Tuesday, August 13, 2013

Pinoy Weekly - Protesta vs taas-pasahe sa MRT/LRT, umaarangkada


Posted: 13 Aug 2013 03:00 AM PDT
Sinimulan ng grupong #StrikeTheHike ang protesta sa internet gamit ang popular na selfie o self potrait laban sa naka-ambang pagtaas ng pamasahe sa MRT/LRT. (Kontribusyon)
Sinimulan ng grupong #StrikeTheHike ang protesta sa internet gamit ang popular na selfie o self potrait laban sa naka-ambang pagtaas ng pamasahe sa MRT/LRT. (Kontribusyon)


Hindi nagpatinag sa bagyong Labuyo ang mga tumututol sa nakaambang pagtaas ng pamasahe sa Metro Rail Transit/Light Rail Transit (MRT/LRT). Muli silang sumugod sa mga estasyon ng MRT at LRT para hikayatin ang mga komyuter na magprotesta sa planong pagtataas.


Sinabi ng grupo na mapipigil lang ang pagtaas sa pamamagitan ng protesta.
Ayon sa grupo, mula 2010 pa nais itaas ng gobyerno ang pamasahe sa MRT at LRT, pero hindi natutuloy dahil sa malawakang protesta ng mga komyuter. “Determinado si Pangulong Aquino na itaas ngayon ang pamasahe, kaya kailangang mas determinadong magprotesta ang mga komyuter para pigilan ito,” sabi ni Sammy Malunes, tagapagsalita ng Riles Laan sa Sambayanan (Riles) Network.


Kasabay ng protesta sa mga estasyon ng tren, sinimulan naman ng mga netizen ang ‘selfie protest‘ bilang isang porma ng pagtutol sa nakaambang taas-pasahe. Tinatawag na ‘selfie‘ o self-portrait ang pagkuha ng sariling larawan at paglalagay nito sa mga social networking site tulad ng Facebook, Twitter, Instagram at iba pa.


Sa pahayag ng grupong #StrikeTheHike, isa ang ‘selfie‘ para ihayag ng mga komyuter ang kanilang hinaing laban sa taas-pasahe.


“Kombinasyon ng online at offline ang pagsalubong namin sa panibagong pagpapahirap sa mga konsiyumer,” ani Mark Louie Aquino, tagapagsalita ng grupo at pangkalahatang kalihim ng Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region.


Hinikayat niya ang mga netizen na ilagay ang kanilang mga selfie sa Facebook page ng #StrikeTheHike. Isa sa mga naunang naglagay ng kanyang ‘selfie-protest’ ang mang-aawit na si Daryyl Shy na kasama sa isang talent search na “The Voice” sa ABS-CBN 2.


Isa sa mga nag-post ng kanyang 'selfie-protest' ang mang-aawit na si Darryl Shy (#strikethehike facebook photo)Isa sa mga nag-post ng kanyang ‘selfie-protest’ ang mang-aawit sa palabas na “The Voice” na si Darryl Shy (#strikethehike Facebook photo)


Inilatag naman ng grupong Riles ang limang dahilan para tutulan ang taas-pasahe sa MRT at LRT.
  1. Sapat umano ang kita ng MRT at LRT para imantina, paunlarin at palawakin ang operasyon ng mga ito. Ang tunay na halaga ng single ride tiket na P9.50 lamang ay sapat na sa maintenance at operation, kaya’t anumang labis sa halagang ito ay napupunta na sa tubo.

  2. Ang planong pagtataas sa pamasahe ay hindi maapupunta sa pagpapaunlad ng serbisyo, kundi sa bulsa daw ng pribadong mga korporasyon at dayuhang bangko na ginarantiyahan ng makaisang-panig na kontratang pinirmahan ng gobyerno. Kada taon, binabayaran ng gobyerno ang MRT Coproration ng P5.2. Bilyon saequity rental, dagdag pa ang garantisadong taunang 15% return of investments. Binabayaran din daw ang utang ng MRTC sa mga dayuhang bangko na umaabot sa P12.32-B mula sa buwis ng mga mamamayang Pilipino.

  3. Pabigat daw ang dagdag-pasahe sa mga komyuter. Kalakhan ng mga sumasakay sa tren ay binubuo ng mga manggagawa at estudyante na pinapahirapan na ng mga nagtataasang presyo ng mga batayang bilihin at serbisyo, samantalang hindi naman daw itinataas ang sahod.

  4. Bahagi daw ng pribatisasyon ang hakbang na itaas ang pamasahe. Ayon sa grupo, itinutulak ng gobyerno ang pagtaas sa pamasahe para manghikayat ng investors at ipakita sa kanila na kayang garantiyahan ng gobyerno ang malaking kikitain ng mga negosyante. Dagdag pa nila, pinakamalaking proyektong pribatisasyon ang proyekto ng MRT/LRT extension na nasa ilalim ng programang Public-Private Partnership ng administrasyong Aquino.

  5. Tungkulin at responsabilidad daw ng gobyerno na maglaan ng ligtas, epektibo at abot-kayang pangmasang sistema ng transportasyon.

“Ilalatag namin ang limang pangunahing puntong ito sa konsultasyon na ipapatawag ng Department of Transportation and Communication (DOTC),” sabi ni Malunes.


Sa Agosto 22, gaganapin ang “pampublikong konsultasyon” ng gobyerno hinggil sa taas-pasahe sa MRT/LRT.


Sasabayan naman daw ito ng protesta ng grupong Riles. “Malinaw naman ang pahayag ng gobyerno na itataas nito ang pamasahe, kaya’t hindi nito pakikinggan ang anumang oposisyon sa balakin nila. Publicity stunt lang ang konsultasyon para masabing may partisipasyon ang publiko,” sabi ni Malunes.



***********











No comments:

Post a Comment