Tabing-estero, maaaring gawing ‘ligtas at maayos’ na tirahan
Posted: 23 Jun 2013 10:09 PM PDT
Maging ang relocation site sa Montalban, binabaha rin dahil sa di inaayos ng gobyerno ang mga estero dito. (PW File Photo/ Ilang-Ilang Quijano)
Maaaring gawing “ligtas at maayos” na tirahan ng maralita ang mga tabing-estero kung isasailalim ito sa rehabilitasyon, ayon kay Gabriela Rep. Emmi de Jesus.
Pinuna ng kongresista ang plano ng gobyernong Aquino na magbigay ng P18,000 kada pamilya para lumikas mula sa mga tabing-estero, na tinaguriang mga “danger zone” at itinuturing ng gobyerno na isa sa mga dahilan ng pagbaha sa Kamaynilaan. Aniya, isa itong panakip-butas na solusyon na “binubuhay ngayon (ang mga maralita) pero hinahayaan silang mamatay kinabukasan.”
“Dapat ay kinokonsidera ang kanilang kalagayan at kinokonsulta, sa seryoso at hindi pabalat-kayong paraan, ang mga maralita sa anumang plano ng mga lokal na pamahalaan,” sabi ni De Jesus.
Nananawagan ang Gabriela at iba pang grupo ng maralita ng on-site na rehabilitasyon sa mga tabing-estero at in-cityna relokasyon para sa mga maralita, na naroroon ang kabuhayan.
Ito umano ang plano ni yumaong Department of Interior and Local Government Sek. Jesse Robredo, at sang-ayon ang mga inhinyero at siyentista na maaari itong gawin sa pakikipagtulungan ng gobyerno sa mga komunidad.
Inihalimbawa ni de Jesus ang pagsisikap ng ilang mga maralitang komunidad sa Quezon City na ayusin ang mga tabing-estero. Sa Brgy. Bagong Silangan, na matinding sinalanta ng Bagyong Ondoy, isang plano para magtayo ng riprap sa mga estero na kumokonekta sa Marikina at Montalban ang inihain ng mga residente sa lokal na gobyerno ng QC.
Nakapagsagawa rin umano ang mga residente ng mga plano para sa organisadong paglikas sa gitna ng sakuna. May mga bangka na naka-standby, at nakapag-tree planting din sila sa erya, ayon kay de Jesus.
“Sa tatlong taon ni Aquino, hindi pa rin niya masolusyunan ang problema dahil ayaw niya kilalanin na ang usapin sa pabahay ay nakakabit sa kanilang pangangailangan sa kabuhayan. Patuloy niyang itinataboy ang mga maralita sa malalayong lugar na walang kabuhayan at serbisyo, kaya napipilitan ang marami na bumalik sa mga ‘danger zone.‘” sabi pa ni de Jesus.
Ipinunto pa ni de Jesus na kapag napalayas na ang mga maralita sa tabing-estero, inaalok din naman ng gobyerno ang parehong lokasyon sa malalaking negosyo, matapos tayuan ng mga imprastruktura para maging ligtas.
Aniya pa, dapat tingnan ng komprehensibo ang problema sa baha sa Kamaynilaan, na dulot ng palpak na public worksat sewerage, at kontra-kalikasang mga polisya sa pagmimina at pagtotroso ng gobyerno. Umano’y hindi lamang ito dapat isisi sa mga maralita sa tabing-estero.
###
No comments:
Post a Comment