Posted: 14 Aug 2013 03:58 AM PDT
Kinondena ng mga alagad ng simbahan ang programang drones ng militar ng US. Pinuri nila ang desisyon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na di-payagan ang paggamit ng US sa paliparan ng lungsod bilang lunsaran ng mga atake at paniniktik ng drones. (Barry Ohaylan)
Ikinatuwa ng mga grupong pangkapayapaan sa Mindanao ang mga pahayag ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na di siya pumayag na gawing lunsaran ang paliparan ng lungsod para sa US military unmanned aerial vehicles o drones, at di rin pagpayag sa “permanenteng rotational” na paglagak ng tropang militar ng Kano sa lungsod.Sa pahayag ng Initiatives for Peace in Mindanao (InPeace Mindanao), sinabi nitong malinaw na banta sa kapayapaan ng Mindanao at ng mundo ang presensiya ng mga tropang militar ng US at mga kagamitang pandigma nito.
“Maliban sa pagiging malinaw na isyu ng karapatang pantao, agresyon laban sa soberanya ng mga bansa ang giyera ng teror ng US laban sa mga mamamayan ng mundo,” pahayag ni Bishop Felixberto Calang, tagapangulo ng InPeace Mindanao, sa wikang Ingles. “Partikular na nakadirekta ang mga paniniktik at atake ng drones sa mga bansa na may estratehikong pang-ekonomiya at pampulitikang interes ang US, at kung saan mayroong armadong paglaban.”
Ipinunto rin ng grupo na tama si Duterte sa pagsabing may kakayahan ang US na maghasik ng teror, tulad ng naisiwalat na mga aktibidad ng ahente ng US-Central Intelligence Agency (CIA) na si Michael Terrence Meiring noong 2002 na nadiskubreng may ginagawang mga bomba.
Sumabog nang mag-isa ang mga bomba na dala ni Meiring sa Evergreen Hotel sa Davao City noong 2002 — panahon ng matinding mga pagbombga sa iba’t ibang lugar sa lungsod. Bahagi rin ito sa mga isiniwalat ng mga nag-alsang junior military officers sa ilalim ng Magdalo bilang bahagi ng plano ng Armed Forces of the Philippines at ng CIA para isisi ang mga pagbomba sa mga grupong Moro.
“Ipinapakitang padron ang mga pagbomba at sitwasyon ng pananakot ng pagbomba sa Mindanao, tulad ng sunud-sunod na teror noong nakaraan, para bigyang katwiran ang military aid at interbensiyon ng US. Hindi lulusot sa paningin natin ang katotohanang habang niyayanig ng mga pagbomba ang Mindanao, walang-hiyang humihingi ang Malakanyang ng paglaki ng bilang ng rotational forces ng militar ng US sa bansa, maliban sa binibigyang katwiran ang joint military exercises ng US at Pilipinas,” paliwanag pa ni Calang.
Isiniwalat ni Duterte noong nakaraang linggo na maraming beses siyang nilapitan ng mga opisyal ng US para gawing baseng militar ng programang drones nito ang Davao airport. Ilang beses umano niyang tinanggihan ang hiling ng US. Sinabi pa ni Duterte na kahit noong alkalde na ang kanyang anak na si Sara Duterte mula 2010 hanggang 2013, patuloy ang paghiling ng mga opisyal ng US.
“Makikita nito ang sikretong pakikipagkompromiso ni Pangulong Aquino at pagbenta sa pambansang soberanya natin sa pamamagitan ng paglawak ng saklaw ng Visiting Forces Agreement, gayundin ang pag-igting ng relasyong amo-tuta ng US at Pilipinas sa ilalim ng US-PH Mutual Defense Treaty,” pahayag pa ni Calang.
***********
No comments:
Post a Comment