Saturday, August 24, 2013

Pinoy Weekly - Pagkatapos ng protesta, ano na?


Posted: 24 Aug 2013 12:31 AM PDT

Pher Pasion

Hindi na mahirap manghikayat na sumama sa protesta sa Luneta sa Lunes (Agosto 26). Salamat sa midya, may ideya na ang maraming mamamayan sa mga susing usapin. Malinaw na rin ang malawak na pagkakaisa sa mga ito – pagtatanggal sa sistemang pork barrel, pagpaparusa sa mga napatunayang may-sala at pagkakaroon ng transparency at accountability sa pamahalaan.

Anuman ang iyong politikal na paninindigan, nakikita mo ang kahalagahang ipakita ang kolektibong galit sa pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kung paniniwalaan kasi ang mga balita, lumalabas na P10 bilyon ang napunta sa bulsa ng iilan dahil sa tinatawag ngayong pork barrel scam na kinasasangkutan ng limang senador at 23 miyembro ng House of Representatives, bukod pa sa mga kasabwat nila sa pribadong sektor.

At dahil tulad ka ng iba pang Pilipinong nagbabayad ng buwis, may dahilan ka para magalit. Kung tutuusin nga, ang P10 bilyon-pisong anomalya ay personal: Nagpapakahirap kang mabuhay araw-araw at biglang bumulaga sa iyo ang balitang may nagpapasasa pala sa mga binayaran mong buwis sa mga nagdaang taon! Para sa iyo, ikaw mismo ang pinagnakawan ng gobyernong dapat ay kumakalinga sa iyo. Ang ilang ibinotong opisyal ay nagsamantala sa kanilang posisyon. Ibinulsa nila ang perang dapat ay para sa serbisyo publiko. At kung ikaw mismo ang bumoto sa ilang nasasangkot sa kasalukuyang anomalya, hindi nakagugulat na mas matinding galit ang nararamdaman mo sa kasalukuyan.

Sa puntong ito, mainam na suriin ang pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino tungkol sa isyu ng pork barrel. Sabi niya sa isang press conference kahapon (Agosto 23), “Panahon na po upang i-abolish ang PDAF [o Priority Development Assistance Fund ng mga mambabatas].” Pero baka ka tuluyang maniwala, mainam na basahing mabuti ang susunod na pangungusap niya: “[B]ubuo tayo ng bagong mekanismo upang matugunan ang pangangailangan ng inyong mga mamamayan at sektor.”

Ngayon pa lang, dalawang punto na ang kailangang linawin.

Una, mali ang paggamit ng terminong “abolish” hinggil sa PDAF dahil pinapalitan lang naman ito ng isang bagong mekanismo. At kung susuriin nga ang buong pahayag ni Aquino, binibigyan pa rin ng kapangyarihan ang mga miyembro ng Senado at House of Representatives para makapagmungkahi ng mga proyekto bagama’t daraan na ito sa “proseso ng pagbubuo ng budget.” May pangako rin ang Pangulong “hihimayin ang bawat linya, bawat piso, bawat proyekto.”

Ikalawa, ang sistemang pork barrel na kailangang buwagin ay hindi lang PDAF. Nariyan din ang tinaguriang “presidential pork barrel.” Ayon sa pag-aaral ng Kabataan Partylist, hindi lang bilyon kundi TRILYONG PISO ang panukalang pondo ng Pangulo para sa taong 2014: “[T]he total presidential pork barrel lies somewhere in between P1.3-1.5 trillion, which is anywhere between 58 to almost 70 percent of the total national budget.” Binubuo raw ito ng special purpose funds at automatic appropriations (P1.246 trilyon); confidential at intelligence funds (P1.46 bilyon); programang Payapa at Masagayang Pamayanan o PAMANA (P7.22 bilyon); programang conditional cash transfer o CCT (P62.6 bilyon); bottom-up budgeting o BuB approach (P20.03 bilyon); at ang mga hindi pa malinaw na halaga ng realignment bunga ng savings ng nakaraang taon at off-budget accounts  tulad ng President’s Social Fund.

Hindi hamak na mas malaking halaga ang pork barrel ng Pangulo kumpara sa taunang PDAF ng mga mambabatas na P200 milyon (Senado) at P70 milyon (House of Representatives) bawat isa. Huwag din nating kalimutang mayroon ding sariling pork barrel ang Office of the Vice-President na P200 milyon bawat taon. Malinaw na ang mas dapat tutukan ay ang pagbubuwag hindi lang ng PDAF kundi ng pork barrel ng Malakanyang mismo.

