi ito magiging abot-kamay sa mga mahihirap. “[Dahil] business, kailangan mapalitan ’yung in-invest nila. Kaya magiging kawawa rin talaga ang mga mahihirap.” Para naman kay Teresita, kung nais talagang tulungan ng gobyerno ang POC, dagdagan nito ang badyet ng serbisyong pangkalusugan. “Kung hahayaan nitong maisapribado, ang kawawa hindi lamang kaming mga nagtatrabaho dito kundi ’yung mga mahihirap, ’yung maliit, lalo na ang susunod na mga henerasyon,” ayon kay Teresita. Tuloy ang laban Sa serye ng mga laban sa loob at labas ng POC, buo ang determinasyon nina Teresita na ipaglaban ang ospital laban sa pagpasok ng pribadong sektor. “Kung hindi namin ito (pagpoprotesta) gagawin, kawawa kami, kawawa ang mga pasyente. Kawawa ang susunod na mga henerasyon. Sa huli, ang mga mamamayan ang mawawalan,” ani Teresita. Sinabi naman ni Sean na bagamat mahirap, hindi imposibleng mapagtagumpayan nila ang paglaban sa programang PPP ni Aquino para sa POC. Aniya, marami sa mga kawaning pangkalusugan ng POC ang ayaw magsalita dahil sa takot na mapag-initan, pero mayorya’y isa ang kanilang nais: Huwag matuloy ang PPP sa POC. “Kung hindi namin maaasahan ang management ng POC na ipagtanggol ang POC para pigilan ang PPP, kaming mga empleyado nito, kasama ang mga pasyente at mamamayan, ang lalaban para rito,” sabi pa ni Sean. Hindi lamang ito laban ng mga kawani ng POC, ani Sean. Laban umano ito ng bayan para sa mas makataong serbisyo sa kalusugan. ### |
Wednesday, June 19, 2013
Pinoy Weekly Pagtatanggol sa Orthopedic Center ng mga kawani nito
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment