Saturday, August 10, 2013

Pinoy - Weekly - Konsumisyon sa pampublikong transportasyon


Posted: 10 Aug 2013 06:53 AM PDT


Isa nang malaking pakikibaka sa maraming mamamayan ang araw-araw na paggamit ng pampublikong transportasyon.


Kung wala kang sariling sasakyan, kailangan mong mas maagang umalis ng bahay para mag-abang ng traysikel, dyip, FX, tren o bus. Kung medyo malayo ang bahay mo sa mga pangunahing lansangan, kakailanganin mo pang maglakad nang medyo mahaba.



Masasabing masuwerte ka kung may pila sa sakayan, bagama’t hindi mo pa rin kontrolado ang oras ng pagbiyahe mo. Kadalasan (lalo na kung rush hour), mahaba ang pila. Minsan naman, kakaunti lang kayo pero mangilan-ngilan lang ang mga bumibiyaheng sasakyan. Kung medyo minamalas, mahaba na ang pila, kakaunti pa ang mga bumibiyaheng sasakyan!


Masuwerte ka na rin siguro kung isa o dalawang sakay ka lang papunta sa eskuwelahan, pagawaan o opisinang pinapasukan mo. Paano kung tatlo o higit pa? Baka tanghali ka na makarating. Huwag naman sana.


Pero sino ba ang tunay na malas? Ito ay ang kawawang taong kailangang makipag-unahan para lang makasakay sa pampublikong sasakyan. Nakaranasan mo na bang maapakan ang paa o masiko ang tagiliran ng katabing gusto ring makasakay? Naranasan mo na bang makipag-away sa kapwa pasaherong tila hindi na naiisip kung nakasasakit na siya sa kanyang kagustuhang maunang makaupo?


“Magtaksi ka kung ayaw mong makipagsiksikan!” Ito ang kadalasang sagot sa mga nagrereklamo. Oo nga naman, hindi ba’t mainam na pumara na lang ng taksi para mas komportable ang biyahe? Pero kahit masuwerte kang makakuha ng taksi, hindi ba’t malaking parusa sa bulsa ang desisyon mo? Ang flagdown rate ngayon sa taksi ay P40 na, samantalang ang pamasahe sa dyip ay P8 lang sa unang apat na kilometro. Aba, para kang nagbayad ng pamasahe para sa limang tao o higit pa kung magtataksi ka! Tandaan mong mas mataas pa sa P40 ang babayaran kung mahaba-haba ang biyahe mo.



Alam mong hindi praktikal ang maglakad o magbisikleta sa mga kalye ng Pilipinas, lalo na sa Maynila. Nasaan nga ba ang mga sidewalk at bicycle lane? Kung mayroon man, kapansin-pansing napuputol ang mga ito kaya bumabalik ka sa kalyeng dinaraanan ng mga sasakyan. Kailangan mong panaka-nakang tumingin sa likod, kanan at kaliwa para masiguradong hindi ka mahahagip ng sasakyan.


Siyempre pa, isang seryosong problema sa transportasyon ang matinding trapik. Ang mabagal na pag-usad ng napakaraming sasakyan ay parusa sa maraming mamamayan. Malinaw na nauubos ang oras sa mahabang paghihintay na makarating sa paroroonan. Ayon nga sa isang opisyal ng gobyerno, umaabot diumano sa P2.4 bilyong potensiyal na kita ang nasasayang bawat araw sa buong Pilipinas dahil sa trapik. Para sa ordinaryong mamamayan, ito ay madali namang maintindihan. Ilang beses na ba siyang nakaltasan ng sahod dahil sa kanyang pagiging huli sa trabaho? Pero higit pa sa pera, hindi ba’t mahalaga ring suriin ang mga naunsyaming oportunidad? Ilang estudyante kaya ang napagalitan ng propesor dahil napilitang umabsent sa klase? Ilang indibidwal kaya ang hindi nakarating sa takdang oras ng interbyu para sa inaaplayang trabaho?


Sa ganitong konteksto dapat suriin ang kolektibong galit ng maraming mamamayan sa mga panukalang limitahan ang pagbiyahe ng mga bus sa Lungsod ng Maynila nang walang malinaw na pag-aaral sa epekto nito sa araw-araw na pakikibaka ng ordinaryong mamamayan. Oo nga’t nakonsulta ang ilang opisyal ng lokal na pamahalaan tungkol dito, pero may katwiran ang praktikal na tanong kung ang mga naturang opisyal ba ay gumagamit ng pampublikong transportasyon sa kanilang araw-araw na pagbiyahe.


Lalong nakakagalit ang argumento ng ilang opisyal ng gobyerno na dapat daw na masanay na lang ang mga mamamayan sa pagbabago sa sistema. Para sa mga nasa kapangyarihan, hindi malaking problema ang palipat-lipat na pagsakay sa mga pampublikong sasakyan. Ang ganitong linya ng pag-iisip ay indikasyon ng kawalan ng simpatiya at empatiya sa araw-araw na pinagdaraanan at pinagdurusahan ng marami.
Oo nga’t galing din sa hirap ang ilang opisyal (kung paniniwalaan ang kanilang talambuhay noong panahon ng kampanya) pero nararanasan ba nila ngayon ang pag-aabang ng masasakyan, lalo na’t panahon ng tag-ulan? Alam ba nila ang pakiramdam ng isang gustong makauwi sa bahay hindi lang dahil gusto niyang makapiling ang mga mahal sa buhay kundi dahil marami pa siyang kailangang asikasuhin? Napagdaanan kaya nila ang sitwasyong ang laman ng bulsa mo ay eksaktong eksakto lang para sa pamasahe sa dyip o bus, kaya hindi na uubrang magtaksi kahit nagmamadali?


Pasensiya na pero duda ako kung pinagdaraanan ito ng mga nasa kapangyarihan, sa lokal man o sa pambansang pamahalaan. Kahit na sabihing dating mahirap din ang ilan sa kanila, iba na ang kanilang katayuan ngayon sa buhay. Pinagdaanan man nila ang hirap, nararanasan na nila ngayon ang sarap.


Aminin man nila o hindi, malinaw na gusto nilang mapaluwag ang mga lansangan para sa mga tulad nilang pribadong motorista, lalo na ang mga negosyanteng posibleng kaibigan nila (kung hindi man mismong sila!).


Tuwing napag-uusapan sa kasalukuyan ang mga itinakdang limitasyon sa pagbiyahe ng mga bus, naaalala ko noon ang debate tungkol sa mataas na toll rates sa Skyway para mga bumibiyahe sa Laguna. Para kasi makaraan ang dyip sa Skyway na mas magpapabilis sa biyahe, kailangan niya ngayong magbayad mula P4 (Silangan-Cabuyao at Filinvest-Alabang) hanggang P260 (Calamba-Skyway). Para naman sa mga bumibiyaheng bus, ang singil ay mula P10 hanggang P521. Siyempre, hindi mo masisisi ang mga drayber at operator na ipasa sa mga sumasakay sa pampublikong sasakyan nila ang singil sa Skyway. Kaya kung hindi mo kaya ang mataas na pamasahe, kailangang magtiis sa kadalasang usad-pagong na biyahe sa South Luzon Expressway (SLEX). Sadyang hindi makakatakas ang simbolismong hatid ng sitwasyong ang mga nasa Skyway na elevated ang pagkakagawa ay makikita sa itaas habang ang mga bumibiyahe sa SLEX ay nasa ibaba.



Noon pa man, malinaw na ang Skyway ay hindi para sa mahihirap kundi para sa malalaking lokal at dayuhang negosyante na kailangang bumiyahe sa mga industrial estate sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (CALABARZON). Dahil hindi hamak na mas mataas ang kanilang kita, hindi nila problema ang mataas na singil sa Skyway dahil barya lang ito sa pamantayan nila.


At kung mayroon mang aral na hatid ang diumanong solusyon ng pamahalaan sa trapik sa Maynila, ito ay ang katotohanang ang mga lansangan ay hindi para sa mga ordinaryong mamamayan. Ito ay para sa mga may sariling sasakyan na kayang bumiyahe araw-araw at walang masyadong reklamo sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Kung susuriin ang datos ng Land Transportation Office (LTO), ang mga rehistradong pribadong sasakyan ay umabot na sa 5.7 milyon sa buong Pilipinas noong 2012. Ikumpara ito sa mga “for hire” na mga sasakyan na 969,784 lang.


Sadyang may malaking kontradiksiyon sa mga lansangan. Nagsisiksikan ang karamihan sa kakaunting pampublikong sasakyan, samantalang ang minorya ay komportableng bumibiyahe sa nakararaming pribadong sasakyan. At sa sitwasyong ito, alam mo kung sino ang kinakampihan ng gobyerno. Ramdam na ramdam mo kasi ang parusang hatid ng polisiyang hindi nagpapagaan sa araw-araw mong pakikibaka.



Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.




************














No comments:

Post a Comment