Saturday, August 17, 2013

Pinoy Weekly - Ang kagila-gilalas na sining ni Jose F. Lacaba

Posted: 17 Aug 2013 02:57 AM PDT


Hindi katulad sa teatro, bihira kilalanin ang manunulat ng iskrip sa pelikula. Maliban na lamang kung siya rin ang nagdirehe ng kaniyang sinulat. Maraming direktor ng pelikula ang hinahangaan at iniidolo ng mga kabataang nangarap pasukin ang mundo ng paggawa ng pelikula. Ngunit iilan lamang ang mga manunulat ng iskrip ng pelikula ang tumatatak sa mga manonood.

Isa si Jose F. Lacaba, na mas kilala bilang Pete, sa mga itinuturing na batikang scriptwriter ng pinilakang tabing. Kinilala ng mga kritiko ang kahusayan ng ilan sa mga pelikula ni Lacaba tulad ng “Bayan Ko: Kapit sa Patalim,” “Orapronobis,” “Sister Stella L.,” “Jaguar” at “Segurista.”

Isa sa kalakasan ng mga pelikulang isinulat ni Lacaba ay ang paggamit ng lenggwaheng gagap ng mga pangkaraniwang manonood. Katambal nito ang pagbibigay-buhay ni Lacaba sa mga tauhang nakabatay sa mga taong araw-araw lang nating nakakasalimuha.


Jose F. "Pete" Lacaba
Jose F. “Pete” Lacaba

Maaaring nakuha ni Lacaba ang kalakasang ito mula sa kanyang karanasan bilang peryodista. Bago pa man siya sumabak sa pagsusulat sa pelikula, nakilala na siya bilang mahusay na mamamahayag sa magasing Free Press at premyadong makata. Hindi tulad ng ilang manunulat na hinuhugot lamang sa kanilang imahinasyon ang kanilang mga kwento’t tauhan, pinagyaman ng pananaliksik at karanasan sa pamamahayag ni Lacaba ang kaniyang mga kuwento sa pelikula.

Karamihan sa mga pelikulang isinulat ni Lacaba ay hindi lamang ginawa para lamang magbigay-aliw. Nagsisilbi rin ang mga ito bilang komentaryong panlipunan. Makikita sa mga tema ng itinampok sa mga pelikulang isinulat niya–kahirapan, karapatang pantao, pag-aaklas at rebelyon—kung paano pinatatalas ng pulitika ni Lacaba ang kaniyang sining.

Hindi kaila ang pakikisangkot ni Lacaba sa aktibismo noong panahon ng Batas Militar. Napatay sa isang engkwentro ang kapatid niyang makata at rebelde na si Eman noong 1976 sa kabundukan ng Davao . Si Pete mismo ay inaresto at nabilanggo magmula 1974 hanggang 1976. Iniakda ni Pete ang libro na “Days of Disquiet, Nights of Rage,” isa sa mga pinakamahalagang dokumento ng kasaysayan at ng pamamahayag noong panahon ng rehimeng Marcos. Ipinakita rito ni Lacaba ang kaniyang brand o tipo ng pamamahayag sa kaniyang pagkober at pagreport ng mga serye ng mga demonstrasyon at protesta noong 1970 na kinilala bilang Sigwa ng Unang Kuwarto o First Quarter Storm.

Dinala niya ang mga leksyon ng lansangan sa kaniyang mga pelikula. Makikita ito sa tapang at talas ng kaniyang mga isinulat na pelikula. Pinakamapangahas dito ay ang “Orapronobis” na idinirehe ni Lino Brocka noong 1989. Inilarawan ng “Orapronobis” ang mga paglabag sa karapatang pantao at pandarahas sa mga nagsusulong pagbabago sa lipunan matapos ang pagbagsak ng diktadurang Marcos at panunumbalik umano ng demokrasya. Sa sobrang tapang ng pelikula, hindi ito kailanman naipalabas sa komersyal na sinehan  matapos hindi pahintulutan ng administrasyon ni Cory Aquino ang pagpapalabas nito.

Huling sumulat ng pelikula si Pete noong dekada ’90, ngunit hindi matatawaran ang naging ambag niya hindi lamang sa sining ng pelikula kundi maging sa pamamahayag at panitikan. Binaklas ni Lacaba ang ivory tower ng pagsusulat ng mga makata at inilapit ang kaniyang panulat sa masang Pilipino sa pamamagitan ng pagiging mamamahayag at mandudula sa pelikula.



************









No comments:

Post a Comment