Wednesday, August 21, 2013

Pinoy Weekly - Alay Sa Bayaning Mandirigma (Gat. Andres Bonifacio) Tula –sa kanyang 150 taong kaarawan

(Tula –sa kanyang 150 taong kaarawan sa Nob. 30)



sa mahigit na tatlong daang taon
inalipin ka, ikaw, indio, ng ating la tierra pobreza
dumaong sila mula sa banyagang dalampasigan
silang mga puting panginoon
ng dusa’t inhustisya
upang itarak sa iyong puso’t isipan
espada at krus para ika’y pagharian
ginayuma ka, indio, ng maningning
at maringal na mga templo
upang sumamba ka’t manikluhod
habang isinisiksik sa pandinig at utak mo
mahabagin ang diyos sa mga gaya ninyo
ngunit lagi kang nananangis, indio,
at pumapailanlang sa simoy ng amihan
melodiya ng pagdurusa’t panambitan
ginawang kalabaw ang iyong mga anak
sa mga lupaing kanilang kinamkam
ginawang martilyo’t turnilyo
bisig ng iyong mga supling
sa kanilang pabrikang gilingan ng laman
sinakmal-sinaid di masukat mong yaman
ipinulupot sa iyong leeg at katawan
tanikala ng kaalipinan at karalitaan
parang mga tunog ng tambol sa karimlan
hinagpis ng mga kaluluwang nilapastangan
at karapatan mo lamang noon, oo, indio,
ang manangis at mamatay.



ngunit “di lahat ay natutulog sa dilim ng gabi”
at nagsayaw ka, gat. andres bonifacio
sa lagablab ng apoy ng sigang sinindihan
ng mga aninong kalansay na ngayon
hanggang tuluyang sumilakbo ang iyong puso
at marahas na rumagasa ang iyong dugo
hanggang sa karimlan ng gabi
ikaw at ang mga kapatid mong magigiting
ay walang humpay na naglamay
upang ititik ng inyong mga dugo
sa naninilaw na damuhan ng pag-asa
sa nabaog na mga burol at sabana
banal na layuning sintang baya’y palayain
gilitan ng leeg ang mang-aalipin
oo, gat. andres bonifacio
pataksil ka mang pinatay
ng mga kampon ng dilim
bayani ka pa ring mandirigma
ng kalayaan at pagsinta
at sa puso nami’y lalagi kang dakila
mamumulaklak, magniningning, hahalimuyak
magiting mong mga alaala
lalo’t pinakasisinta naming la tierra pobreza
sakbibi ngayon ng bagong mga panginoon
ng lagim at dusa’t inhustisya
at, oo, tungkulin naming ituloy ang pakikibaka.



oo, bayaning mandirigma ng patria adorada
huwag kang manimdim
magbabanyuhay rin ang iyong mithiin
magsasanib ang ating mga adhika
at di mapipigtal ng mga panahon
mga bulaklak ng lunggating sa dibdib bumukad
mga talulot iyon ng sanlaksang gumamela
mga pulang petalya sa pader ng alaala
lebadura sa panata ng madugong pakikibaka
kaming mga kapatid mo sa uri’t pagmamahal
ay magsasayaw pa rin sa lagablab ng apoy
ng sigang sinindihan ninyo noon pa man
magsasayaw kami tulad ng zulu ng timog aprika
tulad ng mga inca ni manco capac
sa imperyo ng tahuantinsuyo
tulad ng mayan ng chiapas, yucatan at tabasco
ng sibilisasyong mesoamerikano
palasong maglalagos sa aming puso
titig ng mga matang inaapawan
ng luha ng dalamhati ng lahi
maglalandas sa aming mga ugat
ngitngit ng butuhang mga bisig
himagsik ng impis na mga dibdib
oo, sa lagablab ng apoy ng iyong mga alaala
patuloy kaming magsasayaw
hanggang isabog ng mga alipato
maningning na pag-asa
hanggang isakay ng mga dahon
matimyas na pagsinta
hanggang hinahabol
ng sumisingasing na hininga
layang ibinartolina
ng mga panginoon ng dusa
di mamamatay ang apoy ng iyong mga alaala
di mapipigilan ng daluhong ng mga punglo
mula sa kuta ng pagsasamantala’t inhustisya
lagablab ng apoy ng iyong pagsinta
para sa pinakamamahal nating la tierra pobreza!




**********







No comments:

Post a Comment