Posted: 05 Aug 2013 05:53 AM PDT
Muling nagpiket ang mga manggagawa sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa harap ng tanggapan ng Social Security System para iprotesta ang panibagong iskema sa karagdagang kontribusyon ng mga kasapi ng Social Security System (SSS).
Ayon sa KMU, dagdag pasanin umano para sa mga manggagawa ang dagdag sa premium na singil ng SSS. Hindi rin daw nangangahulugan na para sa benepisyo ng mga kasapi nito o pagpapalaki sa pondo ng ahensiya ang pagtaas. Anila, maaaring mapunta lang sa bulsa ng mga kapitalista ang dagdag-kontribusyon sa porma ng panimulang kapital para sa mga proyektong nasa ilalim ng programang Public-Private Partnership ng gobyerno. “Tutol kami sa anumang pagtaas ng premium sa SSS, at magpoprotesta kami hangga’t hindi ibinabasura ng gobyernong Aquino ang ang iskema nito,” sabi ni Jerome Adonis, SSS campaigns officer ng KMU. Sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Aquino, nagpanawagan itong itataas ang premium ng SSS para mapabuti raw ang benipisyo ng mga kasapi ng ahensiya. Pero hindi naniniwala ang KMU na para sa kabutihan ng mga kasapi ng SSS ang panukalang pagtaas ng premium. “Sa datos ng SSS, ipinapakita na kayang pagbutihin ang benepisyo at manatiling buhay ang ahensiya kahit hindi nito taasan ang premium,” ani Adonis. Binanggit ng grupo ang PhP345-Milyon ang investments ng ahensiya noong 2010, taunang kita na mahigit PhP20-Bilyon at PhP8.5-B kontribusyon ng mga kasapi ng ahensiya na hindi nababayaran ng mga employer gayundin ang naglalakihang mga bonus ng mga miyembro ng manedsment ng SSS. Binatikos din ng grupo ang pagtutulak umano ng administrasyong Aquino at ng manedsment ng SSS na baguhin ang hatian sa bayaran ng employer at empleyado. Sabi ng grupo mula sa 70-30 na hatian, plano umano itong gawing 50-50. Inamin ng isang opisyal ng SSS sa ilang midya na tutol din ang mga employer na dagdagan ang premium pero lumambot umano ang mga ito nang sabihin ng SSS ang ideyang 50-50 na hatian sa panukalang pagtataas ng premium. “Walang kapaguran ang gobyernong ito na maghanap ng paraan para pahirapan ang mga manggagawa at busugin naman ang mga kapitalista,” ani Adonis.
***********
|
Monday, August 5, 2013
Pinoy Weekly - Obrero tutol sa dagdag-premium ng SSS
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment