Thursday, June 13, 2013

Ang pagaagawan ng mga reaksyunaryo sa estado poder

Ang pagaagawan ng mga reaksyunaryo sa estado poder

Bayan  Pambansang Komiteng Tagapagpaganap  ukol sa  Ika-3 taon ng rehimeng US-Aquino                                                                                                          Hunyo 10, 2103 




Patuloy na lumalalim ang krisis sa pulitika ng bansa dulot ng lumalaganap na paglaban ng mamamayan sa naghaharing sistema at sa patuloy na tumitinding bangayan ng mga reaksyunaryong nag-aagawan sa estado poder.

Ang nagdaang halalan ay walang pinag-iba sa saligan sa mga naunang mga halalan. Pinakita nito ang kabulukan ng sistema ng eleksyon sa bansa; malawakang bilihan ng boto, paggamit sa pondo ng gobyerno para sa pangangampanya ng pulitiko, karahasan ng nagbabangayang paksyon ng naghaharing-uri, at pangingibabaw ng mga dinastiya at mga kandidatong mula sa naghaharing uri. Pinalala pa ang kalagayang ito ng isang automated election system na kontrolado ng dayuhan, overpriced, walang transparency, bulnerable sa pandaraya, palyado sa aktwal na implementasyon, at kwestyunable ang naging resulta.

Mula’t sapul, ang AES na kontrolado ng dayuhang Smartmatic kasabwat ang Comelec, ay hindi mapagkakatiwalaan. Ginawa ng Comelec ang lahat para sagkaan ang anumang pagsisikap na marepaso ang source code ng gagamiting teknolohiya. Ang panimulang mabilis na pagbilang ng Comelec transparency server ay nalantad din bilang palpak at kwestyunable nang lumobo ang bilang ng unang mga presintong pumasok at nang hindi pumasok ang transmission ng aabot sa 30% ng mga PCOS. Nalantad ang kahungkagan ng mga PCOS machines nang inamin mismo ng Comelec na 18,000 makina ang hindi nakapag-transmit ng resulta mula sa presinto.

Ang PCOS machines na ito ay binili gamit ang P1.8 bilyong pera ng bayan, sa isang kwestyunableng proseso. Naiulat din na mahigit kalahati sa mga presintong nagsagawa ng Random Manual Audit ang nagrehistro ng mga “discrepancies”, o iyong hindi pareho ang bilang ng makina sa aktwal na boto sa mga balota. Sa kabilang malaganap na problemang ito na nagbibigay duda sa resulta ng eleksyon, inamin din ng Comelec na may utang pa sila sa Smartmatic na P270 milyon bilang retention fees. Ang pagbabayad ng retention fees ay nakabatay sa performance ng Smartmatic alinsunod sa pinirmahang kontrata.

Dahil sa hindi transparent ang buong sistema, at dahil sa malaganap na pagpalya ng mga makina, lumakas ang panawagan para sa pagbubukas ng mga ballot box at pagkakaroon ng mano-manong pagbilang sa mga balota. Lumalakas din ang panawagan para ibasura na ang AES-PCOS ng Smartmatic sa darating na halalan sa 2016.

Tahimik naman ang rehimeng Aquino sa usapin ng mga talamak na problema sa nagdaang eleksyon matapos nitong todong ikampanya ang mga manok nito sa Team Pnoy gamit ang pondong publiko. Ito ay dahil sa ang pagkwestyon sa resulta ng eleksyong 2013 ay maaaring tumungo din sa pagkwestyon sa resulta ng eleksyong 2010 kung saan si Aquino ang itinanghal na nagwagi.

Malamang ay mapalakas ni Aquino ang kontrol nito sa Senado at Kamara dahil sa pagkapanalo ng kanyang mga kapartido’t alyado. Ang pagbibitiw ni Enrile bilang Senate President ay magbibigay daan kay Drilon ng LP bilang Senate President. Makukuha ng partido ni Aquino at mga kaalyado nito ang mayorya sa Senado. Inaasahan ding hawak ni Aquino ang Kamara sa pamamagitan ng LP at coalition nito kaya’t sigurado na rin ang pagpwesto ni Sonny Belmonte bilang Speaker. Pero hindi pangmatagalan ang pagkakaisa ng mga paksyong ito. Asahang iigting ang bangayan ng iba’t ibang paksyong nag-aagawan sa poder habang papalapit ang eleksyon sa 2016.








No comments:

Post a Comment