Kung may proyekto ang gobyernong nais na ipatupad sa komunidad, may mga ahensiya ng gobyernong kayang direktang mangasiwa nito. Sa teorya, ang mga lokal na gobyerno rin ay nasa posisyon para tukuyin ang pangunahing pangangailangan ng mga komunidad.

Tungkulin ba ng mga mambabatas na mangasiwa o magtukoy ng pang-komunidad na proyekto? Malinaw ang sagot: Ang trabaho ng isang miyembro ng Senado o House of Representatives ay maghain ng mga panukalang batas at resolusyon at mag-imbestiga bilang gabay sa lehislasyon (investigate in aid of legislation). Gayundin ang kaso ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. Mas nararapat nilang tutukan ang mga polisiyang may kinalaman sa pagpapatupad ng mga programa ng gobyerno. Ang mga partikular na proyekto ay hindi na nila dapat gawin.
Ang problema lang sa maraming nahalal na opisyal sa Malakanyang, Senado at House of Representatives, nakikita nila ang pangangailangang “magparamdam” sa kanilang nasasakupan, lalo na sa mahihirap. Nangangahulugan ito ng mapanlikhang pagpapakilala sa pamamagitan ng mga proyektong masasabing sa kanila at hindi sa mga katunggali sa politika. Sa ganitong konteksto nagiging kapansin-pansin ang naglalakihang billboard na ipinapangalandakan ang pagkakaroon, halimbawa, ng kalye, basketball court o multi-purpose hall. Ang mensahe ng mga patalastas na ito ay hindi magagawa ang mga proyekto kung wala ang “kabutihang-loob” ng isang opisyal.

Ang ganitong konsepto ng “serbisyo publiko” ay sadyang karumal-dumal. Higit pa sa “epal” na katangian nito, malinaw ang misrepresentasyon ng mga politiko. Ang perang ginamit para sa mga proyektong ito ay hindi mula sa bulsa ng mga opisyal kundi mula sa atin mismo! Pero bukod pa sa maling ideyang ibinibigay ng mga patalastas, tandaan nating may posibilidad ng korupsiyon sa paggamit ng PDAF lalo na’t napabalitang nakakakuha diumano ng kickback ang ilang taga-Senado at House of Representatives sa kanilang pakikipagsabwatan sa ilang indibidwal. Sa madaling salita, ang tinaguriang “kabutihang-loob” ng ilang opisyal ng gobyerno ay hindi para sa mga mamamayang dapat na pinaglilingkuran kundi para sa sariling patuloy na pinayayaman.

Sa sitwasyong ito, hindi nakagugulat ang kolektibong galit ng mamamayan. Sige, ipakita ang politikal na nararamdaman sa Lunes. Sige, irehistro ang personal na pinagdaraanan sa pamamagitan ng social media. Sige, makipag-ugnayan sa iba pang may parehong paninindigan.

Pero may tanong lang ako sa pagwawakas ng sanaysay na ito: Pagkatapos ng protesta sa Lunes, ano na? Babalik na ba sa pagtatrabaho o pag-aaral sa Martes at sasabihin sa sariling “Nagampanan ko na ang inaasahan sa akin”? Kontento ka na ba sa pagpunta sa Luneta at sa pagkuha ng ilang litrato para sabihing naroon ka?

Mula sa isang medyo nakatatanda, sana’y seryosong pag-isipan ang payo ko: Huwag ka lang magpunta. Magmartsa ka sa Luneta. Abangan mo ang iba pang indibidwal at grupo sa Liwasang Bonifacio bandang 9:00 ng umaga. Huwag kang mahiyang makipag-usap sa kanila habang naglalakad. Huwag kang matakot sa tila organisadong pagkilos nila, bukod pa sa pulang t-shirt na suot at bandilang iwinawagayway.

Sa aking pagkakaalam, nakatakdang magpunta sa Mendiola ang grupong ito pagkatapos ng pagtitipon sa Luneta. Gusto mo bang sumama? Sana naman. Ang isyu kasi ay hindi lang PDAF ng mambabatas kundi mismong pork barrel ng Malakanyang. Masyadong malayo ang Luneta para iparating sa Pangulo ang ating saloobin. Alam mo ring ang anumang protesta ay hindi dapat limitado sa simpleng paglalakad sa parke. Sa gitna ng ating personal na galit, ang mga politikal na kahilingan ay sama-sama nating igiit.



Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa www.dannyarao.com.



********






No comments:

Post a Comment