Nangako ang mga lider-maralita ng Brgy. San Roque, Quezon City na ipagpapatuloy nila ang paglaban para sa kanilang karapatan sa San Roque, sa kabila ng mga kasong isinampa ng pulisya. (Pher Pasion)
Kinondena ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang pagsampa ng anila’y gawa-gawang mga kaso laban sa kanilang mga lider, matapos ang marahas na tangkang pagbuwag sa kanilang barikada laban sa demolisyon noong Hulyo 1 sa Agham Road, Quezon City.
Nakatanggap ng
subpoena mula sa Office of the City Prosecutor sina Carlito Badion, pangkalahatang kalihim ng Kadamay, Josephine Lopez, tagapangulo ng Kadamay-Sitio San Roque, Estelita Bagasbas, pangalawang tagapangulo ng Kadamay) at Arnulfo Anoos, lider ng All UP-Workers’ Union, noong Hulyo 26.
Kasong
indirect assault, at iba pa, ang isinampa nina Psupt. Pedro T. Sanchez ng Philippine National Police na namuno sa hanay ng kapulisan.
“Nakahanda kami sa ano mang tipo ng kaso na isinampa sa amin para supilin ang aming mga karapatan,” ayon kay Badion.
Ayon naman kay Bagasbas, nagpapahayag sila ng pagtutol sa malawakang demolisyon noong Hulyo 1 pero sangkatutak na pulis ang ipinadala sa kanila. Hindi umano sila ang nanakit at nagbigay na sila ng hudyat na uusog na sila. Pero pinagpapalo na umano sila ng mga kapulisan.
Nagsampa naman ng kaso laban sa mga pulis si Myrna Dalida ng Anakbayan-San Roque. (Pher Pasion)
Nagpaputok umano ang mga pulis, bagay na lalong nagpagulo ng sitwasyon noon. Pero walang lumabas sa midya tungkol sa pagpapaputok ng baril mula sa mga pulis, ayon kay Anoos.
“Hindi madaling gampanan ang pagtatanggol sa sarili naming tahanan. Hindi madaling lumaban sa kapulisan na armado, samantalang kami boses ang lamang na pinagkakaitan pa magpahayag sa pamamagitan ng programa. Pero bakit ang nasasaktan ng mga pulis ay nanggagaling sa mga mamamayang mahihirap na walang sandatang hawak? Samantalang yung mga nagdedemolis, may pamalo, may armalite, may .45,” ayon kay Anoos.
Nagsampa naman ng kasong administratibo si Myrna Dalida ng Anakbayan-Sitio San Roque laban kay Psupt. Sanchez sa Ombudsman. Hinabol at pinalo umano ni Sanchez si Dalida sa tuhod noong magkaroon ng tensiyon noong Hulyo 1 na ikinapilay niya.
Itatayo sa lupang kinatitirikan ng tirahan ng mga residente sa North Triangle ang Quezon City Central Business District na mas kilala ring Vertis North. Isa itong proyektong Public-Private Partnership na nagkakahalaga ng P22 Bilyon mula sa kapital na ilalagak umano ng Ayala Land, Inc.
***********
No comments:
Post a Comment