Saturday, June 15, 2013

Pinoy Weekly Pagkatapos ng Araw ng Kalayaan

Pinoy Weekly

Posted: 14 Jun 2013 03:00 PM PDT



Ano ba ang ipinagdiwang natin noong Hunyo 12? Independence Day o In Dependence Day?
Ang nangyari sa araw na iyon noong 1898 ay malinaw naman. Binasa sa Kawit, Cavite ang isang deklarasyon ng kalayaan na nakasulat sa wikang Kastila. Sa deklarasyong iyon, kinilala ang “kabutihan” ng Estados Unidos. Sa sobra ngang pagpupugay sa Estados Unidos ay ginamit pa ang mga kulay ng bandila nito sa bandila ng Pilipinas. Puwedeng sabihing nagkataon lang ang paggamit ng pula, puti at asul sa dalawang bandila pero hindi pa rin maisasantabi ang pagkilala ng mga tinaguriang lider ng rebolusyon sa “Mother America.”

Ngayong taon daw ang ika-105 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan. May argumentong sa kabila ng pagbanggit sa Estados Unidos, ang pagbabasa ng deklarasyon at pagwawagayway ng sariling bandila (sa saliw ng sariling National Anthem) ay nagpapakita ng intensiyon ng mga Pilipinong umalis na sa kolonyal na pamamahala.

Wala namang debate sa puntong ito. Pero may intensiyon mang magkaroon ng sariling pamahalaan ang mga lider noon, ang pag-alis mula sa dayuhang kontrol ay may dalawang magkasalungat na paraan — tahimik na pakiusapan at aktuwal na paglaban.

Para sa ilang lider, kailangan ang katahimikan sa negosasyon sa kolonyal na pamahalaan para hindi malaman ng publiko ang mga kompromisong ginawa. Lubhang kailangang balikan ang kasaysayan at pag-aralan ang kasalukuyan. Sa unang bahagi ng ika-20 siglo, halimbawa, tandaan nating mayroon sa kanilang nanawagan ng pagsuko sa Estados Unidos at pagkilala sa awtoridad nito. Tingnan din natin ngayon kung gaano kayaman ang ilang pamilya ng mga diumanong lider ng Pilipinas noong panahon ng dayuhang pananakop.

Sa kabila ng pagtalikod nila sa armadong pakikibaka, may mga lider ng rebolusyon na nagpatuloy sa sinimulan ng Katipunan noong 1896. Nagbago man ang dayuhang sumakop sa Pilipinas, ang Sigaw sa Pugadlawin ay patuloy na nanalaytay sa kanilang ugat. Ang pagpunit ng sedula kasi sa okasyong iyon ay nagpakita ng politikal na intensiyong humawak ng armas para ipaglaban ang kalayaan. Ito ang porma ng aktuwal na paglaban sa mga dayuhan — pagbuo ng sikretong organisasyon, paghikayat sa mga mamamayang suportahan ang rebolusyon, pagsamsam ng armas mula sa kaaway, pagplano ng atake at pag-agaw sa kapangyarihan.

Hindi tulad ng mga nakipag-kompromiso sa mga dayuhan, maraming nagbuwis ng buhay dahil sa literal na pakikipaglaban. Hindi sila nagpayaman at pinili nila ang simpleng buhay sa kabundukan, nagtatago sa kaaway at nagpapakita lang sa oras na kinakailangan. Bawat engkuwentro sa dayuhang kaaway ay nangahulugan ng pagsusugal ng buhay. Sila ang mga indibidwal na kumilos nang sama-sama hindi para sumikat o yumaman kundi para makamtan ang tunay na kalayaan. Sila ang mga namiling huwag manahimik sa isang tabi kundi lumahok sa pagkilos sa iba’t ibang lugar — kapatagan, kabundukan, kalunsuran, kanayunan. Bukod sa iba’t ibang lugar, malinaw na ang pagkilos ay may iba’t ibang larangan ñ paglilikom ng pondo, pagrerekluta ng mga miyembro, pang-aagaw ng armas, pagsasanay sa pakikipaglaban, pagpaplano ng atake sa lugar, pagsasagawa ng propaganda sa porma ng rebolusyonaryong peryodismo.



Malinaw na ang mga tinaguriang tulisan noon ay patuloy pa ring minamaliit ngayon. Kahit na walang batayan, patuloy pa ring ibinebenta ang argumentong emosyonal at mainitin ang ulo ng maraming humawak ng armas. Hindi binibigyang-pansin ang panlipunang konteksto ng armadong pagkilos. Kung may pagkilala mang ibinibigay sa mga nagpatuloy na humawak ng armas hanggang sa kanilang pagtanda o pagkamatay, ito ay pabalat-bungang pagpupugay lamang.

May batayan ang ganitong disposisyon lalo na ng mga nasa kapangyarihan. Ayaw kasi nilang tularan ng nakararaming mamamayan ang mga nag-alsa noon. Kung itinuturo man ang nangyaring rebolusyon noong panahon ng mga Kastila, Amerikano at Hapon, ito ay maingat na isinasakonteksto diumano sa mga pangyayari noong panahong iyon. Pilit na idinidiin ang pagiging malayaít mapayapa diumano ng Pilipinas sa kasalukuyan.

Wala na raw dahilan para magrebolusyon. Wala na raw batayan ang paglaban sa pamahalaan. Hindi na raw kailangang mamatay para sa kalayaan dahil mayroon na tayo nito. Totoo kaya ang mga argumentong ito?
Tulad ng iba pang piyesta opisyal, ang pagtatapos ng Araw ng Kalayaan ay nangangahulugan ng pagbabalik ng mga mamamayan sa kanilang “normal” na araw-araw na gawain — pag-aaral, pagtatrabaho, pag-aalaga ng mga mahal sa buhay. Sana nama’y magkaroon ng panahong pag-isipang mabuti ang panlipunang kalagayan. Dito lang kasi natin maisasakonteksto ang tunay na kalayaan.


Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.

No comments:

Post a Comment