Pinoy Weekly |
Kabataan, nagprotesta vs dagdag singilin
Posted: 15 Jun 2013 02:13 AM PDT
PIket-protesta ng mga kabataan sa Quezon City kontra sa “triple whammy” o tatlong sampal sa mga mamamayan na taas-singil sa tubig at kuryente, at taas-singil sa matrikula. (Pher Pasion)
Mas mahalaga pa sa administrasyong Aquino na masigurong kumikita ang mga dati nang mga bilyunaryo kaysa magkaroon ng batayang serbisyo ang mga mamamayan.Ganito ilarawan ng mga kabataan sa pangunguna ng Kabataan Party-list ang sunud-sunod na taas singilin sa batayang mga serbisyo, sa kanilang isinagawang kilos-protesta sa Quezon City noong Hunyo 14. “Hindi pa nakakabayad ang mga magulang pagkatapos nilang mangutang para pangmatrikula ng kanilang mga anak, heto na naman ang pagtaas ng singil sa kuryente at tubig,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Kabataan. Ipinoprotesta nila ang pagtaas ng matrikula sa mahigit 300 paaralan ngayong pasukan at ang nakaambang pagtaas ng singil sa tubig at kuryente. Dalawa sa mga pribadong naghahatid ng serbisyo ng tubig sa Metro Manila ang inaasahang magtataas ng singil. Nasa P8.58 per cubic meter ang inaasahang itataas singil ng Maynilad Water Services Inc. at nasa P5.83 per cubic meternaman ang sa Manila Water Company Inc. Madadagdagan ng P234 at P342 ang singil sa mga nagkukunsumo nang 30 cubic meters kada buwan kung matutuloy ang dagdag singil. Ang Meralco naman, nagpahayag na itataas nito ang kanilang generation charge ng 22 sentimo kada kilowatt-hoursa buwan na ito matapos “mawalan” dahil sa power outage sa Luzon noong Mayo 8. Sa Mindanao naman, pagsasapribado sa serbisyo ng kuryente rin ang itinutulak ng administrasyong Aquino bilang sagot umano sa krisis sa kuryente rito. “Walang pakialam ang gobyernong ito kung maputulan ng tubig at kuryente ang mga mamamayan. Wala itong pakialam kung hindi makapag-enrol ang mga kabataan, basta masiguro lang nilang hindi bumababa ang kita ng mga dati nang bilyunaryo na matagal nang yumayaman,” ayon kay Vencer Crisostomo, tagapangulo ng Anakbayan. Kinondena rin ng Kabataan ang anila’y programang pribatisasyon ng administrasyong Aquino sa pagtalima ng gobyerno sa neoliberal na mga polisiyang idinidikta ng dayuhang mga institusyon at mga negosyante. “Ang itinutulak na programang pribatisasyon ng gobyerno ang siya ngayong nagiging pasanin ng mga mamamayan sa dagdag singilin sa tubig at kuryente. Deregulated na ang katangian ng mga batayang serbisyo. Tayo ngayon ang isa sa may pinakamahal na singil sa kuryente at tubig sa mundo sa kabila nang sagana tayo sa yamang tubig,” ayon kay Kabataan Rep.-elect Terry Ridon. |
No comments:
Post a Comment