Saturday, August 3, 2013

Pinoy Weekly - Usapang UPCAT

Posted: 02 Aug 2013 04:25 PM PDT

Sa loob ng kampus ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman, nagkalat na ang mga tarpaulin malapit sa mga buildingna gagamitin para sa UP College Admission Test (UPCAT) ngayong Sabado’t Linggo (Agosto 3 at 4).

UP Diliman campus

Siguradong magiging matindi na naman ang trapik papasok ng kampus sa mga araw ng UPCAT. Noong 2012, 76,662 ang nag-apply para kumuha ng UPCAT at 50,607 sa kanila ay ginustong mag-aral sa UP Diliman, ayon sa datos ng Office of the University Registrar at Office of Admissions. Umabot lang sa 12,732 ang natanggap sa iba’t ibang kampus ng UP at 3,876 sa kanila ay nakapasa sa UP Diliman.


Ano ba ang mayroon sa UP Diliman at doon may pinakamaraming aplikante kahit na pitong porsiyento lang sa kanila ang nakapasa noong nakaraang taon? Basahin natin ang nakasulat sa wikang Ingles sa mismong website ng UP Diliman (http://www.upd.edu.ph/hist.htm): “UP Diliman is the flagship university of the UP System. It is the administrative seat of the system as well as an autonomous university in its own right. UP Diliman is not only the home of diverse colleges…it also runs several centers of research, many of which have been declared by the Commission on Higher Education as National Centers of Excellence.”


Sadyang maraming mapagpipiliang kurso sa UP Diliman. May 71 programa para sa antas ng undergraduate (bukod pa sa 90 programa para sa masterado at 46 programa para sa doktorado). Sa Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla na pinagtuturuan ko, may apat na programang Bachelor of Arts (BA) na puwedeng pagpilian ng kukuha ng UPCAT – Broadcast Communication, Communication Research, Journalism at Film. Ang unang tatlong programa ay kasalukuyang kabilang sa mga CHED Center of Excellence.


Bagama’t may prestihiyong makapag-aral sa UP, lalo na sa tinaguriang flagship campus nito, nakakagulat pa ring hindi lahat ng mga natatanggap ay aktwal na tumutuloy. Ayon sa kasalukuyang datos ng freshmen sa UP Diliman, maniniwala ka bang 2,844 na estudyanteng pumasa sa UPCAT (o 73.4 porsyento lang) ang nagkumpirma ng kanilang pagpasok at 2,511 estudyante (o 64.8 porsyento lang) ang aktwal na nag-enroll?


Ano ang nangyari sa iba pa? Mainam na suriin kung saan nanggaling ang 3,876 na pumasa sa UP Diliman noong 2012. Karamihan sa kanila (55.7 porsyento) ay nanggaling sa mga private high school. Kakaunti lang (11.2 porsyento) ang nagmula sa public general high school. Bagama’t marami-rami naman ang pumasa (29.4 porsyento) mula sa publicscience high school, hindi pa rin maikakaila ang bentahe ng isang nakapag-aral sa pribadong paaralan.


At dahil kadalasang mula sa mayayamang pamilya ang nakapag-aral sa isang pribadong paaralan, nariyan ang posibilidad ng pagpasok na lang sa isang pribado pero prestihiyoso ring unibersidad tulad ng Ateneo at La Salle na hindi hamak na mas maganda ang pasilidad at seguridad. Hindi rin naman kasi nagkakalayo ang matrikula ng UP Diliman sa Ateneo at La Salle kung ang isang potensiyal na estudyante ay mapailalim sa Bracket A (P1,500 bawat yunit) ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP).


Para naman sa mahihirap na pamilya, makakaya ba nilang ipasok ang mga anak sa UP Diliman? Oo, kung makakakuha sila ng scholarship. Oo, kung papalarin silang mapailalim sa Bracket E2 ng STFAP dahil wala nang kailangang bayarang matrikula at makakakuha pa ng subsidyo. Ang problema lang, limitado ang scholarship programs at minsan pa nga’y depende ang mga ito sa kursong pinili. Sa usapin naman ng STFAP, nasa minorya lang ang nasa Bracket E dahil kailangang patunayang ang annual family income ay P135,000 bawat taon o mas mababa pa.


Hindi tulad ng iba pang state universities and colleges (SUCs) na ang matrikula ay sadyang mababa para sa mahihirap na estudyante, sadyang kakaiba ang ipinapatupad sa UP. Ito ang dahilan kung bakit may mga tumututol sa pagpapatupad ng STFAP at nananawagang ibalik ang uniform tuition rate.


Kailangang tandaang hindi dapat kakaiba ang UP sa iba pang unibersidad. Ang edukasyon ay nananatiling karapatan sa tinaguriang pambansang unibersidad ng bansa. Sa teorya, ang kailangan lang patunayan ng isang estudyante ay ang kanyang kakayahang pang-akademiko, hindi ang kakayahang magbayad.


Pero iba ang nangyayari sa kasalukuyan. Tila iniuugnay ang prestihiyo sa pribilehiyo. Ginagawang kapital ang mayamang kasaysayan ng UP para mapataas ang kita ng unibersidad, kahit na nangangahulugan ito ng mataas na singil sa matrikula. Ipinagpipilitan ng maraming grupo’t indibidwal na ang “angat” na katayuan ng pamantasang hirang ay lisensiya para baguhin ang kalakaran kumpara sa iba pang SUCs. Ang mas malala pa, ang kompetisyon sa iba pang nakaaangat na pribadong unibersidad ay sa konteksto na rin ng halos pagkakapareho ng matrikula.


Kung nakatakda kang kumuha ng UPCAT, sana’y pagbutihin mo para ka makapasa. At kung sakaling matanggap, huwag mong sayangin ang oportunidad. Gawan mo ng paraan para makapag-aral sa UP sa kabila ng mataas na bayarin. Kailangan mo kasing makisangkot sa maraming pakikibaka para baguhin ang kalakaran. Ito kasi ang inaasahan sa isang tunay na iskolar ng bayan – ang mamulat sa katotohanan para makialam at makipaglaban.

The author Danny Arao

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.



###










No comments:

Post a Comment