Pinananagot ng mga grupong maka-kalikasan at katutubong mamamayan ang Philex at ang administrasyong Aquino sa pinsalang dulot nito sa kapaligiran at mga mamamayan. (Soliman A. Satos)
Nanawagan ng imbestigasyon ang mga grupong maka-kalikasan kaugnay ng patuloy na operasyon ng Philex Mining Corporation sa kabila ng naganap na mine spill sa Agno River noong nakaraang taon.
Sa isang kilos-protesta sa harap ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City ngayong araw, pinananagot ng Kalikasan People’s Network for the Environment (Kalikasan-PNE) sina Secretary Ramon Paje ng DENR at Dir. Leo Jasareno ng Mines Geosciences Bureau (MGB) kung bakit pinalawig ng mga ito ang pansamantalang operasyon ng Philex. Nais din nilang malaman kung saan napunta ang PhP1.034 bilyong multa ng naturang kompanya dahil sa pinsalang naidulot nito.
Clemente Bautista ng Kalikasan-People’s Network for the Environment. (Soliman A. Santos)
“Isang taon matapos na idulot ng Philex ang pinakamalalang pinsala sa pagmimina sa kasaysayan ng Pilipinas, nag-ooperasyon na ulit ito habang pinababayaan ang responsibilidad na ayusin ang apektadong lugar at magbayad ng makatarungang kompensasyn sa mga naaapektuhang komunidad at mamamayan. Malinaw na hinayaan na lamang ng gobyernong Aquino ang Philex matapos magbayad ng kapirasong multa, at kailangang maimbestigahan ito,” ayon kay Clemente Bautista, pambansang tagapag-ugnay ng Kalikasan PNE.
Binansagan naman ng grupo bilang mga kriminal ng kalikasan sina Paje, Pangulong Benigno Aquino III at Manny Pangilinan, chief executive officer ng Philex.
Matatandaang nagbayad ng mahigit isang bilyong piso ang Philex sa MGB noong Pebrero 18, 2013. Noong Pebrero 26, agad na pinayagan ng MGB ang komersyal na operasyon ng kompanya sa loob ng apat na buwan, para umano maipagpatuloy nito ang rehabilitasyon.
Pero ayon kay Clemente, napakaliit ng PhP1.034-B para sa kinakailangang rehabilitasyon ng Agno River at mga apektadong daluyan nito.
“Ang National Power Corporation pa lamang ay humihingi na ng P6.24-B mula sa Philex dahil sa 13.51 milyong metro kubikong tagas-mina na napunta sa San Roque Dam,” sabi ni Clemente.
Dapat din, aniyang agad na suspindihin ang operasyon ng pagmimina dahil parehong paraan pa rin ang ginagamit nito na maaaring magdulot muli ng panibagong pinsala.
“Ang multang ito ay dapat na gamitin para sa rehabilitasyon at kompensasyon sa mga komunidad sa Pangasinan, pero nasaan na ang pera?” tanong pa ni Clemente.
Nanawagan pa ang Kalikasan PNE sa Department of Justice at Kongreso na imbestigahan ang naturang kaso.
“May malakas na ebidensya na nagdulot ng malawakang polusyon at pagkawasak ng kalikasan ang Philex, pero hindi ito pinansin ng gobyernong Aquino. Ang pagtanggap niya sa mga kriminal ng kalikasang ito ay nagpapakita lamang ng talamak na korapsyon sa burukrasya,” ani Clemente.
Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas. (Soliman A. Santos)
Samantala, sinabi ni Piya Macliing Malayao, tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), na bukod sa multa dapat linisin ng Philex ang apketadong mga lugar kabilang na ang mga komunidad na dinadaluyan ng Agno River.
“Dapat maunawaan ng Philex na pinarurusahan ito dahil sa hindi ligtas at ireponsableng pagmimina. Paglilinis, rehabilitasyon at kompensasyon sa apektadong mamamayan ang hinihingi namin sa Philex,” sabi pa ni Malayao.
Idinagdag ni Malayao na sa kabila ng pangakong pag-unlad ng Philex sa mga katutubong mamamayan, napakaliit ng pakinabang na kanilang nakukuha.
“Bilyon-bilyon ang ganansya ng Philex habang nabubuhay ang mga katutubong mamamayan sa mapanganib na kapaligiran at hindi maaayos na kondisyon bilang mga minero ng Philex,” pahayag ni Malayao.
“Karapatan lamang ng mga katutubong mamamayan na ipaglaban ang kanilang mga panawagan,” aniya pa.
###
No comments:
Post a Comment