Posted: 13 Aug 2013 03:34 AM PDT
Randy Vegas (kaliwa) at Raul Camposano, tinaguriang “Courage 2″
Isang hakbang para sa pagpapalaya ng “Courage 2″, o dalawang organisador sa hanay ng mga kawani ng gobyerno na sina Randy Vegas at Raul Camposano, ang pagbasura sa mandamyento de aresto laban sa kanila at dalawa pang aktibista kaugnay ng kaso ng pag-atake ng mga rebeldeng gerilya sa Tinoc, Ifugao noong Abril 25, 2012.Ikinatuwa ng mga kaanak, kasamahan mula sa Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (Courage) at iba pang progresibong organisasyon, at tagasuporta nila ang utos ng Regional Trial Court Branch 14 sa Lagawe, Ifugao na magsagawa muna ang gobyerno ng preliminary investigation sa insidente sa Tinoc, Ifugao. Kasabay sa pinapabawi ang mandamyento de aresto ang kina Roy Velez ng Kilusang Mayo Uno – National Capital Region at Amelita Bravante ng Defend Jobs Philippines, na isinasangkot din ng administrasyong Aquino sa nabanggit na pag-atake ng mga rebelde. “Napatunayan na nakapalinaw na gawa-gawang kaso (ang mga isinampa laban sa kanila). Wala talagang basis ang mga kaso, na-shortcut ang mga proseso at hao siao (peke) ang isinampang mga kaso laban sa kanila,” paliwanag ni Ferdinand Gaite, pambansang pangulo ng Courage, sa panayam ng Pinoy Weekly sa telepono matapos ilabas ang desisyon. Di-parehong utos Gayunman, sinabi ni Remigio Saladero Jr., abogado ng apat, na hindi kasama sa desisyon ng korte ang dalawa pang aktibista mula sa Cagayan Valley na isinama sa kaso, sina Rene Boy Abiva ng ACT Teachers Party-list at Virgilio Corpuz ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide o Piston sa Cagayan Valley. Sinabi ni Saladero na iniulat sa kanya ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Cagayan Valley na ibinasura ng parehong korte ang mosyon para sa preliminary investigation sa kaso laban kina Abiva at Corpuz. Maaari pang magsumite ng motion for reconsideration para sa pagbubukas ng preliminary investigation sina Abiva at Corpuz, paliwanag pa ni Saladero. Kasalukuyang nakapiit si Abiva sa Tugegarao, Cagayan, samantalang nakakulong naman si Corpuz sa Ifugao. Sinabi ni Saladero sa Pinoy Weekly na nagtataka siya kung bakit hindi na lamang iniutos din ng korte ang preliminary investigation sa kaso nina Abiva at Corpuz, samantalang pareho lang naman ang kaso ng lahat ng anim na aktibista. Hakbang sa paglaya Samantala, sinabi ni Gaite na positibong hakbang para sa hustisya ang naturang desisyon ng korte. Gayunman, patuloy pa rin ang pagsampa ng administrasyong Aquino ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga lumalaban sa administrasyon.
Rene Boy Abiva, noong Enero 2013 (File Photo)
Kasalukuyang nahaharap pa rin sa kaso ng pagkakasangkot daw sa isang ambush ng NPA sina Camposano, Vegas, Velez at Bravante sa Labo, Camarines Norte noong Abril 29, 2012 — apat na araw lamang matapos ang atake rin ng NPA sa Ifugao.Umaasa naman si Teresa Sesaldo, asawa ni Randy Vegas, na palalayain din ang dalawa at iba pang bilanggong pulitikal dahil inosente sila sa mga aksusasyon. “Bilang asawa, kasama at organisador na rin ng Courage, ikinakatuwa ko ang desisyon ng korte (sa Ifugao). Pero hindi tayo titigil hanggang hindi mapalaya sila kasi wala talaga silang ginawang masama. Gawa-gawa lang talaga ang mga kaso laban sa kanila,” aniya. Sinabi ni Sesaldo na baka maglabas na rin sa Setyembre ng desisyon ang korte sa Daet sa mosyon ng mga akusado para ibasura ang kaso laban sa kanila. Dinukot ng mga militar na nakasuot-sibilyan sina Vegas at Camposano noong Disyembre 3, 2012 habang papunta sa nagpoprotestang mga empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Dinala sila sa Daet, Camarines Norte kung saan sila pitong buwan na ngayong nakakulong. Kabilang sina Vegas, Camposano, Abiva at Corpuz sa halos 300 bilanggong pulitikal sa bansa, ayon sa grupong pangkarapatang pantao na Karapatan. Sinabi nila na bahagi ng programang kontra-insurhensiya na Oplan Bayanihan ang pagsampa ng gawa-gawang mga kaso laban sa mga aktibistang nagsisiwalat ng mga katiwalian at inhustisya sa pamahalaan.
******
Note: Naunang iniulat ng Pinoy Weekly ang pagbasura sa mandamyento de aresto ng anim na aktibista–sina Randy Vegas, Raul Camposano, Roy Velez, Amelita Bravante, Rene Boy Abiva at Virgilio Corpuz–batay sa naunang mga ulat ng ilang nakakaalam sa kaso. Pero iwinasto ni Atty. Remigio Saladero Jr., abogado nina Vegas, Camposano, Velez at Bravante, na iyung apat lamang ang dinesisyunan ng korte pabor sa mosyon para sa preliminary investigation. Ipinagtataka umano niya iyun, gayong pare-pareho rin naman ang facts ng kaso laban sa anim. |
Tuesday, August 13, 2013
Pinoy Weekly - Korte sa Ifugao, ibinasura ang arrest warrant laban sa 4 na aktibista
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment