Ayon sa mga balita, susi ang papel ng mga “pekeng non-government
organization” o NGO sa sumabog na eskandalo kaugnay ng pork barrel ng
mga kongresista at senador. Pinadaloy ng mga mambabatas ang kabang-bayan sa mga
pekeng NGO, na itinuring sigurong hindi kakwestyon-kwestyon, kapani-paniwala at
kapuri-puri pa nga na paglagakan ng pera. Sa gitna ng kontrobersya, nagpahayag
ng pagkabahala ang Caucus of Development NGOs o Code-NGO na nakakaladkad daw
ang reputasyon ng mga “lehitimong NGO” sa putikan ng anomalya.
Kung magsalita, parang napakalinis ng grupong ito, na nasangkot
din sa eskandalo sa tumataginting na halos P2 Bilyon noong bungad ng rehimeng
Arroyo, binigyan umano ng premyo kapalit ng pagtulong sa pagpapabagsak sa
rehimeng Estrada.
Tama man o mali, batay sa maraming NGO sa
bansa, peke man o totoo, mayroong reputasyon ang Pilipinas sa buong mundo na
“NGO Superpower.” Humahango ng lakas ang reputasyong ito hindi sa kung anumang
“pag-unlad” o “pagbabago” na iniluluwal ng napakaraming NGO sa bansa, kundi sa
tuluy-tuloy at sumasambulat na mga protesta laban sa kawalan ng pag-unlad at
pagbabago. Sa kung anong dahilan, ang naturang mga protesta ay inaangkasan ng
mga NGO o naididikit sa kanila ng mga NGO sa daigdig at ng mga funding
agency na sumusuporta sa kanila. Tiyak, may paghanga ang ibang
tumatawag sa Pilipinas nang ganito; pero tiyak ding may pagkutya, lalo na ang
mga nakakaalam sa pagiging kwestyonable, kung hindi man maanomalya, ng marami
sa mga NGO sa bansa, at maging sa mundo.
Ayon sa anti-imperyalistang sosyologong si James Petras, lumaganap ang mga NGO sa Ikatlong Daigdig sa tatlong konteksto: Una, sa
panahon ng mga diktadura, bilang ligtas na atrasan ng mga kritikal na intelektwal.
Ikalawa, sa panahon ng paglakas ng mga kilusang masang anti-diktadura, bilang
tagapagsulong ng pagpapatalsik sa diktadura nang kaiba, kung hindi man kontra,
sa mga kilusang anti-imperyalista at nang pakitang-tao lang ang pananawagan ng
pagbabagong pang-ekonomiya. At ikatlo, sa panahon ng pag-igting ng krisis ng
pandaigdigang sistemang kapitalista bilang tagapagpahina sa paglaban sa mga
patakarang dikta ng mga imperyalista – direktang tagapagpabango ng mga
patakarang ito o tagapaglihis ng atensyon mula sa mga ito tungo sa mga gawaing
pang-ekonomiya na hiwalay sa pulitika.
Malinaw na binabanggit ni Petras ang
Pilipinas bilang halimbawa. Ang tinutukoy: ang dekada ’80 at pagkatapos, mula
paghina ng diktadurang Marcos hanggang pagkatapos nito. Nasa transisyon noon
ang pagsuporta ng imperyalismong US mula sa mga lantad na pasistang diktadura
sa Ikatlong Daigdig tungo sa mga pasistang diktadurang may pagpapanggap na
demokratiko. Bumuhos ang pondo galing sa mga imperyalistang bansa patungo sa
mga NGO sa Ikatlong Daigdig. Namayagpag pa ang mga NGO sa dekada ’90, panahon
ng “Katapusan ng Kasaysayan,” “Pax Americana,” at todo-todong neoliberalismo sa
daigdig. Pinalabas ang “civil society,” sa pangunguna ng mga NGO, na
pambalanse sa makapangyarihang Estado at Merkado (hindi sinasabing malalaking
kapitalista) pabor sa mga mamamayan.
Magandang isingit ang tendensyang “popular na demokrasya” o
“pop-dem” na sumulpot sa Kaliwa sa Pilipinas noong dekada ’80. Ayon kay Alex
Magno, pop-dem na akademiko noon, layunin ng pop-dem ang pagkakaroon ng
“masiglang atmospera ng pampulitikang pluralismo at malalakas na inisyatiba
mula sa mga… non-governmental organizations.” Sa mga sanaysay niya
sa librong Power Without Form [1991], makikita ang modus
operandi nila noon: ang ambisyong pagkaisahin ang lahat ng pwersang
kontra-diktadura ala Nicaragua at ang paghahain ng “Estadong
popular-demokratiko” na katanggap-tanggap sa lahat ng naturang pwersa sa
layuning isantabi ang tunay na alternatibang pambansa-demokratiko.
Naging
kapalit ng pag-agaw sa kapangyarihang Estado ang paggigiit sa Estado gamit ang
mga NGO.
Paano uunawain, kung gayon, ang reputasyong “NGO Superpower” ang
Pilipinas? Ang tiyak na nagdiriwang dito, ang nakakaraming pera-perang NGO na
sa ibang bahagi ng bansa ay nagsusulputan sa bawat kanto, salamat sa mabilis na
pagkilala sa mga NGO sa Pilipinas. Desisyon at hakbangin ito ng imperyalismo at
mga naghaharing uri, ang gawing NGO Superpower ang Pilipinas, para tapatan ang
malakas na anti-imperyalistang kilusan dito. Ang naturang kilusan, inilalantad
ang ugat ng naturang bansag, habang may mga progresibong NGO na tunay na
nagsusulong ng pagbabago – binabaligtad ang mesa kumbaga, at ang mumong
ibinibigay ng mga imperyalista sa layuning pahupain ang rebolusyonaryong
paglaban ng masa ay sinasamsam, kumbaga sa armas, para paglagablabin ang huli.
***********
No comments:
Post a Comment